Isa sa walong magkakapatid si Rona na dahil sa kahirapan ay nanuluyan sa kanyang tiyahin sa Metro Manila. 13 taong gulang lamang siya noon ngunit ipinasa na sa kanya ang halos lahat ng mga gawaing bahay: paglilinis, paghuhugas ng pinggan, pagsasaing, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke at kung anu-ano pa; Lima ang anak ng tiyahin, isang babae at apat na lalaki na animo'y senyorita at senyorito mula nang pumisan sa kanila si Rona. Ang panganay na si Evelyn, gayong 20 taong gulang na, ay nagpapahilod pa ng kilikili at likod tuwing maliligo. Pati sarili nitong underwear ay si Rona pa ang naglalaba. Ang tatlong lalaki naman, maliban sa isa, ay gayon na lamang kung mag-utos, laging pasigaw o pagalit. Kapag naglilinis ng sahig si Rona ay di man lamang mag-alis ng sapatos ang mga pinsan kapag dumarating. Animo'y nang-iinis pa na dadaan sa harapan ng nakaluhod at nakayukong si Rona nanagpapahid ng floor wax. Kadalasan ay pabalibag pang ihahagis ang pantalong de maong kay Rona at pasigaw na
"O, labhan mo ‘yan! Pag natuyo, plantsahin mo ha?!!
Bakasyon noon.
Halos araw-araw ay ganyan ang gawain ni Rona: linis, saing, laba, plantsa. Ang bibigat pa mandin ng mga pantalong de maong ng mga pinsan. Ginawa siyang taga-laba ng mga ito.
Si Rona ay hindi itinuring na kamag-anak. Kapag may mga duma-dalaw na kaibigan ang mga pinsan, atsay o katulong ang pakilala sa kanya.
Sa hapag-kainan, si Rona ang taga-silbi. Hindi siya isinasabay sa pagkain, laging huli, gayong mahaba naman ang mesang kainan. Kung ano ang matira ay iyon lang ang makakain niya. Apat na beses sa isang linggo ay tinapang isda ang ulam nila. Ulo lamang ng tinapa ang pwedeng kainin ni Rona. Iyon ang laging itinitira sa kanya ng tiyahin.
Sa murang katawan ni Rona, ang hirap ng trabaho at salat na pagkain sa piling ng tiyahin ay hindi niya inalintana. Siya ay alilang-kanin. Ang mahalaga'y patuloy siyang nakapag-aaral sa Pasig High School. Lagi niyang nilalakad pauwi ang Pasig at Pateros na halos ay apat na kilometro ang layo. Wala siyang pocket-money, walang snack, laging nagugutuman. Pagdating ng bahay, kahit pagod at gutom, kailangan niya munang maghugas ng mga kaldero't pinggan na nakatambak sa lababo,bago siya makakakain. Kadalasan, matutulog na lang siya ay pasigaw pa siyang uutusa ng mga pinsan.
"Hoy, plantsahin mo muna yung maong! 'yung polo!"
Dalawang taon nahirahan at nanilbihan si Rona sa tiyahin. Nang makatapos ng high school ay kinuha siya ng kapatid at dinala sa Cebu City. Nagpatuloy ng pag-aaral si Rona, naging academic scholar at nagtapos ng edukasyon nang may karangalan - Magna cum laude. Muli siyang nag-aral tatlong kurso ang natapos niya at naging Doctor of Education. Naka pag-asawa siya ng isang abogado.
Ngayon ay isa nang matagumpay na educator at businesswoman si Rona. Isa na siyang milyonarya at maligaya sa piling ng tatlong anak at mapagmahal na kabiyak.
Sino ang mag-aakalang ang dating inapi ay isa nang matagumpay, at respetadong tao sa mataas na lipunan? Ang mga pinsan nasa kanya ay nang-api ay walang natapos na pinag-aralan, ganoon pa rin ang buhay hindi umasenso. Ang iba ay nakapag-asawa ng mga hirap din ang buhay.