Kilalang-kilala ang pamilyang Lagustiniano sa Metro-Manila. Isang butihing guro si Ginoong Lagustiniano sa isang malaking universidad. Ang asawa niya ay isang dalubhasang manggagamot sa isang sikat at mamahaling ospital.
Dalawa ang kanilang anak. Ang panganay ay lalaki, si Edgar, na may 15 taong-gulang na. Ang bunso ay babae, si Ana, na sampung taong gulang naman.
Bagama't mula sa angkan na hindi naman masyadong mayaman, ay madaling kumita ang mag-asawa. Sa pagdaan ng ilang taon lamang ay nagkaroon na sila ng lupa't bahay na milyones ang halaga, 3 sasakyan at 20 unit apartment. Ang kaginhawaang dulot ng salapi ay lalong nagbigkis sa maligayang samahan ng mag-anak.
Subalit isang hapon, paglabas sa paaralan, si Edgar ay kinidnap.
Sampung milyon ang ransom na hinihingi ng mga kidnappers. Nakiusap si Dr. Lagustiniano, naibalik ang anak sa halagang 5 milyong piso.
Makalipas ang tatlong linggo, ang bunsong si Ana ay dinapuan ng malubhang karamdaman. Bigla itong namayat at laging sumisigaw sa pananakit ng sikmura. Nanatili ito sa loob ng hospital. Mahal na mahal ng mag-asawa ang anak. Ang paghihirap nito ay nagpapahirap din sa kanilang kalooban. Hindi malaman ni Ginoong Lagustiniano kung paanong haharapin ang ganitong pagsubok. Nawalan na sila noon ng 5 milyon sa ransom ng panganay na anak, ngayon naman ay palaki nang palaki ang gastos sa hospital, ngunit patuloy pa rin sa paglubha ang bunsong anak.
Isang araw sa loob ng silid dasalan sa ospital, taimtim na nanalangin si Dr. Lagustiniano. Nagsusumamo sa Poong Maykapal na sana ay gumaling na ang mahal na anak. Sumumpa itong magbabago na at nangako na hinding-hindi na niya gagawin pa ang kasumpa-sumpang ginagawa niya sa kanyang mga pasyente.
Si Dr. Lagustiniano ay isang cancer specialist. Kaya siya kay daling yumaman ay dahil marami siyang mayayamang pasyente na handang gumasto nang malaki madugtungan lamang ang hiram na buhay. Alam ni Dr. Lagustiniano ang tunay na kalagayan ng kanyang mga pasyenteng may kanser at may taning na ang buhay, ngunit hindi niya iyon sinasabi sa sinumang kamag-anak ng pasyente. Patuloy siyang nagbibigay ng resita ng mga mamahaling gamot. Ang magulang o kasama ng pasyente ay bibilhin ang nabanggit na gamot at ibibigay kay Dr. Lagustiniano na hindi naman niya talagang ginagamit sa nasabing pasyente, bagkus iyon ay ititinda o i-o-offer niya sa ibang mayayamang pasyente na may kanser din at sasabihing mas epektibo iyon. Libo-Iibo ang halaga ng gamot na hindi rin niya ginagamit sa bumili, kundi muli na naman niyang iaalok sa iba. Madali sa kanya ang P100,000 isang araw na kita mula sa mga walang kamalay-malay na pasyente na akala ay nabigyan ng lunas ngunit hindi pala, kundi ordinaryo o mumurahing gamot lamang ang itinuturok sa kanila ni Dr. Lagustiniano.
Alam ni Doktor kung aabutin pa ng anim na buwan o mahigit pa, ang pasyente kaya lalo nitong ginagatasan ang mga mayayamang kamag-anak ng pasyente, kunwari ay ilang linggo na lang mabubuhay ito, pero tatagal pa ang buhay kung bibilhin ang gamot na niresita niya. May 20, 30 o 50 thousand pesos ang halaga ng gamot na magpapahaba raw sa buhay ng pasyente. Mas maraming intsik ang nabiktima niya. Nagpasalamat pa nga ang mga ito naumabot daw ng isang taon bago namatay ang kanilang maysakit. Sa totoo lang, talagang aabot pa ng ganoong katagal kahit walang gamot.
Hanggang ngayon ay nasa ospital parin ang bunsong anak ni Dr. Lagustiniano. Walang makitang sintomas kung anong uri ng sakit ang dumapo rito. Kung kailan ito gagaling ay tanging Diyos lamang ang nakaaalam. Kung ito ay kaparusahan, sana ay magbago na nga si Dr. Lagustiniano.