May isang alipin na naninilbihan sa isang marangyang palasyo. Siya ay may isang anak na babae. Ang pangalan nito ay Marcela. Si Marcela ay mahal ng marami dahil sa kanyang magagandang katangian. Maganda, matulungin at ubod ng talino. Lagi siyang may laang sagot sa anumang katanungan.
Ito ay nakarating sa kaalaman ng Hari ng palasyong pinagsisilbihan ng kanyang ama. Isang araw ay inutusan ng Hari ang kanyang alipin upang masubukan ang katalinuhan ni Marcela.
"Dalhin mo ang ibong ito kay Marcela. Nais kong ipagluto niya ako ng labindalawang putahe sa pamamagitan ng isang ibong maliit na ito," ang utos ng Hari sa alipin.
Agad na tumalima ang alipin. Pinuntahan niya si Marcela at sinabi ang ipinag-uutos ng mahal na hari. Nag-isip si Marcela sa mga oras na iyon ay nagsusulsi ng damit si Marcela.
"Sabihin ninyo sa mahal na Hari na kung makagagawa siya ng labindalawang kutsara sa pamamagitan ng isang karayom na ito, ay magagawa ko rin ang labindalawang putahe sa pamamagitan ng isang maliit na ibon," ang matalinong sagot ni Marcela.
Ang alipin ng Hari ay mabilis na nagbalik sa palasyo at ibinalita ang kasagutan ni Marcela. Lihim na humanga ang Hari sa sagot ni Marcela. Nag-isip uli siya ng isa pang pagsubok. Muli niyang inutusan ang alipin.
"Nais ng mahal na Hari na ipagbili ninyo ang tupang ito," sabi ng alipin kay Marcela," nguni't nais din ng mahal na hari na ibigay ninyo sa kanya ang salapi at pati na rin ang tupa."
Naging palaisipan ito kay Marcela. Ang ginawa niya ay inalis ang mabalahibong balat ng tupa at ipinagbili ito. Ipinabalik niya sa alipin ang salaping pinagbilhan ng balat ng tupa at saka ang tupang wala nang balat.
"Talagang matalino nga Marcela," wika ng hari.
Nguni't ayaw talagang padaig ng hari. Sa ikatlong pagkakataon ay nais niyang subukin ang kakayahan ng dalaga. Kinaumagahan ay nag-utos siyang muli sa kaniyang alipin.
"Sabihin mo kay Marcela na ako ay may sakit at ang tanging lunas ay ang gatas ng lalaking tupa. Kung hindi niya ito maibibigay ay aalisin ko sa paninilbihan sa palasyo ang kanyang ama." utos ng hari.
Sa oras ding iyon ay nagbigay din ng utos ang mahal na hari sa buong palasyo. Ipinagbawal niya sa sinuman ang paliligo on paglalaba sa ilog sapagka't nais niyang gamitin ang ilog.
Nang gabing yaon, si Marcela at ang kaniyang ama ay nagkatay nang isang baboy. Ikinalat nila ang dugo sa isang malaking kumot at mga unan. Kinaumagahan, inilagay ni Marcela ang malaking kumot at mga unan sa bukana ng ilog na kung saan nagkataon nama'y naliligo ang mahal na hari.
Nakita siya ng mahal na hari at pasigaw na nagsalita. "Bakit ka naglalaba dito? Hindi mo ba alam na ipinagbawal ko ang paggamit ngayon sa ilog na ito dahil sa gagamitin ko ito sa maghapon?"
Yumuko ang dalaga at nagbigay galang sa hari.
"Kamahalan, naging tradisyon na namin ang labhan ang gamit ng taong nanganak. At dahil sa nanganak kagabi ng isang sanggol ang aking ama wala akong magagawa kungdi sundin ang kinagisnan naming tradisyon kahit na ito'y alam kong labag sa iyong kautusan,"
"Malaking kahangalan!" sigaw ng hari, "Paanong magkakaanak ang iyong ama. Isa siyang lalaki. Imposible ang iyong sinabi!"
"Kamahalan" sagot ni Marcela, "tulad ng inyong utos, imposible ngang manganak ang aking ama tulad ng gatasan ang isang lalaking tupa."
Hindi nakaimik ang hari, inabot niya ang kamay ni Marcela at pinuri ang katalinuhan ng babae".
"Marcela, isa kang matalino, ubod ng talino. Ikaw ang napili kong maging kabiyak ng aking anak na prinsipe," sabi ng hari.
Hindi nagtagal at naganap ang isang marangal na kasalan. Si Marcela at ang prinsipe ay maligayang nagsama habang buhay.