Maligaya ang pagsasama ng mag-asawang Oscar at Glenda. Apat kanilang anak: dalawang lalaki at dalawang babae.
Mataas ang posisyon ni Oscar sa pinapasukang kompanya. Kumikita ito ng higit sa iba nitong mga kasama. Si Glenda naman ay inuukol ang panahon sa pag-aasikaso sa mga anak. Mayroon silang sariling bahay, lupa, kotse, at dalawang katulong.
Dapat sana ay patuloy ang kasaganaang kanilang tinatamasa kung hindi labis na naghangad ang mag-asawang ito, lalung-lalo na si Oscar. Ang apat na anak ay sa mga exclusive schools ipinasok, Sa laki ng mga babayaran buwan-buwan ay unti-unting nararamdaman ni Glenda ang pagkakasira ng monthly budget nila. Binanggit niya ito kay Oscar ngunit di siya pinansin. Igagapang daw nito ang pag-aaral ng mga anak at ayaw ipalipat sa ibang paaralan.
Walang masama sa magandang hangad ng magaulang kung sa ikabubuti ng anak ang dahilan, subalit kung ang hinahangad ay hindi kayang abutin ng kakayahan, ano ang kahahantungan?
Bagama't masipag at masinop si Oscar, ang kinikita nito'y hindi na makasapat sa lumalaking gastusin ng pamilya. Nagising na lamang isang araw ang mag-asawa na kaliwa't kanan ang mga utang sa mga kaibigan at mga kamag-anak.
Patuloy pa rin hanggang ngayon sa pangungutang ang mag-asawang ito para may maitustos sa pag-aaral ng mga anak sa mamahaling eskwelahan. Marami na ang sa kanila ay naiinis nang lihim, ngunit kailan hihinto ang mga ito?
Halos lahat na yata ng mga kakilala at kamag-anak ay kanila nang nautangan. Utang na halos ay wala nang bayaran.
Kawawang mga kaibigan, kawawang mga kamag-anak, akala yata'y mababayaran pa sila ng mag-asawang ito na mahusay mangusap at matamis mangako. Kaya, kayong mga nakabasa nito, konting ingat, baka kayo ang sumunod na maging biktima.