Mula sa kanyang pagsilang ay maliit na ang isang paa ni Mutya. Malambot iyon at nakakabaluktot. Nang siya ay lumaki-laki, pinasuri siya ng kanyang mga magulang sa mahuhusay na mga doctor. Ang sabi ng mga doctor ay wala na iyong remedyo. Habambuhay na raw magiging lumpo si Mutya. Labis na nalungkot at naawa sa kanya ang mga magulang.
Lumaki si mutya na laging tinutukso ng mga kalaro. Lalo siyang naging tampulan ng panunukso nang magsimula na siyang mag-aral.
"O, hayan na si Pilantod! Padaanin ninyo!" tukso ng mga pilyong bata kay Mutya.
Sa kabila ng lahat, hindi napipikon si Mutya. Hindi siya umiiyak sa panunukso sa kanya. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kanyang ina na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kalagayan nang maluwag sa loob niya.
Habang nagdadalaga ay nahihilig si Mutya sa musika. Nakakatugtog siya ng iba't ibang instrumento sa uwido lamang. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog.
Upang lalo pa siyang naging mahusay, pinag-aral siya ng kanyang ina ng pagtugtog ng piyano. At natuklasan ni Mutya na kulang man siya ng paa, sobra naman siya sa talino sa musika. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kanya. Lahat ay gusto siyang maging estudyante.
Pagkaraan pa ng ilang taon, ibang-iba na si Mutya. Isa na siyang kilalang piyanista. Nakarating na siya sa ibang bansa tulad ng Amerika at Espanya. Tumugtog siya doon. Naanyayahan pa nga siya sa palasyo ng hari ng Espanya para tumugtog sa hari. Hindi na siya tinutukso ngayon. Hindi na pinagtatawanan. Sa halip, siya ay hinahangaan na dahil lahat ay nagkakagusto sa kanyang pambihirang kakayahan sa pagtugtog.