(Taong 637)
Daan-daang taon bago pa man masakop ng mga Kastila ang Pilipinas ay kilala at napapabalita na sa ibang lupain ang mabubuting ugali ng ating mga ninuno.
Ang katarungan, pamimitagan at pagiging masunurin sa batas ay likas na ugali na ng ating mga ninuno noong panahong iyon.
Napabantog noon sa mga karatig kaharian ang isang Isla sa Cotabato na pinamumunuan ni Reyna Sima. Wla siyang kinikilingan. Kamag-anak man o kadugo ay pinapatawan niya ng kaparusahan kapag nagkasala.
Humigit kumulang ay taong 637 ng pamunuan ni Reyna Sima ang isang isla noon sa Cotabato. Nakarating sa kaharian ng Arabia ang angking katangian ni Reyna Sima. Hindi makapaniwala ang hari ng Arabia na isang babae ang nagtataglay ng ganoong katangian. Isang pagsubok ang kanyang ginawa. Inutusan niya at binilinan ng dapat gawin ang ilang pinagkakatiwalaan niyang tauhan para magsadya sa kaharian ni Reyna Sima. Naglagay ang mga ito ng isang supot ng ginto sa gitna ng isang hayag na lansangan. Gustong masubok ng hari ng Arabia kung ang supot ng ginto ay pakikialaman.
Batas na sinusunod sa kaharian ni Reyna Sima ang huwag gumalaw pumulot o humakbang man lamang sa anumang bagay na hindi mo pag-aari, maging saan man ito naroroon. Kaya bumilang ng isa hanggang tatlong taon ay naroroon pa rin sa dating kinalalagyan ang supot na ipinain ng mga tauhan ng hari ng Arabia. Wala ni isa mang nangahas na makialam.
Subalit ng minsang mapadaan doon ang anak na prinsipe ni Reyna Sima ay hinakbangan nito ang supot ng ginto. Nakarating iyon sa kaalaman ng reyna. Ipinag-utos niyang putulan ng paa ang kanayng anak. Nagmakaawa ang mga ministro ng reyna kaya binabaan niya ang hatol, daliri na lamang ang ipanaputol niya. Muling nakiusap ang mga ministro na lubusang patawarin ang prinsipe, subalit hindi nakinig ang reyna. Para sa kanya ang batas ay batas, hindi ito maaaring baguhin dahil lamang sa anak niya ang nagkasala. Lalong napabantog at hinangaan si Reyna Sima sa kanyang makatarungan at pantay-pantay na pamamalakad.