Pareho ang paaralang pina-pasukan ng magkakaibigang Bob, Ricky, Gina at Annie. Sabay-sabay silang nagtapos ng pag-aaral. Naging project engineer si Bob sa Makati, police officer si Ricky sa Camp Crame, college teacher si Gina sa La Salle at management consultant si Annie sa malaking export company.
Sa kabila ng tagumpay ay hindi nagbago ang magandang samahan nina Bob, Ricky at Gina na paminsan-minsan ay nagkikita sa mga seminar at social gatherings. Si Annie naman, mula nang makapag-abroad ng tatlong taon at bumalik ng Pilipinas na kasama ang naging mister na isa ring Filipino, ay biglang nagbago ng ugali naging masungit at mapagmataas. Sariling kamag-anak ay halos hindi na kilala. Lagi itong naka—pustura, namumulaklak ang katawan sa dami ng alahas na nakasabit. Hindi na ito narunong ngumiti. Laging nakaismid.
Nang magdaos ng class reunion ang kanilang paaralan ay kumibo-dili si Annie kina Bob, Ricky at Gina. Halatang napipilitan lang itong makipag-usap sa kanila. Ibang-iba na talaga ang ugali ni Annie.
Dalawang taong namayagpag nang todo si Annie. Laging nagsa-shopping kasama ang mister. Hindi na muna sila nagtrabaho dahil nakapag-ipon daw sila sa loob ng tatlong taong pamamasukan sa abroad. Nang dumating nga sila noon, anumang pasalubong ay wala silang binigyan kahit isa sa kamag-anak. Kung may dumadalaw sa bahay nila, nagkukulong si Annie sa silid. Ni tubig ay hindi mapainom ang dumalaw na kaibigan o kamag-anak.
Pagkaraan ng anim na buwan, gayon na lamang ang pagtataka ng mga kapitbahay dahil si Annie at ang mister nito ay lumipat sa mas maliit na tirahan. Wala nang suot na alahas ito. Medyo nangayayat. Lagi nang naka-tungo kung maglakad sa daan. Sabi pa ng isang kakilala, umutang sa kanya ng sampung piso si Annie, pambili ng pan de sal. Minsan ay humiram ito ng bigas para isaing sa pananghalian. Minsan daw ay nilagang saging ang hapunan nito. Nanihiyang lumapit si Annie sa mga kamag-anak o kaibigan na hindi niya pinansin noong siya ay mapera pa. Naghihirap siya ngayon. Naghahanap ng perang magagamit nilang mag-asawa para muling makapag-abroad.
Talaga yatang may mga taong madaling magbago ang ugali dahil sa kislap ng salapi. Makatagpo pa kaya sila ng tunay na kaibigan?