Huwag mong akalain giliw na mambabasa na ang sanhi ng munting ulat na ito sa karangalan ng magandang dalagang tagalog na si Bb. Susana Revilla ay likha ng mga karaniwang paghanga, sa mga di karaniwang gandang nakaaakit na umawit tuwi na sa pusong lalaki; hindi makalilibong hindi; sapagka't si Bb. Susana Revilla ay kabilang diyan sa mga likhang karapatdapat lamang pintuhuin at igalang, dahil sa ang kanyang talaghay ay di katulad ng sa lubhang maraming gandang nakayayakag sa mga gawi ng kalupaan. Isang kagandahan na linikha mandin upang maging huwaran ng mga babaing Tagalog. Ang kabinihang kayakap ng isang kabaitang likas ay nagpapatingkad ng karangalan ng kanyang lipi, at may isang di karaniwang talino, palibhasa, kaya't nagagawang ang lahat ng kanyang maging kakilala ay huwag magimbot ng ano mang haluang pagmamahal, at lahat ay maging maligaya sa kanyang piling.
Pakingan nating sandali ang salaysay ni G. Camilo Sala, tungkol sa kanyang katangian: Sa labing dalawang taon pa lamang na gulang ay ipinasok na colegiala sa Concordia, nguni't masasaktin palibhasa ay hindi nakapagpatuloy; subali't nang sumunod na taon sa Escuela Municipal de Manila, sa ilalim ng pamamatnugot ng mga Madres de Caridad ipinasok, at di nalaunan at kanilang nakilala ang kamahalan ng hiyas na yaong ipinasok sa kanilang pintuan, sapagka't nang sumunod na taon ay hinirang siyang maging Pangulo ng kalipunan ng Mga Anak ni Maria, at pagkalipas ng dalawa pang taon, si Susana na lalabinganiming taon pa lamang, niyaon 1887, ay tumanggap na ng Katibayang pagka Maestra Elemental.
Ani Ginang ni Alvero, kasalukuyang Patnugot ng Paaralang Instituto de Mujeres: Si Susana ay isang likhang di karaniwan; ang kanyang Paaralan niyaong taong 1900, na balakin kong magtatag ng isang Paaralang babai na mapaghahandaan ng mangakakatulong ng mga lalaki sa mga suliraning bayan at pangangasiwa sa tahanan, ay kasalukuyang bukas at maraming aralang nakatira at naguuwian; nguni't yaon ay kanyang ipininid upang bigyan daan ang tawag na ito ng ating bayan, at ang Instituto de Mujeres ay aming itinatag.
Kun saan mapagkikita, na kay Bb. Susana Revilla ang kapakanang sarili ay isang walang kabuluhang bagay sa piling ng mga kahilingan ng bayan at ng kapanahunan.
Tungkol sa kanyang kabuhayang tangi sa loob ng tahanan ay hindi mapagalinlanganang napapalayo sa kanyang buhay na hayag, gaya ng karaniwang mangyari sa karamihan na may ugaling panglabas at may panloob; sa harap ng kapisanan at sa sarili mang tahanan, si Bb. Susana Revilla ay hindi nagbabago; siya rin ang masayang anak ng Pilipinas na sa loob at labas ng bahay, ay nakatatagpo ng ligaya sa paggawa ng mabuti; ang kabaitan niyang sibol ay hinangaan tuwi na ng lahat niyang nakapiling at nagkapalad na sa kanya'y makakilala; at tungkol sa bagay na ito ay ani Pari Ulpiano Herrero: Su via privada era la de una santa.
Sumilang sa maliwanag si Bb. Susana Revilla, sa mayamang bayan ng Sta. Cruz, Maynila niyaong ika 24 ng mga Bulaklak palibhasa nang kanyang makita ang unang liwanag, ay hiniyasan ang kanyang buhay, ng mga sampaga ng kanikaniyang katangian; ang kalinisan ng kampupot ay iginayak sa kanyang kalolwa, ang kayumian ng babaan ng loob, ang alejandria ay nagdulot sa kanya ng isang kagandahang katangitangi, at ang ilang-ilang ay nagbigay ng samyo sa kanya, na walang pagkapawi.
Siya'y anak na tunay ni G. Ceferino at ni Gg. Rosenda San Jose, maririwasa at mapapalad na nakapagdulot sa Inang Bayan ng mga anak na karapatdapat; Pinagpala, sapagka't makapagmamalaki at walang ano mang ipinangimbulo sa mga ibang angkan sa harap ng kapamayanan. Kapatid ni Bb. Susana Revilla ang kamamatay pa lamang na Hukom sa Unang Dulugan, Kgl. na Bartolome, Revilla.
Tungkol sa kanyang likas na kabaitan at sanhi ng kaligayahan ng kanyang nangakasama sa Instituto de Mujeres, ay pakingan nating sandali ang ilang kataga ng Revista Cultura Social: Toda suavidad en el mandar, no bien previa que alguna carga resultaba pesada para las demas, cuando la tomara en silencio para si.
Nang ang mga Asuncionistas ay dumaong dito sa ating Lunsod at magbukas ng kanilang Colegio ay nagpatuloy ng pagaaral si Bb. Susana Revilla, upang magkaroon ng katibayang Maestra Superior at siya'y isa sa unang labing tatlong Maestra na nagtamo ng gayong katibayan.
Niyaong taong 1909, ay nahirang siyang Tagapamatnugot ng Instituto de Mujeres. Sa panahong ito ay di kakaunting sikap ang ginawa ng mga mainggiting Paaralan upang siya maialis doon, at hinandugan siya ng malalaking sahod, nguni't sa harap ng naghihikahos na Instituto noon, ay pinili niya ang manatili sa piling ng kanyang minamahal na Instituto na kanyang pinaghandugan ng isang paglilingkod na walang pasubali, pinanggugulan niya ng lahat ng pinakamabuti niyang panahon sa kanyang buhay, at di miminsang kinailangang ang kanyang mga hiyas ay masanla, huwag lamang mauntol ang mabuting lakad ng Instituto dahil lamang sa kasalatan.
May isang dakilang pagtingin at paghahaka sa kautangan si Bb. Susana Revilla, gaya ng lahat nang may wagas na puso, at ani Sor Dolores Velarde, naging Guro ng Instituto at gayon ay Madre de la Caridad sa isa niyang lathala tungkol sa bagay na ito: Nuestra Ilorada Directora tenia una idea sublime del deber.......! Cuantas veces la hemos sorprendido en su aposento dando clases a sus alumnas desde su cama! Hanggang sa kalubhaan na ng sakit na di na makatindig halos ay ginagampanan ang kanyang katungkulang pagtuturo.
Buhat pa niyaong ika 28 ng Disyembre ng 1916 ay naratay na sa banig, nguni't nang buksan ang Paaralan niyaong Enero, ay di pa man halos makagulapay ay dumalo rin sa kanyang bulwagang pinagtuturuan. Si Bb. Susana ay isang tunay na alipin ng kautangan. Ihinatid sa Pagamutang San Juan de Dios niyaong ika 24 ng Marso, ang lahat ng sikap ng mga manggagamot na isa rito ay si Dr. Miciano, ay na walang lahat ng halaga, at ang pinagpitaganan tuwi na ng kanyang mga kaibigan, ang matalinong Tagapamatnugot ng Instituto de Mujeres, ang dalubasa, mayumi at mabait hanggang sa huling sandali ng pakikitalad sa buhay, ay binihag ng walang awang kamatayan, niyaong ika 11 nang Abril ng taong 1917.
Sumalangit nawa ang butihing Guro at ang kayang diwa na naghahari sa Paaralang Insituto de Mujeres ay maging tanglaw tuwi na ng kanyang mga kasamahan.
Lumipat sa kabilang buhay ang isang marilag na Guro na natutong maglagay sa isang mataas na kalagayan ng mabuting pangalan ng kanyang pinamatnugutan Paaralan.
Pinagpalang Instituto de Mujeres, na makapagmamalaking nagkaroon ng mga diwang gaya ng kay Bb. Susana Revilla, pinagpalang Instituto de Mujeres na linabasan ng mga babaing katangitangi, salamat sa banal na simulaing Pananampalataya at Karunungan. Narian ang Paaralan ng mga Paaralan.