Magkapitbahay at magkaibigan sina Aling Rosa at Aling Marta sa isang nayon na may kalayuan sa paaralan. Pareho silang may tiglilimang anak. Si Aling Rosa ay may tatlong anak na lalaki at dalawang babae. Si Aling Marta naman ay may apat na anak na lalaki at isang babae.
Bagama't magkaibigan ay magkaiba ang panuntunan nila sa buhay. Lahat ng mga anak ni Aling Rosa ay pinapag-aral niya kahit may kalayuan ang kanilang nayon sa paaralan. Ang anak naman ni Aling Marta ay nakatungtong lang sa Grade Two at hindi na niya pinapasok pa dahil marunong na naman daw bumasa at sumulat. "Mabuti pang tumulong nalang sila sa gawaing-bukid. Malaki ang aming lupain na magiging kanila rin balang araw." Ito ang lagging sinasabi ni Aling Marta kapag may nagtatanong kung bakit hindi na nag-aaral ang mga anak.
Medyo gumaan na ang mga gawain dahil katuwang na niya ang apat na anak na lalaki na sa murang edad ay nasabak na sa maga gawaing bukid. Ang panganay ay 15, ang pangalawa naman ay 13, na sinundan ng babae na 12, ang pang-apat ay 11 at ang bunso ay 9.
Tuwing umaga ay tulung-tulong ang apat na magkakapatid na lalaki sa pagbubungkal ng lupa o pagdidilig ng mga halaman. May mga tanim silang mga gulay at mga punong kahoy. Ang kapatid na babae ang siyang tagalinis ng bahay, taga-laba, taga-plansta. Si Aling Marta naman ay siyang nagluluto ng pagkain ng buong pamilya.
Ganito ang takbo ng buhay ng mag-anak sa araw-araw. Nakasanayan na ng buong pamilya ang ganitong pamumuhay.
Lumipas ang ilang taon at nagkaroon ng salu-salo sa bahay nila Aling Rosa. Kaarawan ng panganay ito na ngayon ay isa nang inhenyero. Ang pangalawa ay isa nang guro. Ang pangatlo ay isa nang kumadrona, abogado yung ikaapat at ang bunso naman ay tapos ng dentista.
Anong ligaya ng buong mag-anak ni Aling Rosa. May lupa sila at natapos pa sa pag-aaral ang mga anak.
Sa isang panig, malungkot at patingin-tingin lang si Aling Marta. Wala ni isa man sa limang anak niya ang nagtapos ng pag-aaral, gayung kung tutuusin ay mas malaki ang lupain niya kaysa kay Aling Rosa. Mas masipag at masinop sa pamumuhay ang mister niya. Kumikita sila ng sapat mula sa ani ng kanilang pananim ngunit kahit minsan ay hindi sumagi sa isip niya na papag-aralin ang mga anak na lumaking mahiyain at kilos taga-bukid.
Napabuntong-hininga si Aling Marta. Alam niya darating ang araw, ang mababait na anak ay maaaring magsabi ng kanilang mga hinanakit kung bakit hindi sila pinag-aral ng mga magulang gayong hindi naman sila naghihirap sa buhay. Ang lupa, ang pera, ay maaring mawala, ngunit ang edukasyon, ang pinag-aralay ay siyang magsisilbing kalasag sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay, ito ang tunay na yaman. Magsisi man si Aling Marta ay huli na. Lumaking mangmang ang mga anak na ang tanging alam ay magbungkal ng lupa.