Si Dona Inez ay isang mayaman. Isang araw ay nanaginip si Dona Inez. Sa kanyang panaginip ay nakausap niya si Hesus.
"Dadalawin kita sa bahay mo bukas." Sabi ni Hesus.
"Opo. Hihintayin ko po kayo!" sabi niya.
Masayang masaya si Dona Inez ng magising. Dadalawin kasi siya ng Panginoon.
Maaga kung gumising si Dona Inez pero mas maaga siyang bumangon ng araw na iyon. Agad niyang inutusan ang lahat ng katulong sa bahay na maglinis na mabuti. Nagpaluto rin siya ng masasarap na pagkain. Espesyal ang kanyang bisita at dapat lang maging espesyal ang lahat ng makikita nito. Mga alas-diyes ay handa na ang lahat. Malinis na malinis na ang bahay. Luto na ang mga pagkain. Naayos na ang mga bulaklak sa sala at komedor. Bihis na rin si Dona Inez. Suot niya ang mga alahas niya at magandang damit.
Isang batang pulubi ang dumating at nanghingi ng pagkain. Itinaboy ito ni Dona Inez sa halip na bigyan ng pagkain.
Bandang tanghali ay isang matandang gusgusin naman ang dumating. Uhaw na uhaw ito at gutom na gutom.
"Pahingi ng kaunting pagkain at tubig pakiusap ng matanda."
Itinaboy din ito ni Dona Inez dahil mabaho ang matanda. Ayaw niyang maabutan ito ng espesyal niyang panauhin.
Nang makapananghali ay isa namang buntis ang dumating. Humingi din ito ng tulong pero hindi rin niya binigyan. Itinaboy din niya ito.
Maghapon siyang naghintay ngunit hindi dumating ang espesyal niyang panauhin.
Kinagabihan ay muling nanaginip si Dona Inez. Nakita niyang muli si Hesus. Sinumbatan niya ito.
"Naghanda ako at naghintay ngunit hindi kayo dumating," sabi ni Dona Inez.
"Nagkakamali ka," sagot ni Hesus. Sa katotohanan ay tatlong beses akong dumating pero hindi mo ako nakilala."
Nang magising si Dona Inez ay naalala niya ang tatlong pulubing kanyang itinaboy.