Punumpuno ng ligaya ang dibdib ni Aling Juling sa mga papuri at paghanga ng mga kaibigan at kakilala. Ilang beses siyang umakyat-manaog sa entablado upang samahan ang anak sa pagtanggap ng iba't ibang karangalan - Valedictorian, Best Declaimer, Best Orator, Leadership Award, Achievement Award, Girl Scout Award, Model Pupil Award, Bb. Karunungan Award, at kung anu-ano pa.
Ang anak ni Aling Juling na si Maricris ay, laging nasa TOP 3 sa klase. Sa elementary, high school at college ay maraming awards and honors ang natanggap nito sa larangan ng academic competition o extra-curricular activities. Dahil dito, lumaki si Maricrisi na laging may mga taong humahanga, pumupuri at pumapalakpak sa lahat ng paaralang kanyang pinasukan, sa Luzon, Visayas at Mindanao, laging bukam-bibig ang, kanyang pangalan.
MARICRIS del MAR, Mga guro't ka klase niya ay hindi nauubusan ng papuri. Sa kabila ng lahat, si Maricris ay nanatiling mapagkumbaba.
Halos 20 years na namayagpag sa iba't ibang paaralan sa buong Pilipinas ang pangalan ni Maricris.
Nang mag-asawa si Maricris at magkaroon ng dalawang anak na lalaki, akalaniya ay mararanasan niya ang ligayang naibigay niya sa kanyang ina noong siya ay estudyante pa lamang. Akala niya muli siyang makatutungtong sa entablado upang tumanggap ng karangalan mula sa mga anak na nagaaral.
Subalit, taliwas sa inaasahan, tuwing magtatapos ang taon si Maricris ay laging nasa upuan lamang, nanonood sa ibang mga magulang na nasa entablado kasama ang mga? anak na tumatanggap ng karangalan. Ngayon lang naranasan ni Maricris na laging nasa upuan lamang, laging nasa isang tabi tuwing may idaraos na paghahandog ng karangalan ang paaralang pinapasukan ng dalawang anak.
Napangiti na lamang siya, napabuntung-hininga tuwing naaalala ang maliligayang araw niya noong kanyang kabataan nakasama ang ina sa pagtanggap ng iba't ibang karangalan.
Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat pa rin siya sa Poong Maykapal na bagama't hindi naging matalino ang dalawang anak ay mababait at magagalang naman ang mga ito.
Ang panganay na 16 years old na ngayon ay mapagmahal at masunurin. Lagi pa nitong sinasabi.
"Mommy, hindi man ako honor sa klase, sisikapin ko pong makatapos ng pag-aaral upang maipagmalaki ninyo ako pagdating ng araw."
Ang bunso naman na 15 years old na ay bibo, alisto at malambing.
"Mommy, pag college ko, kukuha ako ng Fine Arts. Pagkatapos, kukuha rin ako ng Business Administration. Magiging katulong mo ako Mommy, sa pagpapalago sa business natin."
Sa piling ng dalawang anak at mapagmahal na mister, si Maricris ay maligaya na rin, datapwa't hindi niya mararanasan pang muli ang mga paghanga at palakpak na naranasan ng kanyang ina.