Isang matandang lalaki ang lumapit sa isang babaing balo. Gusgusin ang matandang lalaki. Mukha itong gutum na gutom. Taggutom noon sa lugar na iyon, mahirap ang pagkain.
"Mayroon ka bang makakain diyan?" tanong ng matandang pulubi sa balo.
"Ilang araw na kasing hindi nalalamnan ang aking sikmura. Parang hihimatayin na ako sa gutom."
"Mayroon po akong isang dakot na harina at katiting na langis." Sagot ng balo.
"Lulutuin ko nga po para makakakain kami ng aking anak bago kami mamatay na dalawa."
"Kung lulutuin mo ay bigyan mo naman ako." Sabi ng matandang pulubi.
"Sige po dito lang po kayo at maghintay." Sabi ng babae.
Sinimot ng babaing balo ang harina sa lalagyan at ang katiting na langis. Sinimulan niyang iluto iyon para maging tinapay. Iyon na ang kahulihulihang patak ng harina at langis sa lalagyan niya. Ngayong ubos na ang mga iyon, hindi niya alam kung paano pa sila kakain ng kaniyang anak. Siguro'y mamamatay na lamang sila sa gutom.
Maliit lang ang nalutong tinapay. Tatlo silang kakain. Siya, ang kanyang anak na lalaki at ang matandang pulubi. Kahit sa kanilang dalawa nang kanyang anak ay hindi na kakasya ang maliit na tinapay na iyon. Hinati niya ang tinapay sa dalawa. Ang kalahati ay ibinigay niya sa matandang pulubi.
Ang kalahati ay itinira niya para sa kaniyang anak. Siya ay magtitiis na lamang ng gutom.
Nakakain ang matandang pulubi. Nasisiyahan itong nagpaalam sa kanya.
"Maraming salamat," anang matandang pulubi. "pagpalain ka sa iyong kabutihang loob."
Inihatid niya ng tanaw ang matanda hanggang mawala ito sa paningin. Pagkatapos ay tinungo niya ang anak na natutulog. Gigisingin na niya ito para kumain.
Naudlot siya ng paglapit sa anak napatingin kasi siya sa lalagyan niya ng langis. Nagulat siya ng makitang puno iyon ng langis gayong kanina ay wala nang laman iyon. Nagtataka siyang lumapit, binuksan din niya ang lalagyan ng harina. At nakita niyang puno rin iyon gayong kanina ay wala nang laman. Natapos ang taggutom sa lugar na iyon na hindi nauubos ang harina at langis ng babaing balo.