Noong araw ay may isang napakabait na hari. Lahat ng kailangan ng kanyang mga nasasakupan ay ibinibigay niya nang walang kondisyon.
Mayroong dalawang bilanggo sa palasyo na pinalaya niya. Ang mga ito ay sina Manuel at Miguel. Dahil talagang mabait ay agad inisip ng hari kung ano ang maaaring ibigay sa dalawa para matulungan ang mga ito sa pagbabagumbuhay.
Si Miguel ay binigyan niya ng malaking lupang sasakahin. Si Manuel ay binigyan naman niya ng mga alagang hayop.
"Pagyamanin mo ang lupa, Miguel, para gumanda nang husto ang iyong buhay," bilin ng hari nang palayain niya si Miguel.
"Opo, kamahalan, " sagot ni Miguel.
"Ikaw naman, Manuel, alagaan mong mabuti ang mga hayop para dumami at nang ikaw ay yumaman."
"Gagawin ko po, Mahal na Hari," sagot ni Manuel.
Ginawa naman ng dalawa ang bilin sa kanila ng hari. Mabilis na dumammi ang mga hayop ni Manuel na pawang malulusog. Ang lupa naman ni Miguel ay namunga nang sagana.
Nang sumapit ang kaarawan ng hari ay nagdala ng mga handog sina Miguel at Manuel sa bukid at sa mga hayop na alaga.
Si Miguel ay namitas ng mga bungang kahoy na maihahandog sa hari. Ang pinili niya ay iyong maliliit na bunga na hindi mabibili nang mahal. Si Manuel naman ay kinuha ang pinakamatabang hayop sa kanyang mga alaga at siyang inihandog sa hari.
Nagalit ang hari kay Miguel dahil hindi bukal sa loob nito ang paghahandog. Ang kabutihang ipinakita niya dito ay hindi nito tinumbasan ng kaparehong kabutihan. Lugod na lugod naman siya kay Manuel dahil sa alay nito sa kanya. Talagang pinili nito ang pinakamabuti para masiyahan siya.
Sa galit ng hari ay ipinatapon niya sa malayong bayan si Miguel. Si Manuel naman ay binigyan pa niya ng kapirasong lupa upang lalong umunlad ang buhay nito.