Iuulat namin ngayon ang buhay ng isang anak Pilipinas na kaipala ay siyang lalong dapat na ipagmalaki ng ating bayan sapagka't siya'y buhat sa ama at inang mga kastila, at walang pinanghahawakan ang kanyang pagka pilipino kundi ang siya ay pinalad na dito sumilang niyaong ika 17 ng Hunyo ng taong 1863, sa loob ng Maynila, Pangulong bayan nitong kapuluan.
Ang una niyang pagaaral ay ginanap sa ilalim ng pamamatnugot ng mga Hesuitas, nguni't sa ilang taon pa lamang ng pagaaral ay nagkasakit na at sa tagubilin ng mga manggagamot ay napilitang ilayag sa kabilang dagat at sa Barselona na nagtapos ng mga simulaing pagaaral.
Niyao'y magwawalong taon pa lamang ang gulang ng batang si Del Pan, at musmos pa ay namulat sa Espanya na kung saan nakita ang mga tiwaling palagay sa mga, pilipino na kanyang kababayan, sapagka't sa Pilipinas siya nakakita ng unang liwanag.
Kailan man ay di niya tinulutan ang sino man na siya ay tawaging kastila at lubos niyang ipinagmalaki ang bayang ito ng mga Lakan at bayaning mairugin tuwi na sa alin mang bagay na makabubuti sa kanilang bayan at lipi.
Nagbalik sa Pilipinas upang dito ganapin ang pangalawang bugso ng pagaaral at sa Colegio de San Juan de Letran tinanggap ang katibayang Bachiller en Artes. Lumipat sa Paaralang-madla ni Santo Tomas at dito nagaral ng Derecho at sa ikaapat na taon pa lamang ay napilitan na namang bumalik sa Espanya niyaong 1884, at sa Universidad Central sa Madrid tinapos ang nalalabi pang pagaaralan upang tamuhin ang katibayang Licenciado en Jurisprudencia na ilinagda niyaong buwan ng Hunyo ng taong 1885.
Pagkalipas ng isang taon at kalahati, at alangalang sa kanyang kathang Los efectos Juridicos de la ignorancia del Derecho ay tinanggap niya ang katibayang Doctor. Niyaong panahong yaon ay kasalukuyan siyang kalihim ng Ateneo de Madrid kung saan siya laging nakipagtunggalian at nagtanggol sa ikapagtatamo ng mga kabaguhan tungo sa paglaya sa kapakinabangan ng Pilipinas, di lamang sa salita kundi sa pamamagitan man naman ng mga mahahalagang tudling sa tanang Pahayagang kanyang paglathalaan ng kanyang kurokuro tungkol sa bagay na yaon na sa ganang kanya ay lubhang kailangan.
Tunay nga at nang mga panahong yaon, ang mga Rizal natin, Lopez Jaena, Govantes, Aguirre, Regidor, Lorente at iba pang maririlag na mga pilipino ay nangagsisikap na rin ng ikapagtatagumpay ng ating dakilang mithi, nguni't ito'y di nakababawas sa kanyang pamumukod, sa pangyayaring siya ay anak ng ama at inang pawang mga kastila, kaya't ang kanyang mga palagay sa suliranin ng bayang Pilipinas ay lagi nang nakababakla sa mga may hawak ng ugit ng ating Pamahalaan.
Nanumbalik na muli sa ating sariling lupa niyaong 1887 upang harapin ng lubusan ang pagkaabogado, at gayon din naman ng pagkamanunulat at sa Oceania Española na pinamatnugutan ng kanyang ama, ang kanyang pinaglathalaan ng mahahalaga niyang tudling na pawang nakagimbal din sa mga Pahayagang kampi sa Pamahalaan.
Nang tawagin sa sinapupunan ni Bathala ang kagalanggalang niyang ama, si Rafael Del Pan ang humalili sa pamamatnugot ng Oceania Española, at niyaong Hulyo ng 1892, ay naglathala ng kung ilang tudling na pinamagatan Hay que irlo pensando na kung saan niya ipinagtanggol ang pagkakaroon natin ng mga Sugo sa Batasan, na naging sanhi ng mga pasaring ng Diario de Manila, La Voz Española, at El Comercio, mga Pahayagang kalaban ng mithi, at walang tanging nakatulong sa sigasig na yaon, matangi sa El Resumen ng ating kababayang si G. Pascual H. Poblete.
Nang ang ating Dakilang Bayani, si Gat Rizal, ay ipinatapon sa Dapitan, ang tanging Pahayagang di nagsuob ng kamanyang sa Pamahalaan, ay ang Oceania Española na naging sanhi ng mga ingos ng tanang nagbabansag na tapat sa Espanya, ng mga lalong mabibigat na paratang kay Del Pan na ikinasapanganib ng kanyang pagkatao, nguni't boong tigas na tinanggap na lahat ang mga upasala na sa pamamagitan ng mga Pahayagan ay sunodsunod na sa kanya'y itinudla.
Sa kapanahunan ding yaon binalak ang pagtatatag ng Colegio de abogados, na kinahalalan niyang Pangalawang Pangulo, at pagkalipas ng ilang panahon ay nahalal siyang Pangulo, niyaong bantog na kalipunan.
Ang walang sasal niyang pagbaka sa mga maling pamalakad ng mga kastila dito sa atin, ay nakayakag ng lubhang maraming kaaway ng kanyang mithi, lalong lalo na ng kapisanan ng mga kastila rito sa atin, ano pa't laging dinaliri si Del Pan at mandin ay ipinaghihintay lamang ng isang kataong ikapagbubunto sa kanya ng poot, kaya't niyaong bagong dating dito ang Heneral Primo de Rivera, ay naglayag si Del Pan at tumungo sa Espanya, at nakipisan doon sa mga punyagi ng ating mga Arejola, Ilustre, Gabladon, Artigas, at iba pang kababayang pawang naglalamay sa ikapagtatamo ng mga kaluwagan ng ating Inang Pilipinas.
Nang ang Espanya at Amerika, ay magpahayagan na ng digma, at sa Espanya ay itatag ang isang Lupon na pinamagatang Comite Filipino, siya ang napiling Pangulo ng nasabing kapisanan na binubuo ng mga batikang manghihimagsik. Niyaong 1899 ay lumipat sa Hongkong upang pumisan sa Comite Central at di nalaunan at isinugo sa Amerika, na kunsaan nagpasikat na lalo ng pagsasakit sa ikapagtatagumpay ng dakilang mithi ng bayan.
Nanumbalik sa Pilipinas niyaong 1903 upang mabuhay ng tahimik sa panunungkulang abogado, nguni't hinihingi sa kanyang muling magsulit ng Corte Suprema, at ang gayo'y ginampanan niya at nakakuha ng isangdaang punto, kataastaasang bilang sa pagsusulit na matatamo sa gayong pagsukat ng kakayahan. Ang kanyang pangalan sa pagkaabogado ay nagsikip sa Pilipinas at siya ay naging kapisan ng bupeteng lalong bansang na nakilala sa tawag na Del Pan, Ortigas, Pischer. Siya ay isa sa pinagsangguniang lagi ng Pamahalaan sa pagbili ng mga lupaing praile.
Hindi nasiyahan nang maging siya ang sanhi ng pagkakatatag ng Colegio de Abogados at ninais na dagdagan pa ng isang lalong malaking likha, at kanyang sinikap na magkaroon tayo ng Camara de Comercio de Filipinas at ang gayo,y naging isang pangyayari.
Bilang kinatawan ng Lapiang Union Nacionalista, ay linagdaan niya niyaong ika 12 ng Marso ng 1907 ang katibayan ng pagiisa ng mga Lapiang Union Nacionalista at ng Independista upang makilala na lamang sa tawag na Partido Nacionalista, at ang saligan ng nasabing bagong Lapian ay masasabing halos nagbuhay sa kanyang bantog na panitik.
Ang pagkakaisa ng mga kapisanan sa Pilipinas, maging sa kalakal, kapamayanan at Politika, ay siyang laging pangarap ni Del Pan.
Bilang pagkilala sa mga katangian ni Del Pan ay ihinalal siya niyaong Septiyembre ng 1909 upang maging kasangguni ng Comite de Coodificacion na pinangunguluhan ng Mngl. na Manuel Araullo, ngayo'y kasalukuyang Pangulo ng Pinakamataas na Hukuman dito sa Pilipinas. Sa Lupon ng pagsisinop na ito ay kanyang ibinunyag ang mga lalong maselang na pagaaral tungkol sa Derecho Penal at nangailangan siyang maglakbay sa boong daigdig upang pagtuladtularin ang mga batas na nauukol sa bagay na yaon. Ang kanyang mga palagay at hinuha tungkol sa Derecho Penal ay pinapurihan ng bantog na Pangulo noon ng Mataas na Hukuman, ang Mngl. na Cayetano Arellano.
Sa ibabaw ng lahat ng tagumpay na ito ni Del Pan, ay lumasap din naman ng mga lalong masasaklap na upasala ng mga mainggitin, at siya ang naging tudlaan nang mga may likha ng paghahating Filipino de Cara y Corazon na puminsala ng gayon na lamang sa mabuting lakad ng ating mga pagkating politiko.
Nariyan ang isang tao, na baga mang sa kanyang mga ugat ay malinaw na dugong kastila ang nananalaytay, at bahid ma'y walang pagkapilipino matangi sa kapalarang dito makakita ng unang liwanag, ay ubos kayang nagpunyagi, sa ikauunlad ng kanyang Bayang Tinubuan, sa ibabaw ng mga upasala ng mga karugo, at mga kalupain man.
Mga taong gaya ni Del Pan ay di dapat mahimbing sa limot. Karapatdapat sa pagturing ng mga kalupain sa Pilipinas na kanyang ipinagmamalaki; nitong Tinubuang Lupa na pinagubusan niya ng utak at sikap, upang makasapit sa isang tunay na pagkakaisa sa pagtuklas ng mga mararangal na mithi. Maging pagturing ang mga talatang ito sa kanyang kapuripuring halimbawa.
Ang kahulihulihang Bantayog na iniwan ni Rafael Del Pan sa Tinubuang Lupa at ang Codigo Correccional na kumakalinga sa mga katuwiran ng mga kulang palad na nagdurusa.