Si Aling Inez ay taga Pasay City. Malaki ang tindahan, may dalawang taxi at may 3 pintong apartment na paupahan. Siya ay biyuda na walang anak. Dalawang pamangkin at isang katulong ang kasama niya sa bahay.
Ang sinumang lumapit kay Aling Inez upang manghiram ng pera ay kailangan may "collateral" o kapalit na isang bagay. Kapag lumampas sa taning ang pagbabayad, siguradong hindi na niya ibabalik sa iyo ang collateral. Halos mapuno ang kanyang bahay ng iba't ibang kasangkapang inilit niya sa mga taong umutang sa kanya. Ang mga iyon ay malaking bagay na sa mga taong naghihirap ngunit inangkin nang lubusan ni Aling Inez na dahil sa laki ng tubong ipinapatong niya ay hindi na halos makabayad ang mga ito.
Isang umaga, nagising na lamang si Aling Inez na mabigat ang pakiramdam. Hilong-hilo siya at hinang-hina. Naratay nang matagal at na paralisado ang kalahati ng katawan. Hindi makalakad, hindi makatayo. Naipagbili na niya ang dalawang taxi at ang 3 pintong apartment dahil sa mahal na halaga ng mga gamot niya. Unti-unti naring nauubos ang laman ng kanyang tindahan. Umalis pa sa poder niya ang dalawang pamangkin na naging magiliw lang sa kanya dahil sa pera. Ang katulong nalang ang naging kasa-kasama ni Aling Inez sa loob ng bahay. Isa man sa mga kakilala o kapitbahay ay walang dumadalaw sa kanya. Nakasalansan parin sa sala ng bahay ang mga kasangkapang inilit niya sa mga taong umutang sa kanya. Alam ni Aling Inez, malapit na ang kanyang wakas. Anong magandang bukas ang kanyang aasahan? Kay lungkot na buhay. Walang kaibigan, walang karamay. Ang pera na kanyang dinidiyos ay unti-unti nang nauubos.