Unang Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas (Hunyo 12, 1898 - Marso 23, 1901)
Isinilang: Marso 26, 1869 sa Kawit Cavite Mga Magulang: Carlos Aguinalod at Trinidad Famy Asawa: Una: Hilaria del Rosario Ikalawa: Maria Agoncillo Namatay: Pebrero 6, 1964 sa Lungsod ng Quezon sanhi ng atake sa puso
Naging matagumpay na pinuno ng Pamahalaang Rebolusyonaryo si Hen. Emilio Aguinaldo. Sa kanyang pamumuno, malaking bahagi ng Luzon ang napalaya sa kamay ng mga Kastila. Bunga nito, ipinahayag niya ang kalayaan ng bansa at mga mamamayan nito noong Hunyo 12, 1898 sa kanyang bahay sa Kawit, Cavite. Kasabay ng kanyang pagpapahayag ay ang pagwagayway ng pambansang watawat at ang pagtugtog ng Marcha Nacional Filipina na naging musika ng ating pambansang awit.
Ang pambansang watawat na sagisag ng ating kalayaan ay ginawa ni Marcela Agoncillo, katulong ang anak na si Lorenza at ang isang kasapi ng himagsikan na si Delfina Herboza de Natividad. Ang dibuho ng watawat ay ginawa ni Hen. Aguinaldo na hanggang ngayon ay nananatiling disenyo ng ating pambansang watawat.
Samantala, ang musika ng pambansang awit ay nilikha ni Julian Felipe at ang mga titik nito ay isinulat ni Jose Palma.
Si Hen. Aguinaldo ang naging pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas.