Noong maliit pang bata si Nilo ay palagi siyang nakikipaglaro sa malaking puno sa likod ng kanilang kubo. Parang tao ang turing niya rito dahil kinakausap pa niya.
Nang mag-aral na si Nilo hindi na niya nadadalaw ang puno sa likod ng bahay. Ngunit ng mangailangan siya ng pangmatrikula, pinuntahan niya ang puno. Humingi siya ng prutas nito para ipagbili. Malugod naman siyang binigyan ng puno. Mula noon ay hindi na naman niya nadalaw ang puno.
Nang magbinata at magkaasawa si Nilo, muli niyang pinuntahan ang puno.
Sinabi niya sa puno na kailangan niya ng bahay para sa kanilang mag-asawa. Ipinaputol sa kanya ng puno ang mga sanga nito para makapagpatayo siya ng bahay. Nalimutan naman niyang dalawin ang puno. Nabuhos ang panahon niya sa kanyang asawa at anak.
Nang mawalan siya ng trabaho ay saka niya muling naalala ang puno. Nagbalik siya sa likod ng bahay nila. Sumaya ang puno nang makita siya.
"Wala na akong trabaho," sabi niya sa puno.
"Kailangan ko ng bangka para ako makapangisda."
"Sige putulin mo ang aking katawan para makagawa ka ng bangka," sagot ng puno.
Pinutol niya ang puno at ginawang bangka. Ang natira sa puno ay maliit na kahoy na lamang na nakausli sa lupa. Muli na naman niyang nakalimutan ang puno.
Naging abala siya sa paghahanapbuhay. At muli, nalungkot na naman ang puno dahil hindi niya dinalaw. Makalipas ang ilang panahon, muling dinalaw ni Nilo ang puno. Matandang-matanda na siya at mahina na. Tuwang-tuwa ang puno nang makita siya. Niyaya siya nitong maglaro," sabi niya sa puno.
"Matanda na ako at pagod na. ang kailangan ko ay upuan para makapagpahinga."
"Aba, sige, maupo ka sa akin para makapagpahinga." Malugod na sagot ng puno.
At naupo nga siya sa maliit na kahoy na nakausli sa lupa. Pero hindi na siya sinumbatan ng puno na pupunta lamang siya doon kapag siya'y may kailangan.