Say isang nayon na sakop ng Cavite ay may isang lalaking ubod ng yabang. Kung yabang at yabang din lang ang pag-uusapan, wala nang makahihigit pa sa lalaking ito na ang pangalan ay Bartolo, 59 taong gulang.
Katamtaman lamang ang Kalagayan niya sa buhay, may sariling maliit na bahay at kapirasong lupa at isang pampasaherong dyip, may limang anak na puro lalaki kahit isa'y walang nakatapos ng pag-aaral. Hiwalay na si Bartolo sa asawa, ngunit siya ay may kinakasama.
Sa kanailang nayon, bukod-tanging si Bartolo ang kinaiinisan ng karamihan. Sa anumang pagsasalo, kapag si Bartolo ay dumalo, laging siya ang bida sa lahat ng usapan. Laging siya ang pinaka magaling, pinakamahusay, pinakamaingay at pinakamayabang. Hindi siya tuma-tanggap ng opinyon ng iba. Laging siya ang panalo sa lahat ng pagtatalo.
Sino ba naman ang gaganahang makipag-usap sa taong napakataas ang palagay sa sarili. Akala niya, lahat ng kanyang inisip at sinabi ay tama. Hindi siya tumatanggap ng katwiran. Ganyan kagaling ang palagay niya sasarili gayung hindi naman siya nakapagtapos ng pag-aaral. Second year college lang siya? ngunit kung umasta at magsalita ay napakatayog. Hindi tuloy kataka-taka na sa kanilang pook ang mga-taong may pinag-aralan ay umiiwas maki-pag-usap sa kanya. Ano ba naman ang mapapala nila sa taong iiba yata ang takbo ng utak.
Sa isang pagtitipon ay nagka-taong nakausap ni Bartolo ang isang babaing sa kilos pa lamang ay halatang may pinag-aralan. Nagpakitang gilas agad at panay ang English ni Bartolo habang nakikipag—usap sa babae -- kesyo siya raw ay mahilig magbasa ng iba't ibang aklat tungkol sa philosophy, psychology, science at kung anu-ano pa kaya wala na raw magkalakas-loob na makipagpalitan ng kuru-kuro sa kanyay. Tamimi raw ang bawat makaharap o makausap nya. Pangiti-ngiti lang ang babae sa kayabangan ni Bartolo. Hindi nagpapahalata na naiinis na ito.
Makalipas ng Ilang sandali ay nagpaalam na ang babae.
Lumapit si Bartolo sa grupo ng mga kalalakihan at payabang na nagsalita:
"O, mga parw, nakita n'yo ba? Hindi nakaporma sa mga English ko nung babaing kaaalis lamang. Takot makipag-usap --- wala yatang utak eh." may pang-uuyam na wika nito.
Isa sa mga nakarinig ang lumapit at mariing nagsalita.
"Ay, si Professer Santos iyon. Naging guro ko sa Philosophy at English. Limang kurso ang natapos. Sampung taong academic scholar at naging Valedictorian at Magna cum laude. Lagi ring guest lecturer sa iba't ibang paaralan sa buong Pilipinas."
Hindi nakakibo si Bartolo. Masyado siyang naging bilib sa sarili gayung sa totoo lang ay wala naman siyang maipagmamalaki, ni wala nga siyang natapos na kurso. Kahit mga anak niya ay wala ring narating. Sa madaling salita, si Bartolo ay taong walang binatbat --- mahilig lang pumutak at lumaklak ng alak!
IKAW, KATULAD KA BA NI BARTOLO?