Dalawang magkakaibigang sundalo ang nagkahiwalay nang sabihin ng kanilang kapitan na uurong sila sa laban. Sila ay sina Arman at Mando. Napakarami ng kaaway at wala silang kalaban-laban. Maaari silang mapatay na lahat kung hindi uurong.
Pagdating sa kanilang kampo, natuklasan ni Arman na wala si Mando. Nag-alala siya para sa kaibigan. May usapan pa naman sila na walang iwanan. Lumapit siya sa kanilang kapitan para magpaalam.
"Babalikan ko po si Mando, Kapitan. Baka nasa pook pa siya ng labanan."
"Hindi maaari," sabi ng kapitan. "Ayokong ipakipagsapalaran ang buhay mo sa isang taong maaaring patay na."
Alam ni Arman na mapanganib ang magbalik sa lugar ng labanan kaya ayaw siyang payagan. Nang gumabi ay tumakas siya sa kanilang kampo. Gusto niyang balikan ang kanyang kaibigan. Hindi siya matatahimik hangga't hindi niya ito nakikita. Kung namantay ito sa labanan. Makita man lang niya ang bangkay at mapanatag na siya.
Nang magbalik si Arman sa kabilang kampo ay sugatan siya. Marami siyang sinuong na panganib. Galit na sinalubong siya ng kapitan.
"Sabi ko na sa iyo na patay na ang kaibigan mo. Ngayon, malamang na mamatay ka na rin dahil sa mga sugat mo. Ano ang halaga ng ginawa mo, sabihin mo nga?" galit na tanong ng kapitan.
"Kapitan, buhay pa ang aking kaibigan nang abutan ko siya. Bago siya nalagutan ng hininga sa aking kandungan, naibulong pa niya sa akin, utol, alam kong babalikan mo ako."
Para napahiya ang kapitan. Hindi na siya nakipagtalo pa, agad niyang ipinagamot si Arman sa mga kasamahan nila. Naglalakad-lakad siya sa paligid ng kampo nang gabing iyon. Hindi siya makatulog. Naiisip niya ang kanyang kaibigan sa kanyang pangkat. Tulad ng kaibigan ni Arman, hindi rin ito nakabalik sa kampo nang sila'y umurong. At hindi niya ito binalikan para hanapin.