Araw-araw ay maagang nagigising ang mag-asawa upang mamili sa Divisoria ng mga kakailanganin sa panciteria. Marami silang suki na gustong-gustong kumain ng masarap na luto ni Mang Kanor. Dating kusinero si Mang Kanor sa isang sikat at mamahaling restaurant sa Makati. Huminto ito sa trabaho nang magkaroon ng sariling pansiterya. Magkatuwang na inaasikaso ng mag-asawa ang pansiterya na parami nang parami ang namimili dahil masarap magluto si Mang Kanor. Sa simula ay sila lamang mag-asawa ang nagtutulungan, ngunit ng lumaon ay kumuha na sila ng dalawang katulong na babae.
Ang masaganang pamumuhay ng mag-asawa na bunga ng kasipagan ay lalong yumabong. Halos mapuno ng iba't-ibang mamahaling kasangkapan ang buong silid at sala ng inuupahang bahay. Ang dalawang katulong ay maligaya rin dahil laging masasarap ang kanilang pagkain bukod sa kanilang suweldo.
Wala nang mahihiling pa sa buhay ang mag-asawang Kanor at Karla. Hanggang ala-una lang ng hapon sila abala sa pagtitinda.
Minsan ay napagawi sa kanila ang kaibigang ahente ng bahay at lupa na si Dick. Nagkayayaan ang magkaibigan na kumain sa labas. Pagkatapos ay niyaya ni Dick ang mag-asawa na pumasok sa casino. Sa loob lamang ng dalawang oras ay nanalo si Kanor ng limang libong piso. Si Karla ay nanalo rin ng dalawang libo. Si Dick naman ay barya-barya lang ang ibinagsak ng slot machine.
Iyon ang simula nang pagbabago ng takbo sa buhay ng mag-asawa. Iniatang na lang nila sa dalawang katulong ang pamamalakad sa panciteria. Lagi na silang pumupunta sa casino anumang oras na naisin nila. Tuluyan nang napabayaan ang panciterya. Sinabihan sila ng dalawang katulong na humihina na at kumokonti na ang namimili sa panciterya dahil hinahanap nila ang luto ni Kanor. ngunit ipinagwalang bahala ito ng mag-asawa. Mas malaki kasi ang kinikita nila sa pagka-casino, wala pang kahirap-hirap. Sinuswerte naman ang mag-asawa, sunod-sunod ang panalo nila sa loob ng sampung-araw.
Halos buong araw at buong gabi ay nasa casino ang mag-asawa na laging nananalo. Paguwi sa bahay ay buong himbing silang natutulog hindi alintana ang kapaligiran.
Wala nang namimili sa panciteria mula nang may nagbukas ng 24 hour food corner sa kabilang kanto, kaya isinara nalang ng mag-asawa ang panciteria at pinaalis ang isang katulong.
Tulad ng inaasahan, hindi lahat ng araw ay naging maaliwalas, unti-unting naubos ng mag-asawa ang perang panalo nila sa casino wala na silang ibang mapagkukunan ng pera... sarado na ang kanilang panciterya... pinaalis nila si Nilda ang kaisa-isang katulong dahil wala na silang pangsweldo rito.
Dapat sana'y huminto na sila sa pagka-casino ngunit may magagawa pa silang paraan, may mga alahas pa silang pweding iprenda.
Dalawang daang libong piso ang kabuuan ng isinanla nila na tinipon nilang mag-asawa sa loob ng limang taon, ngunit naubos lang ang pera sa loob ng limang araw.
Hindi nagtagal, ang silid nila na dati ay punong-puno ng mga gamit, ngayon ay halos wala nang laman kundi ang maliit na radio at lumang kama. Sira rin ang air-con na hindi na naipa-repair sa kawalan ng pera.
Naghirap sila ngayon, sumasala sa kain na di dapat nangyari kung hindi sila nalulong sa sugal.