Sa loob ng Mercury Drugs, habang hinihintay ni Nita ang sukli, ay naulinigan nito ang isang babaeng kausap ang batang kasama na isang dipa ang layo sa kanya.
"Paano ba Ito? Kulang ng 78 pesos ang pera natin. Hindi natin mabibili ang gamot ng tatay mo. Maaatraso na kung maghahagilap pa ako. Kailangang-kailangan na ito ng tatay mo."
Napatingin si Nita sa babae, siya namang lapit ng pharmacist at iniabot kay Nita ang sukli. Kapag-daka'y sinabi ni Nita sa babae:
"Misis, asa inyo na itong sukli, 85 pesos ito."
Nabigla man ay hindi na tumanggi ang babae. Labis itong nagpasalamat at agad binili ang kailangang gamot.
Isang hapon, nakasakay ng dyip si Nita may isang estudyanteng binatilyo na nakaupo sa harapan niya. Iniabot nito sa driver ang luma at sirang Twenty pesos. Agad ibinalik iyon ng driver sabay sabi:
"Ay, hindi pwede ito, palitan mo ng iba!"
Napansin ni Nita na medyo nag-isip ang estudyante. Dumukot sa bulsa ng pantalon, kumapa sa bulsa ng polo, binuksa ang hawak na kwaderno na animo'y may hinahanap. Matrapik noon. Mahina ang usad ng sasakyan. Hindi pa rin mapakali ang kilos ng estudyante. Pinagpapawisan ito, Natiyak ni Nita walang ibang pera ang estudyante kundi iyong luma at sirang twenty pesos na tinanggihan nga ng driver. Hindi ito makababayad ng apat na pisong pamasahe. Mapapahiya ito at baka mabulyawan pa ng masungit na driver. Agad nag wika si Nita sa estudyante:
"Akina iyang twenty pesos mo, papalitan ko ng barya."
Umaliwalas ang mukha ng estudyante "Naku, thank you po, thank you po."
Nagbayad ito ng apat na piso sa driver, isinilid sa bulsa ang ibang barya. Muling tumingin kay Nita, nakangiti na, "salamat po uli, Ale." Maya-maya pa'y bumaba na ito ng sasakyan.
Nagtanong ang katabing pasahero: "Anong gagawin mo sa sirang twenty pesos?"
"Isasabay ko ito pag-deposit ko sa bangko. Kahit sira ay tinatanggap doon. Ang mahalaga'y natulungan ko iyong estudyante."
Minsan ay nag long-distance trip si Nita. Pitong oras ang biyahe sa bus. Nakatabi niya sa upuan ang lalaking may 30 taong gulang na ang hitsura, medyo payat at medyo marumi ang kasuotan. May hawak itong lumang bag na katamtaman ang laki. Narinig ni Nita ang matigas na tinig ng konduktor:
"Mister, pagdating natin sa susunod na bus station, bumaba kayo."
"Ha? Ano ang sasakyan ko? Malayo pa ang pupuntahan ko." ang nagugulumihanang sagot ng lalaki.
"Makiangkas na lang kayo sa anumang sasakyang daraan. Pasensiya na, kulang ang pamasahe n'yo. Ako pa ba ang mag-aabono?" Mariing sagot ng konduktor at lumayo na ito upang asikasuhin ang iba pang pasahero.
Napatingin si Nita sa lalaki. Nagkausap sila sandali. Pumunta pala ito sa nag-iisang kapatid na karpentero upang magbakasakaling maipasok ng, trabaho, ngunit tatlong linggo na siya roon ay wala pa ring mapasukan. Paekstra-ekstra lang pala ang kapatid na may limang anak at hirap din sa buhay. Nagpasiya siyang bumalik na lang sa kanila habang maykonti pa siyang perang natitira. Alam niyang kulang iyon, makikiusap na lang siya sa konduktor. Ngunit ayaw nga nitong pumayag at pabababain pa siya sa lugar na hindi niya kabisado, wala siyang kakilala at wala siyang pera. Paano na?
Bigla ay nakadama ng awa si Nita sa hindi kilalang lalaki. Sino nga naman ang magpapa-angkas dito kung saka-sakali, baka mapagkamalan pang holdaper. Twenty minutes na lang ay darating na sila sa pook na binanggit ng konduktor. Agad ay nag-pasiya si Nita. Tinawag ang konduktor tinanong at binayaran ang 63 pesos na kulang ng lalaki, Gayon nalamang ang tuwa at pasasalamat nito. Nang mag-stop-over ang bus; para sa 30 minutes na pananghalian ay inanyayahan pa ni Nita na kumain ang lalaki na hindi na tumanggi. Halatang gutom na gutom ito. Napag-alaman din ni Nita na sa bababaan nito ay maglalakad pa ito ng tatlong kilometro, dahil 15 pesos ang pamasahe sa motorsiklo.
Inabutan ni Nita ng 50 pesos ang lalaki. Tatanggi sana ito, nahihiya naraw siya sa pamasahe at pagkain, ngunit ipinilit din ni Nita. "Napakainit po ngayon, alas dos ng tanghali, kung maglalakad kayo."
Paulit-ulit ang pasasalamat ng lalaki bago bumaba ng bus. Hindi sukat akalain na may tutulong sa kanya sa gipit na kalagayan."
NAGPATULOY sa pagtakbo ang bus. Nakangiting nakatanaw si Nita sa magagandang tanawin; Isa na namang nilalang ang nabigyan niya ng tulong nang bukal sa puso.
Napapangiti na lang si Nita pagnaaalala niya ang dahilan ng lahat.
1973. 19 years old pa lamang si Nita noon, nagtitiis ng hirap, kumain-dili basta. makapag-aral lang. Kailangan niya ang P130 na pambili ng kompletong uniform sa WATC, kasali na ang sapatos, medyas at sinturon. Wala siyang malapitan, walang mahiraman, walang matakbuhan. Sino ang magpapa—utang? wala siyang ipambabayad.
Ilang gabi siyang hindi nakatulog sa kaiisip. Papalapit na ang deadline. Isang linggo na lang. Saan siya kukuha ng P130? (Noon ang P130 ay katumbas na ng halos P2,000 ngayon.) Pag wala siyang uniform, babagsak siya sa WATC (ROTC sa lalaki.) Sayang ang mga paghihirap niya. Third year college na siya noon. Kinaumagahan, naghanap si Nita ng telephone directory. Hihingi siya ng tulong kahit kanino. Pagbukas niya ng directory, pangalan ng bangko ang agad niyang nasulyapan. Ilang saglit pa'y kausap na niya sa telepono ang manedyer ng bangko. Sinabi ni Nita ang lahat lahat. Pinapunta siya ng manedyer sa bangko, kinausap at inabutan ng P130. Halos hindi siya makapaniwala! Sa oras na iyon, ang napakalaki niyang problema ay nagkaroon ng kalutasan!
"Hindi ko po alam kung kailan at kung paano ko kayo mababayaran, Sir." ang naluluha sa galak na wika ni Nita.
"Huwag mo akong bayaran. Hindi iyan utang, yan ay tulong ko. Bigay ko sa iyo."
"Bakit? Bakit po?"
"Dahil naniniwala ako sa katapatan ng sinabi mo. Nadarama ko ang kagipitan mo, ang mahigpit mong pangangailangan. Kung hindi kita tutulungan ngayon, kanino ka lalapit? Baka kung ano pa ang maisipan mong gawin. Nalulunod ka ngayon, kailangan mo nang sasagip sa iyo,"
"Salamat po, Sir. Marami pong salamat."
"Ito lang ang masasabi ko sa iyo, iha. Pagdating ng araw, kung may kinikita ka na, huwag mong ipagkait ang tulong mo sa iba kahit maliit na bagay, kahit munting tulong, kung makakaya mo ay gawin mo nang maluwag sa puso mo. Alam mo kasi, munting tulong man ay malaking bagay na sa nangangailangan."
"Opo, Sir, gagawin ko po. Hindi ko po makalilimutan ang tulong na ibinigay nyo sa akin ngayon. Salamat po uli, Sir, salamat po," ang naluluha sa galak na wika ni Nita.
Iyon ang una at huli nilang pagkikita.