Ang Pinaka Maliit Na Bato

Ang guro at ang kanyang mga estudyante ay naglalakad sa isang bulubunduking lugar. Malayo pa ang kanilang lalakbayin. Ang mga estudyante ay nakaramdam na ng gutom. Wala naman silang nadaraanang puno na may bunga para makapitas sila ng makakain. Dalawang batis na ang kanilang dinaanan. Uminom silang lahat sa dalawang batis. Napawi naman ang kanilang uhaw. Ang hindi lang mawala ay ang nararamdaman nilang matinding gutom.

Wala rin namang mga bahay at tindahan sa kanilang dinaraanan. Maaari sana silang bumili o humingi ng anuman pagkain para mapawi ang kanilang gutom. Nahihiya naman silang magsabi sa kanilang guro.

Alam nilang ang kanilang guro ay mayroong kapangyarihan. Kung gugustuhin nito ay maaari itong makagawa ng pagkain para sa kanilang lahat. Kaya laking pasasalamat nila ng huminto sa paglakad ang kanilang guro at humarap sa kanilang lahat.

"Malayo pa ang ating lalakbayin," sabi nito.

"Kailangang magkaroon tayo ng panibagong lakas. Dumampot kayo ng tig-i-tig-isang bato at dalhin ninyo," dagdag pa nito.

Nagdamputan naman ang mga estudyante. Mayroong dumampot ng malaki at mayroong maliit. Isa sa mga estudyante si Islaw. Naiinis siya sa kanilang guro dahil gutom na nga sila at pagod ay pagdadalhin pa sila ng bato. Sa inis niya ay maliit na maliit na bato lang ang kanyang dinala't lihim pa niyang pinagtawanan ang ibang kasama dahil malalaki pang bato ang kinuha ng mga ito.

Pagsapit nila sa isang batis ay sinabi ng guro na magpapahinga muna sila doon at kakain.

"Saan po tayo kukuha ng kakainin?" inis na tanong ni Islaw.

"Iyang mga batong pinadala ko sa inyo ay gagawin kong tinapay," sagot ng guro. "Iyan ang magiging pagkain ninyo."

Sa isang pitik ng daliri ng guro ay naging tinapay nga ang mga batong dinala ng bawat isa. Sising-sisi si Islaw pinaka maliit ang dala niyang bato.