Ang ikalimang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1961, Disyembre 30, 1965)
Isinilang: Setyembre 28, 1910 sa Barrio San Nicolas, Lubao Pampanga Mga magulang: Urbano Macapagal at Romana Pangan Asawa: Una:Purita de la Rosa Ikalawa: Dra. Evangelina Macaraeg Namatay: Abril 21, 1997 sa Makati, dahil sa paghina ng puso, pulmonya at komplikasyon sa bato sa edad na 87.
Sinimulan niya ang limang taong programa sa sosyo-ekonomiko ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga import control. Nakilala siya dahil sa nasyonalismong panukalang-batas sa tingian at reporma sa lupa.
Naging pamantayan din ng panunungkulan ni Pang. Macapagal ang sapat na pagkain, katapatan sa tungkulin, at mga hanapbuhay sa sosyo-ekonomiko.
Sinikap ng pamahalaang maparami ang produksyon ng mga ani tulad ng palay, bigas, at iba pang produktong agrikultural sa pamamagitan ng pagpapabuti ng paraan sa pagsasaka, pagpili at paghahanda ng mabuting binhi at paggamit ng mga pataba at pamatay-peste. Bunga nito, ang bansa ay nagkaroon ng sapat na pagkain at hindi na kinailangan pang umangkat ng bigas sa ibang bansa.
Ang programang sosyo-ekonomiko ay nagpalawak at nagpaunlad sa kalakalan. Sa sistemang ito, nag-ambag-ambag ng puhunan ang dalawa o mahigit pang namumuhunan para sa pagtatatag ng negosyo.
Ipinagtibay din ang Batas sa Reporma sa Lupang Pansakahan o Agricultural Land Reform Code na nagbibigay ng karapatan sa mga magsasakang maging may-ari ng lupang kanilang sinasaka at ng tulong upang sila ay mabuhay sa sariling pagsisikap.
Ipinagpatuloy ng kanyang pamahalaan ang pakikiisa at pakikipagtulungan sa ilang bansa sa Asya. Sa panahong ito naitatag ang MAPHILINDO, para sa Malaysia, Philippines at Indonesia.
Ipinakita ng pamahalaang Macapagal ang kanyang katapatan sa tungkulin at ang di-maluhong pamumuhay ng isang nanunungkulan sa pamahalaan.