Si Boyet ay may alagang aso. Ang tawag niya dito ay Tagpi. Puting-puti ang makapal na balahibo ni tagpi. Sa bandang likod ay maroon itong isang malaking Tagpi na kulay itim. Iyon ang dahilan kung bakit tagpi ang itinawag ni Boyet sa kanyang aso. Mahal na mahal niya si Tagpi. Palagi niya itong pinaliliguan. Binibigyan niya ito ng maraming masasarap na pagkain at tubig. Madalas din niya itong ipinapasyal.
"Habol, Tagpi!" sigaw niya habang nakikipag unahan siya sa pagtakbo sa alaga.
Isang araw ay may naligaw na aso sa lugar nina boyet. Kasing laki ni tagpi ang aso pero kulay tsokolate ito. Manipis ang balahibo ng tsokolateng aso kaya hindi ito magandang tingnan. Marami pang putik sa katawan kaya mukha rin itong mabaho. Hindi ito katulad ni Tagpi na ubod ng linis dahil araw-araw niyang pinaliliguan.
Nakita ng tsokolateng aso si Tagpi. Lumapit ito sa bakod nila at tinahulan ang kanyang alaga. Gagalawgalaw pa ang buntok ni Tagpi na parang tuwang-tuwa.
Hindi nagustuhan ni Boyet na makikipaglaro si Tagpi sa marungis na aso. Binugaw niya ang aso pero ayaw nitong umalis.
"Tsuu,tsuu!" bugaw niya rito.
Ayaw umalis ng aso, panay ang tahol nito kay Tagpi. Nainis si Boyet. Kumuha siya ng mahabang patpat at hinampas niya ang aso. Nabuwal ito at nag-iiyak.
Hahampasin sana muli ni Boyet ang kulay tsokolateng aso para tuluyan nang umalis pero dumating ang kanyang tatay, agad siyang inawat nito.
"Huwag mong saktan ang aso, Boyet" sabi ng kanyang ama.
"Ang baho po kasi, itay! Baka mamaya ay mahawa pa sa kanya si Tagpi," katwiran niya.
"Paano kung si Tagpi ang mapunta sa ibang lugar at saktan din siya ng mga bata doon. Magugustuhan mo ba iyon?" tanong ng ama.
Hindi nakasagot si Boyet. Napahiya siya.
Tinulungan nilang makatayo ang aso. Pinabayaan na niya itong makipaglaro kay Tagpi.