Nagbawasan ng mga manggagawa ang pabrikang pinagtatrabahuan ni Aling Ligaya. Isa siya sa mga nabawas. Malungkot na mulungkot si Aling Ligaya dahil iyon lamang ang kanyang inaasahan. Patay na ang asawa ni Aling Ligaya. Mayroon siyang tatlong anak na maliliit pa. Habang naglalakad pauwi ay napadaan siya sa isang simbahan. Pumasok siya doon at nanalangin.
"Tulungan mo po ako Diyos ko," dasal niya. "Bigyan mo po kami ng panibagong ikabubuhay."
Pagdating niya ng bahay ay inabutan niya ang isang matandang tiyahin. Galing ito sa probinsya at dinalaw siya. Mayroon itong dalang isang kilong malagkit na pasalubong sa kanya.
Kinabukasan din ay umuwi na ang tiya niya. Naisipan niyang gawing kalamay ang isang kilong malagkit. Napakasarap ng pagkakaluto niya sa kalamay. Mabangung-mabango. May mga kapitbahay na nakaamoy niyon. Naglapitan ang mga ito.
"Ititinda mo ba iyang kalamay, Aling Ligaya?" tanong ng isang ginang." Bibili ako. Mukha kasing masarap."
"Ako naman," sabi ng isa pang babae. "Bibili rin ako." Hindi naman talaga balak ipagbili ni Aling Ligaya ang kalamay pero napilitan siya. Marami kasi ang gustong bumili. Bawat makabili ay nasasarapan.
"Bukas nga ay magluto ka uli, Ligaya, at bibili kami," sabi ng isang matandang lalaki na nasarapan sa kalamay.
Nagkaroon ng ideya si Aling Ligaya. Bakit nga ba hindi siya magtinda na lamang ng kalamay? Tamang-tama ito dahil nawalan siya ng trabaho.
Kinabukasan ay naglutong muli si Aling Ligaya ng kalamay. Dinamihan na niya ang niluto niya. Naubos din agad iyon. Lumakas nang lumakas ang pagtitinda niya ng kalamay. Pagkaraan ng ilan pang buwan ay kumuha na siya ng dalawang katulong. Dahil sa kalamay ay guminhawa na ang kanilang buhay. At napatunayan ni Aling Ligaya ang sinabi ng marami. Laganap ang biyaya ng Diyos. Kapag may bintanang nagsasara, may isa namang bubukas na magbibigay ng pag-asa.