Sa isang probinsiya sa Mindanao ay may mag-asawang punung-guro ng magkaibang paaralan na di kalayuan sa isa't isa. Lagi silang magkasabay na umalis o umuwi ng bahay na sakay ng sariling motorsiklo. Sila'y nakagawian nang tawagin na Sir Bobby at Ma'am Nena; Sa umaga'y hinahatid muna ni Sir Bobby ang asawa bago siya tumuloy sa paaralang pinapasukan. Uliran ang kanilang pagsasama. Iisa lamang ang kanilang anak, si Renan, 24 taong gulang, at nasa huling taon na ng kursong medisina. Sa Maynila ito nag-aaral at umuuwi ng Mindanao tuwing bakasyon at Christmas season. Maraming magagandang pangarap ang mag asawang prinsipal para sa nag-iisang anak. Mayroon silang two story house. May sariling silid si Renan na nasa unang palapag. Ang silid ng mag-asawa ay nasa ikalawang palapag. Ang katulong nila ay may maliit na silid sa gawing kusina.
Kung ang pagiging magulang nina sir Bobby at Ma'am Nena ang pag-uusapan, walang maipipintas ang sinuman sa kanila. Mahal na mahal nila ang nag-iisang anak na lumaking mabait, magalang at matalino.
Bagama't ulirang magulang ay iba naman ang ugaling ipinapakita ng mag-asawa sa mga guro ng paaralang kanilang pinamumunuan. Wala silang pakikipagkapwa-tao, walang malasakit sa kapwa guro at napakasungit pa. Ayaw nilang may napo-promote na guro, kung mayroon man, kailangang iyon ay kanilang bata-bata o—kadikit. Kadalasan ay sinisiraan nila ang gurong malapit nang ma-promote, o di kaya'y hinihingan ng kung anu-ano. Minsan ay ipinalilipat nila sa maliit na paaralan sa mas liblib na pook. Malakas ang mag-asawa sa school supervisor and superintende. Marunong maglangis, ika nga. Mapamaraan. Ang ibang may matataas na katungkulan sa rehiyon ay sinasadyang gawing kumpare o kumare sa pabinyag o kasalan ng mga kaibigan o kamag-anak. Ang sinumang guro na kumalaban sa kanila ay para na ring sumuntok sa pader. Marami na silang gurong inapi. Mga gurong, walang magawa kundi ang maghinagpis.
Sumapit ang buwan ng Disyembre. Araw ng Sabado. Dumating ang lalong naging makisig na si Renan. Anong galak ng mag-asawa. Tatlong buwan na lang at gagradweyt na ito sa medisina.
Buong araw na namasyal ang mag-anak sa mga kaibigan at kamag-anak. Namigay pa si Renan ng mga pasalubong sa mga pinsan at mga kababata.
Masayang umuwi ng bahay ang mag-anak.
Pagkakain ng hapunan, nakaramdam ng pananakit ng tuhod si Sir Bobby. Ipinagamit ni Renan ang kwarto niya para hindi na mahirapang umakyat ng hagdan ang ama. Siya na muna ang matutulog sa kwarto ng mga magulang sa ikalawang palapag.
Alas dose ng hating gabi. Ang katahimikan ay biglang ginimbal ng sunud-sunod na putok ng machine gun! Rat-tat-tat-tat! Rat-tat-tat-tat! Rat-tat-tat-tat!
Nagising ang mag-asawa sa lakaslng putok. Sino ang binaril?
Ilang sandali pa, ganoon na lamang ang kanilang pananangis nang makitang nakabulagta at naliligo sa sariling dugo sa loob ng silid sa ika-lawang palapag ang minamahal na anak wala nang buhay!
Saka nila napagtanto na silang mag-asawa ang talagang pakay ng mga namaril. Butas-butas ang ding-ding ng kwarto sa dami ng mga balang tumama, ngunit isa man ay walang tama ng bala ang kwarto. ni Renan sa ibaba.
Ngayon ay patuloy pa rin sa panunungkulan ang mag-asawang prinsipal, ngunit lagi na lang silang matamlay, laging may luha sa mata. Hindi pa nahuhuli ang may gawa ng krimen.
Kaysakit na karma. Kaylupit na parusa. Sa kapalaluan ng mag-asawa, Buhay ng mahal na anak Ang naging kabayaran!