Si Raha Lakan Dula ay isa sa mga lalong bantog na namuno sa Bayan ng Tundo. Siya ay isa sa mga kasangguni ni Raha Matanda, si Lakan Dula ay siyang Pamumuan ng panahong sina Legaspi ay dumaong sa ating lunsod, niyaong taong 1571. Nang sumapit si Legaspi sa ating Lupain at lumunsad sa Tundo ay natagpuan niyang dito'y naghahari ang kapayapaan, namamayani ang matatalinong mga batas, at may matitibay na muog na pananggol sa mangagsisisalakay.
Kinikilalang Hari rito si Lakan Dula ng mga kanugnog na lupain, at ang kaniyang nangasasakupan ay bumabayad sa kanya ng buis at laging tapat sa kanya, maging sa kapayapaan at maging sa digma. Ang mga sasakyang insik at Hapon na dumaong dito ay pawang nagbabayad ng buwis kay Lakan Dula, bago lumunsad at mangalakal sa tagarito.
Kinilala rin naman ni Legaspi ang kapangyarihan ni Lakan Dula at gumawa sila ng Sangusapan at pagkaran ng ilang panahon si Lakan Dula ay naging kakampi ng España. Tumulong si Lakan Dula sa pagtatatag dito ng mga tahanan ng mga kastila at pagkaraan ng ilang panahon siya at ang kanyang mga anak ay napabinyag na lahat. Ang pangalang iginawad kay Lakan Dula ay Carlos.
Niyaong taong 1574 na ang lupaing ito ay salakayin ni Limaong, isang insik na tulisang dagat, ang Rahang ito at ang kanyang mga anak ay nakilabang kakampi ng mga kastila sa mga insik na nagsisalakay. Napaurong sina Limaong ng mga kampon ng Raha Lakan Dula at ang mga ito ay nagtatag ng kanilang kaharian sa Panggasinan at doo'y pinagusig sila ng hukbo ni Lakan Dula hanggang napatayan sila ng kay raming alagad at naitaboy sila sa labas ng mga lupaing sakop ng Rahang Tagalog na ito na nagpakita ng gayon na lamang tapang.
Si Lakan Dula ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki at siya at ang kanyang mga anak sa kapanahunan ni Lavezares niyaong 1572 hanggang 1575 ay patuloy silang naging katukatulong sa pagpapalaganap ng kakristianuhan sa Kagayan, Kamarines, at Zambales; ang kanyang apong si Makapagal ay isa sa lumitaw sa tanan niyang mga kamaganak. Si Makapagal sa kanyang katapatan sa España ay ginawang Maestro de Campo at pagkatapos noon ay naging Heneral siya sa Apalit, Arayat at mga kabundukan ng Zambales.
Nang magkaalit ang mga kapampangan at mga panggasinan ay di naapula, samantalang hindi namagitan si Makapagal; at nang muling sumalakay ang mga insik sa kapanahunan ni Heneral Figueroa ay hiningi ang tulong ni Heneral Makapagal at ito ang humawi sa nagsisisalakay.
Sa pagkilala sa dakilang tulong ni Heneral Makapagal sa España ay sila'y tinimawa ng mga kastila sa ano mang bayarin sa Pamahalaan at ang lahat ng kanyang kamaganakan ay gayon din. Ito'y namarati hanggang sumapit ang taong 1883.
Si Raha Lakan Dula ay isa sa mga lalong kilalang hari sa kapanahunang yaon ng ating kasaysayan. Naging kakampi siya ng mga kastila sa pagka't naniwala siyang ang mga kastila ay magiging tapat sa kasunduan at pangako. Tumulong siya sa pagsalasa sa nagsisalakay na mga nagnanasang maghari rito at sakupin ang kanyang angkan; at lagi siyang tumulong sa pagapula ng mga himagsikan, sapagka't inaakala niyang ang gayon ay nagguguho lamang ng kapayapaan ng kanyang mga sakop.
Kung ang mga kastila ay hindi tumupad sa pangako at sumira sa sangusapan, ay hindi kasalanan ni Lakan-Dula; kasalanan ng kasakiman na naaayos sa simulain ni Bismark na ang maliliit ay talagang kakanin ng malalaki.
Samantalang hindi naghahari ang pagkakapantaypantay ng mga tao sa harap ng katuwiran at ang kawagasan ay isang kabaitang nasusulat lamang at di ginagampanan ng lahat at bawa't isa, talagang ang kapanganiban sa mga maliit na Bansa ay laging nakabala.
Ito ang dakilang gawain ng mga tao ng Daigdigan.
Ito ang simulaing nasang pairalin ng dakilaing Wilson nang siya'y mamagitan sa nagiinapoy na digmaan sa Europa.
Ano ang malay natin kung yaon din ang manging matibay na saligan ng ganap nating kasarinlan.