Bago naging Raha si Soliman, ay naging katulong muna sa pangangasiwa ng mga suliranin dito sa Maynila, ni Rahang Matanda.
Si Lakan Dula na nananahanan sa Tundo ay siya niyang kasama. Ito ay nang kapanahunan ni Rahang Matanda nang taong 1570. Noon ay isang pulutong nang mga sasakyang kastila na pinamumunuan ni Martin de Goiti at Juan de Salcedo ang dumaong sa luok ng Maynila. Niyaong unang dating dito nina Goiti ay di sila nakalunsad pagdaka. Ang Maynila, ay may matitibay na mga muog at sila'y pinaputukan at sinagupa.
Nabalitaan nilang isa sa mga makapangyarihan doon ay si Soliman, kaya't nagpadala sina Goiti rito ng sugo na nagsasaysay na sila'y di naparito upang makidigma kundi upang makipagkasundo, at ang ganito'y tinugon sa pamamagitan ng sugo, na ang Hari sa Maynila ay nagnanasa ng makipagkaibigan sa mga kastila.
Pagtanggap ni Goiti ng pakli ni Soliman ay ipinasok siya at ang kanyang mga tao sa ilog ng Pasig at sila'y lumunsad sa isang baybay na itinakda ng Hari. Sinalubong sila ni Rahang Matanda at nakipagkamay sa kanila, pagkaliban ng ilang sandali ay dumating si Raha Soliman at nakipagkamay din nguni't nagpasubali ng gayari: Kami ay nagnanasang makipagkaibigan sa mga kastila samantalang sila'y mabuti sa amin; nguni't mahihirapan sila ng gaya ng hirap na tiniis na ng iba, kailan ma't nasain nilang kami'y alisan ng puri.
Pagkaraan ng ilang araw si Goiti ay nagkulang sa pagkakaibigan sa pagpapaputok ng kanilang kanyon, at si Raha Soliman ay napilitang magbago ng kilos. Ipinawasak nito ang mga sasakyan nina Goiti at ipinapuksa ang kanyang mga kawal.
Napakabuti ang pagtatanggol sa mga kuta at di nagawa nang mga kastila ang makapasok agad, nguni't nang mangasalanta ang mga tao ni Soliman at maubos na ang mga punlo ay napipilan din. At nang makuha ng mga kastila ang Maynila ay sinalakay ang bahay ni Soliman at dito'y natagpuan nila ang isang mainam na gusali, maiinam na kasangkapang sigay, mga damit na mariringal na nagkakahalaga ng may 23.000 piso.
Hindi nagtaksil kailan man si Soliman, gaya ng ipinararatang sa kanya ng mga kastila. Siya'y tumupad lamang sa kanyang dakilang katungkulan na makibaka sa sino mang magnanasang sumira ng kanyang kapurihang pagkahari, at yayamang ang mga kastila ay siyang nagpasimula ng pagbabaka, ay siya ay nagtanggol lamang at natalo, nguni't hindi kailan man nagtaksil.
Ang kanyang pagibig sa sariling Lupa ay nagudyok sa kanyang makibaka at siya ay nakibaka dahil doon.
Kung saan makikitang ang pagguho ng kaharian ni Soliman ay utang sa kagahaman ng isang lahing mangaalipin; sa isang pamahalaang pinagagalaw ng lakas ng lakas at di ng lakas ng katuwiran.
Kawawang bayang maliliit na linulupig at ginagahasa ng malalaking bansa.
Ang daigdig ay patungo sa pagunlad, at buhat niyaong 1914 na gahasain ang Belhika, ang malalaking Bansa ay nagsasapi at ipinagtanggol ang katwiran ng maliliit na bayan. Panibagong kilos sa daigdig na bunga ng mayamang diwa ng dakilang Wilson sa kaamerikahan.