Sa mayamang bayan ng Santa Cruz, Maynila ay dito nakakita ng unang liwanag, ang isang sanggol na babaing tinawag na Teodora, anak ni Kapitang Lorenzo at ni Gg. Brigada Quintos. Siya ang mapalad na babaing nakapaghandog sa Inang Bayan ng Bayani ng mga Bayani, si Gat Jose Rizal.
Siya'y buhat sa angkang gising ang muni, ang kanyang nuno si G. Cipriano Alonzo ay isa sa mga maginoo sa bayan ng BiƱang, Laguna. naging manunukat ng lupa at sumusulat at nagsasalita ng Kastila, Ingles at Pranses, naging Kapitan sa bayan, isa sa matataas na katungkulang ipinagkakatiwala sa mga pilipino ng mga panahong yaon.
Ang mga ninuno sa ina ni Teodora, ay buhat din sa mabuting angkan. Si G. Manuel Quintos, ang ama ng kanyang ina ay isang mabuting bata sa Universidad de Sto. Tomas, at mabuting ama palibhasa ay nagsikap na ang kanyang anak na si Brigida ay maging isang babaing may pinagaralan.
Kahit na ang kanilang angkan ay naninirahan sa Kalamba, si aling Teodora ay ipinanganak sa Kamaynilaan, gaya rin ng kanyang mga kapatid. Sa lahat ng ito ay matitiyak na si Gng. Teodora ay buhat sa mabuting angkan, siya ay sumilang sa isang anak na matalino at ang lahat ng kanyang mga kasambahay ay pawang mulat sa dakilang gawi.
Ang una niyang mga pagaaral ay buhat sa sariling tahanan, at kahit na lubhang mairugin ang kanyang mga magulang ay hindi siya iminulat sa layaw, dahilang kanyang ikinagising sa mabuting gawi at ipinagsumikap na maging isang babaing tangi, may likas na bait at may talino namang karapatdapat.
Hindi siya namalagi sa pag-aaral siya'y ipiipinasok sa Sta. Rosa sa lilim ng pamamahala ng mga Madres de la Caridad at doon siya namulat sa pananampalatayang binyagan at ng gawing magsimba at gumanap ng mga katungkulan ng isang mabuting tao.
Niyaong 1848 ay nakipagisang puso si Gg. Teodora Alonzo kay G. Francisco Rizal y Mercado, at kapuwa nagsumikap sa ikapananatili ng kapayapaan sa loob ng tahanan, gaya ng isang tunay na ulirang magasawa; at ang mga anak ay sunodsunod na nagsirating at lalong naging maligaya ang kanilang buhay sa piling ng mga supling ng dalisay nilang pagibig.
Sila'y nangagsiunlad sa pamumuhay at sanhi ito nang pagdami ng kanilang panauhing banyaga at kababayan man nguni't napansin sa kanila ng labis ang pantaypantay na kanilang pagtanggap sa sino mang panauhin, maging pantas man at hangal, mayaman at mahirap, banyaga at kalahi man; sa kanila'y di napansin ang pangtatangi kay ganito o kay gayon, ng dahil sa si gayon o si ganito, ay lalong dakila, mayaman o marunong kaya; ang likas na kaugaliang mapagampon at mapagtangkilik ng lahing Tagalog ay naghahari sa kanilang tahanan.
Sa pagkaina ni Gg. Teodora, ay nanupad siya ng gayon na lamang na kasikapan, upang ang kanyang mga sanggol ay mapanuto; lubhang mairugin tuwi na at mapangalaga; lahat ng walang malay na tanong o paguusisa ng kanyang mga anak ay tinutugon niyang lahat ng boong tamis at liwanag, upang masiyahan ang mga anak; nguni't kailan ma'y di naging mapagpalayaw. Ginampanan niya ang tunay na tungkulin ng isang mabuting ina, na, mapangalaga sa mga sanggol, mapagturo sa kabataan at tapat na kaulayaw at kaibigan ng mangagsilaki na at tumuntong sa ganap na gulang.
Iminulat niya sa mga anak ang pagsusumikap na mag-isa, at niyaong si Gat. Rizal ay aapatin taon pa lamang at nahihirapang bumasa ng kanyang Katon ay boong tamis niyang sinabi ang gayari. Paano ka kung di makapagsisikap na mag-isa. Maaari kayang lagi kang nakasandal kangino man? Sikapin mong mag-isa kang magaral at gumawang tiwalag sa iba, sa gayon ay matataya mo ang sariling lakas at masasanay kang mag-isa sa mga gawain. Naging kasayahang loob ni Gg. Teodora ang manood sa kanyang mga anak na bukod bukod ng paggawa, tila baga niya nakikikita sa gayon ang malaking katamisan ng isang kasarinlan sa paggawa man lamang.
Tuwi na'y sinalita niya sa kanyang mga anak kung gabi ang mga buhay ng mga dakilang tao, o ang mga buhay kayang may lulang mga dakilang aral, upang bago matulog ang mga anak ay mabaon sa pagtulog ang mabubuting hinuha. Sinikap niyang isatagalog ang mga maniningning na buhay ng kanyang nalalaman, upang maliliit pa ang mga anak ay makataho na ng mga dakilang huwaran. Sinikap niyang ang mga anak ay magharap sa kanya tuwi na ng nasusulat na hinuha sa kanyang mga kasaysayang ibinubuhay kung gabi, at kanyang isinasaanyo ang mga kamalian, at sa ganitong paraan sa gulang na siyam na taon, ang anak niyang Pepe, ay nagharap sa kanya ng isang Dulang Tagalog na kinagiliwang labis ng Kapitan sa bayan ng panahong yaon.
Niyaong taong 1898, ay nabalo siya sa ginigiliw na asawa, at naparagdag sa kanyang pagtangis na magdadalawang taon na sa pagkakaputi ng buhay ng mahal niyang anak na si Dr. Rizal, ang pagkamatay ni G. Francisco Rizal at Mercado.
Niyaong 1907, sa pasimulang Pulong ng unang Kapulungang Bayan, ay hinandugan si Gng. Teodora Alonzo ng mga parangal at inalayan siya ng maraming salapi bilang tulong sa kanyang katiisan, nguni't hindi niya tinanggap at pinatingkad niyang ang kanilang angkan ay hindi nagmamahal sa Lupang Tinubuan ng dahil lamang sa salapi. At niyaong ika 16 ng Agosto ng taong 1911, ang banal na Ina ng dakilang Bayani, ay pumisan sa kanyang mga kapilas ng buhay at sumapayapa sa kaharian ni Bathala.
Ang paglilibing sa kanya ay ginanap niyaong ika 19 ng Agosto, at ang mga matataas na kagawad ng Pamahalaan ay nakipaglibing na pawa, tanda ng isang pakikidalamhating lubusan sa kanyang pagpanaw sa bayang ito ng mga dalamhati.
Bilang alaala sa kanyang pangalan, ang dating daang Aranque ay pinalitan ng Teodora Alonzo.