Noong unang panahon ay may isang mabait na manggagamot. Ang pangalan niya ay Apo Jose pero marami pa ring naniniwala sa kanyang kakayahan. Kakaiba kasi ang kakayahan niya sa panggagamot.
Ang sabi ng marami ay nagbuhat sa itaas ang karunungan sa panggagamot ni Apo Jose. Paano ay nagagamot niya ang kahit anong uri ng karamdaman. Ang mga pasyenteng hindi na makayanang gamutin ng medisina ay napapagaling parin niya. Nagagawa niyang makakita ang mga bulag. Ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga pilay ay nakakalakad.
Hindi nanghihingi ng ano mang kabayaran si Mang Jose sa kanyang panggagamot. Kahit pabiro ay hindi siya nanghihingi ng anumang buhat sa kanyang napapagaling. Sapat na sa kanya ang siya ay napapasalamatan ng mga ito. Gayunman, kung may nagbibigay sa kanya ng mga prutas at gulay ay tinatanggap naman niya at pinasasalamatan.
Isang araw ay may sampung lalaking dinala sa matanda ng ilang napagaling niya. Pawang lumpo ang sampu. Sakay ng mga kariton ang sampung lalaki na tinutulak ng mga tao.
"Ano ang gusto ninyo?" malumanay niyang tanong sa sampung tao.
"Gusto po naming makalakad," sabay-sabay na sagot ng mga ito.
Tumayo si Apo Jose. Isa-isa niyang nilapitan ang sampung lumpo. Bawat isa ay hinihipo niya ang mga paa.
Ang mga tao naman ay pigil ang kanilang mga hininga. Ibig nilang malaman kung ano ang mangyayari.
"Sige, tumayo na kayo," sabi ni Apo Jose matapos hipuin ang mga paa ng sampung lumpo.
Gilalas na gilalas ang lahat ng nakakita. Nakatayo kasi at nakalakad ang sampung lalaki. Sa katuwaan ay mabibilis ang mga hakbang ng bawat isa. Lahat ay tuwang-tuwa. Makaraan ang tatlong oras ay nagbalik ang isa sa sampung lalaking lumpo na nakakalakad na at nagpasalamat kay Apo Jose.
Nalungko si Apo Jose.
"Sampu silang lahat, isa lamang ba ang nagbalik para magpasalamat?" tanong niya sa mga naroon.