Kilala sa bayan ng Taguig si Mang Gorio, Marami na siyang nahu-laan na ayon sa karamihan ay nag-katotoo. Dahil dito'y lubos ang tiwala sa kanya ni Aling Nenita, isang biyuda, walang anak, at may-ari ng maliit na Ladies Lodging House. Kadalasa'y sinasamahan niya ang mga kaibigang nais mag pahula o kaya'y mga nawalan o ninakawan. May mga naisusuli ngunit may roon ding hindi.
Isang tanghali, dumating ang dalagang pamangkin ni Aling Nenita na si Litlit. Galing pa ito ng Batangas. May dala itong handbag na ipinatong sa ibabaw ng TV at masayang kumain ng tanghalian kasabay ni Aling Nenita. Anim lang silang lahat nang oras na iyon dahil ang ibang lodger ay nasa trabaho. Ang tanging nasa lodging house ay sina Aling Nenita, 2 katulong, 2 dalagang estudyante na nag—aaral sa hapon at si Litlit.
Mainit ang panahon, naisipan ni Litlit na maligo muna. Pumasok si Aling Nenita sa kwarto upang kumuha ng tuwalya sa cabinet. Ilang sandali pa'y narinig niyang umiiyak si Litlit. Dali-dali siyang lumabas ng kwarto, hawak ang tuwalya:
"Bakit ka umiiyak? Ano ang nangyari?"
"Nawawala po ang One thousand pesos ko sa loob ng handbag. Dito ko lang ito ipinatong sa TV..."
Nakadama ng galit si Aling Nenita. Ayaw na ayaw niyang may nawawalan. Galit siya sa malilikot ang kamay. Kapagdaka'y inilista n'ya sa isang papel ang lahat ng pangalan ng mga naroroon, pati nga pangalan n'ya ay isinali niya, para patas daw lahat. Pagkatapos ay pinasamahan niya sa isang katulong si Litlit upang magpahula kay Mang Gorio.
"Sige, pumunta kayo kay Mang Gorio. Kung sino ang mahulaan n'ya na kumuha ng pera ay tiyak na ma papahiya. Ipapaskel ko sa dingding ang pangalan ng mag nanakaw na iyon."
Makalipas ang dalawang oras ay dumating sina Litlit at ang katulong. Sabik na sumalubong si Aling Nenita at hiningi ang papel. Wari'y nag-aatubili si Litlit at may pagsusumamong nagwika:
"Tiyang, kalimutan na lang natin. Huwag na lang...kasi...baka hindi kayo maniwala..."
"Anong hindi? Malaki ang tiwala ko kay Mang Gorio. Kung sino ang hinulaan n'ya sa listahan, tiyak iyon ang kumuha ng pera mo. Malilintikan sa akin, ipahihiya ko talaga! Akina yang hawak mong papel."
Nakikiming iniabot ni Litlit sa tiyahin ang nakatiklop na papel.
Sabik na binuksan at binasa ni Aling Nenita ang pangalang lumabas sa hula ni Mang Gorio. Gayon na lamang ang kanyang panlulumo. Labis ang kanyang pagkagimbal! Diyata't si Mang Gorio na lubos niyang pinaniniwalaan ay pwede palang magkamali? Paano na ang mga kaibigan niyang nagpahula at naniwala rin kay Mang Gorio? Paano na ang kusinerang kapitbahay niyang si Gina na pinalayas dahil sa hula ni Mang Gorio na ito raw ang nagnakaw ng singsing na dyamante ni Gina gayung limang taon na n'ya itong kusinera at napakabait pa mandin? Paano na yung isang sales clerk sa Book Store na hinulaan din Mang Gorio na-siyang nagnakaw ng 3 libong piso sa mesa ng Assistant Manager? Maibalik pa kaya ang magandang samahan nila sa loob ng tanggapan? Paano kung sa sampung hinulaan ni Mang Gorio, ang totoo lang pala ay lima?
Nagsisi si Aling Nenita. Hindi na niya sasamahan pa ang mga kaibigan sa pagpunta kay Mang Gorio. Hindi naman siya talagang kilala ni Mang Gorio sa mukha lang at sa palayaw na Aling Nitang.
Naipangako ni Aling Nenita na hindi na siya maniniwala sa hula. Sana'y mapatawad siya ng mga taong lihim niyang nilait at kinamuhian dahil magnanakaw ang mga iyon ayon sa hula ni Mang Gorio.
Nagpaalam na si Litlit. Inabutan siya ng tiyahin ng 200 pesos para pamasahe. Siya man ay di rin naniniwala sa kinalabasan ng Hula ni Mang Gorio.
Sa loob ng silid, malungkot na itiniklop ni Aling Nenita ang papel kung saan nakasulat ang pangalan ng magnanakaw ayon kay Mang Gorio. Ang pangalan ni Aling Nenita ang nakasulat sa papel.