Pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas (Oktubre 14, 1943 - Agosto 15, 1945)
Isinilang: Marso 9, 1891 sa Tanauan, Batangas Mga magulang: Sotero Laurel at Jacoba Garcia Asawa: Prudencia Hidalgo Namatay: Nobyembre 6, 1959 sa Maynila
Sa pagsakop ng mga Hapon sa Maynila nagsimula ang tatlong taong pagtitiis ng mga Pilipino sa kamay ng mga Hapon. Hindi inasahan o inisip man lang ng mga Pilipino na sa panahon ng Komonwelt ay may bagong hahawak ng kapangyarihan sa pamamahala ng bansa. Ang Pilipinas ay nadamay sa hidwaan ng Estados Unidos at Japan. Nagkataong ang bansa noon ay nasa pamahala ng Estados Unidos at sinasanay sa pamamahala ng sariling bansa para sa pagkakaroon ng tunay na kalayaan.
Enero 3, 1942 nang sakupin ng Hapon ang Kalakhang Maynila. Si Ten.-Hen. Masaharu Homma ang namuno sa 14th Japanese Army sa pagsakop ng Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Si Jose Laurel ang inihalal ng Pambansang Asamblea noong Setyembre 24, 1943 bilang pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas ngunit nanatili sa mga kamay ng Hapon ang pagpapasya at kapangyarihan sa pamahala sa bansa.