Si Mang Donato ay isang pulis na taga Cebu City. Siya ay 35 taong gulang na. Masagana ang pamumuhay, may malaking sari-sari store at tatlong pampasaherong jeep. Anim ang anak na lahat ay nag-aaral sa mababang paaralan, labingdalawang taong gulang ang panganay at anim na taong gulang naman ang bunso.
Anupa't larawan ng kaligayahan ang mag-anak ni Mang Donato. Maganda at mabait ang asawang si Luisa na siyang nag-aasikaso sa tindahan. May roon silang apat na katulong. Ang isa ay taga hatid-sundo sa anim na bata sa eskuwela.
Sadya yatang ang tao ay hindi nalulubos ang kasiyahan. Sa kabila ng mga biyayang natatanggap, si Mang Donato ay nalulong sa masamang bisyo! Kabi-kabila ang mga babae niya. Umuwi-dili siya sa sariling tahanan. Walang nagawa ang mabait na si Luisa.
Sa loob ng apat na taon ay halos nalustay ni Mang Donato ang kabuhayan ng pamilya. Naipagbili ang tatlong pampasaherong jeep, naubos ang laman ng tindahan at dumanas ng hirap ang asawa't mga anak. Ang suweldo ni Mang Donato bilang pulis ay hindi makasapat sa kanilang pangangailangan. Huminto ng pag-aaral ang tatlong anak niya na nasa high school na. Lumubog pa sila sa utang nang maratay sa pagkakasakit si Luisa at bawian ng buhay.
Magsisi man si Mang Donato ay huli na. Alam niyang nagkasakit at namatay ang mabait na asawa sa labis na pagdadalamhati.
Sa pangyayaring iyon, si Mang Donato ay nagkasakit din nang malubha. Lalong naghirap ang buong mag-anak. Di nagtagal, si Mang Donato ay namatay.
Naging ulilang lubos ang anim na mga anak na dati'y maligaya at masagana ang pamumuhay. At sa di-malamang dahilan at sa kung anong sumpang langit ang anim na magkakapatid na walang natapos na pinag-aralan ay lumaking naging iba ang kilos. Dalawa ang naging bakla, dalawa ang naging tomboy at ang dalawa ay naging kalapating mababa ang lipad. Marami ang nakakakilala sa kanila sa Cebu City.
Sayang! Kung hindi sana naging marupok na ama ng tahanan si Mang Donato, hindi sana mag-kakaganyan ang mga na pabayaang anak na siya ngayong dumaranas ng mga paglibak at pag-aalipusta ng lipunan. Sayang!