Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na isang anak sa loob ng labinlimang tanong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang. Lahat ng paraan ay ginawa na nila nguni't wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito, ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga na lang ng maraming hayop tulad ng aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa pag-aalaga ng hayop, sila ay kumikita din dito.
Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni Osang. Alagang-alaga ito ni Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa pagtulog. Parang isang anak na ang turing ni Osang sa puting pusa.
Nguni't sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa iba't-ibang santo sa ibat-ibang lugar.
Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na kung siya ay bibiyayaan ng isang anak ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.
Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng isang babae at ito ay pinangalanan nilang Rosario. Lumaki si Rosario sa piling ng mapagpalang kamay nina Teban at Osang. Tulad ng kanyang pangako, hindi pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya't si Rosario ay hindi nakalalabas ng bahay.
Hanggang sa magdalaga na si Rosario ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa nito. Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Rosario ang tungkol sa kanilang pangako. Naintindihan naman ni Rosario ang kalagayan ng mga magulang at iginalang niya ang bilin ng mga ito.
Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosario, maraming binata pa rin ang nakabalita sa angking kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa dalaga. May isang napupusuan si Rosario, siya ay si Antonio.
Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosario. Tumawag siya sa labas ng bahay. Nagkataon naman na sa mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosario. Dumungaw si Rosario sa bintana.
"Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosario?" ang tanong ni Antonio.
"Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at Nanang na huwag akong magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay." ang sagot ni Rosario.
"Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentu-han tayo dito sa hardin." amuki ni Antonio.
Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang magkausap sila ni Rosario sa may hardin. Naisip ni Rosario na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa hardin ni Antonio. Higit sigurong maga-galit ang kanyang mga magulang kung patutuluyin niya sa loob ng bahay ang binata.
Nguni't pagtuntong na pagtuntong ni Rosario sa lupa ay biglang yumanig ang buong kapaligiran. Umagos ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling. Nilamon ng tubig ang kabahayan. Nagyakap sina Antonio at Rosario at humihingi ng saklolo. Walang tulong na dumating.
Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila nang di makita ang kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang kanilang nagisnan at sa pusod ng ilog na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.