Laking kapabayaan at kapabayaang lubhang pumipinsala sa ating pagkabansang linang ang pangyayaring ang ating mga dakilang tao ay nalibing sa limot at walang nagukol kahit na hapyaw man lamang na pagbabalita sa kanilang mga kabantugan. Ang limbangan ay isang dakilang biyaya sa katauhan, sa pagka't tunay na mabisang katulong sa paglalaganap ng mga mithing bunga ng mga kislap ng diwa ng tao nguni't katakataka mandin na ang kaunaunahang manlilimbag dito sa Kapuluan ay hindi naka pagpapamana sa atin ng halaw man lamang ng kanyang buhay, subali't gaya ng ang mga dakilang pangyayari ay nagiiwan ng mga dakilang bakas gayon ang nangyari sa ating kababayang ito na pinaguukulan ngayon nitong maigsing ulat.
Ang limbagan ay isang dakilang biyaya sa katauhan, biyayang mabisang katulong sa paglalaganap ng mga kahangahangang kislap ng diwa na higit sa dagidab na sumasakaalaman ng lahat at napapanatili at nagagamit at sunodsunoran sa kapakanan ng katauhan.
Kung ang limbagan ay isang tunay na biyaya sa katauhan, disapala ay karapatdapat na pagpugayan at handugan ng isang ganap na pagturing ang mga taong nangakatulong sa pagpapalaganap niyaon. Si Tomas Pinpin, sa ngayon sa mga kasulatang aming nasuysoy ay siyang kaunaunahang Tagalog na naglaganap ng limbagan sa dakong ito ng daigdigan.
Kilala at nahihigingan na siya'y isang Tagalog at kaunaunahang manlilimbag dito sa Filipinas at Tagalog na may diwang linang sa itinitimpalak ng kaunaunahang aklat na Librong Pagaaralan ng mga Tagalog ng Wikang Kastila subali't hindi nakikilala gaya ng malaong di nabalitaan ang kanyang pangalan, sa pagka't walang nagukol sa kanya ng isang karapat dapat na gunita.
Ang ganitong mga kapabayaan ay di dapat mamarati, sa pagka't lubhang pipinsala sa ating pagkabansag kasalukuyang tinatawaran at ayaw kilalanin.
Nguni't sino si Pinpin? Kailan siya ipinanganak? Saang bayan siya Sumibol?
Mga tanong na di matugon ng tiyakan at walang mga kasulatan maturol yayamang ang karamihan ng mapagsasangguniang talaan sa mga Simbahan ay nalipol at na waldas ng ating mga himagsikan. Hindi maaaring malimutan, hindi dapat malimutan ang mga dakilang gawa ng mga lalo pang dakilang tao na gaya ni Pinpin. Sa kanyang aklat ay matitiyak ang kanyang sikhay na tayo'y makawatas ng nangamiminuno sa atin at ng sa gayong paraan ay tahas nating makilala ang kanilang uri, karangalan at diwa dahilan itong sukat na, upang si Pinpin ay makintal sa puso ng tanang pilipino at magsikap na siya'y makilala at pag-aaralan. Umano'y tubong Abukay, sakop ng lalawigang Bataan niyaong lalawigan pinakipamuhayam hanggang sa huling sandali ng ating dakilang Balagtas; niyaong lalawigang sinibulan ng isang utak na hinangaan ng Daigdig na hanggang sa kamatayan ay pawang karangalan sa kanyang buhay ang idinudulot sa kanyang sariling lupa, ng kagalang-galang na Arellano.
Sangayon sa isang aklat na kanyang sinulat, si Tomas Pinpin ay taong Bataan, datapuwa't di maturol nang tiyakan kung aling bayan sa Bataan ang kanyang kinakitaan ng unang liwanag; kapabayaan ng ating mga panganay na sanhi ngayon ng kapinsalaang ito, baga mang di iilan ang nagsasabing ang kababayang ito ay tubo sa bayan ng Abukay.
Talagang ang mga dakilang tao ay pinagaagawan ng mga bayan, gaya halimbawa ng nangyayari sa ating Balagtas, na anang mga taga Udyong ay anak ito ng bayang yaon, baga mang ang mga kasulatang natunton ng masipag na manunuysoy na si G. Hermenegildo Cruz ay tumitiyak na ang ating Makata ay tubo sa Panginay, sakop ng Bigaa, Bulakan.
Saan mang bayan sumilang si Pinpin, ay nakasisiya na sa amin ang matiyak na siya'y isang Tagalog at siyang kaunaunahang manunulat na naghandog ng isang mahalagang aklat ng sining, sa kapakinabangan ng kanyang mga kalahi.
Utang sa masikap na manunulat na si G. Manuel Artigas, ang muling pagkalimbag ng Librong Pag-aaralan Ng Mga Tagalog Ng Wikang Kastila sa kanyang La Primera Imprenta en Filipinas at doon ay mababakas ng mga mairugin sa mga kabantugan ng ating mga kababayan ang mga mahahalagang aral ng ating Pinpin sa kanyang mahalaga at panganay na aklat na may gayong uri na kabantugan ng panitikang Tagalog.
Sa kanyang pagkamanlilimbag ay natitiyak na siya ay naging isang matapat na aralan ni Pari S. Jose, at sa isang maigsing bugso ng panahong ikinatatag dito ng limbagan ay nakapaghandog agad ng mayamang bunga ng kanyang diwa. Niyaong 1610 na limbagin ang kanyang aklat ay nagtamo, ng malugod na papuri ni Pari Roque Barrionuevo sa kanyang mungkahi upang bigyang pahintulot at sa ilang kataga ay kalakip itong: Y es mucho de estimar por ser su autor un natural tagalog.
Siya ang naging Patnugot ng unang limbagan dito sa Pilipinas magbuhat niyaong taong 1610 gaya ng matatalunton sa Arte y Reglas de la Lengua Tagala at ang ganitong tungkulin ay ginampanan niya hangang sumapit ang taong 1630, at nang lumipas ang ilang panahon ay lumipat siya sa Limbagan ng mga Paring Hesuitas niyaong 1637 hanggang 1639.
Si Tomas Pinpin nga sangayon sa mga natataluntong balita ay siyang matandang kapatid ng ating mga manlilimbag na di nagaksaya ng panahon at naging saligan ang katiyagaan hanggang sa maging isang dalubhasang tagapagpanuto ng kanyang mga kapanahon gaya ng makikita sa katagang aming sisipiin dito sa kapakinabangan ng aming mga mambabasa: Di baquin ang langgam ay nacararating sa cacaongin ay bahaguia ng macalacad.
Mahalagang aral na magagawang isang mainam na saligan upang sapitin ang alin mang matataas na indayog ng pangarapin.
At itong sumusunod; ay lalo ring iquinapagpilit nang loob cong tayong lahat ay paraparag macaalam nang uicang Castila ay ang caloloua nating ay nang maiquinabang sa P. Dios nang Canyang mga Auaauang marami.
Kung saan mapagkikitang sa kanyang banal na pananampalataya ay di niya naligtaan ang mga kalahi na di makinabang ng biyaya noon.
Kung ang nangauna sa atin ay nagsikap na magpamana sa mga sumisibol ng bahagya man lamang ulat tungkol dito sana'y napagaralan natin gayon ang mga dakilang halimbawa sa ating kapakinabangan.
Kung isang araw ay makasapit ka giliw na mambabasa sa Liwasang Cervantes at doon ay makita mo ang isang bantayog ay masdan mo si Pinpin na nakapako ang mata sa lupa at tila may mahalagang bagay na inaaninag; inaapa niya marahil kung ang naging bunga ng limbagan sa kanyang tinubuang lupa ay naging isang biyaya o naghatid sa kapanganyayaan. Nalalaman niyang ang limbagan ay isang mabilis na pakpak ng diwa upang ang bunga ng kanilang mga likha ay magtawirang walang panganib sa malalawak na karagatan ng daigdigan, nalalaman niyang ang limbagan ay isang mabuting paraan upang ang lahat ng mga pangyayari ay huwag maliblib sa mangagsisisibol na aapuhin, at ito ang kanyang ginawa kung kaya kahit hapyaw, ay siya'y ating nababalitaan ngayon. Nguni't di dapat makaila sa atin ang pangyayaring ang limbagan ay isang mabisang katulong sa paninirang puri.
Nariyan ang isang taong nagpagal sa kapakinabangan ng kanyang bayang tinubuan.