Purmassuri

Noong unang panahon sa Isla ng Sulu ay may isang kabigha-bighaning prinsesa na nagngangalang Purmassuri. Nagtataglay siya ng mabuting kalooban, dagdag katangian pa niya ang pagiging matapang at buo ang loob. Walang lalake ang hindi nabibihag ng kanyang ganda. Tila nagagayuma ang bawat lalaking makakita sa kanya.

Noong panahon ay naging malaking problema ng mga moro ang mga dayuhang kastila. Likas na maibigin sa kalayaan ang mga moro, ayaw nilang pasakop kaya gusto nilang palayasin ang mga dayuhang puti.

Nagsanib na ang puwersa ng mga kawal ni Siri Kala at ni Sigalo, nagbalak silang lusubin ang mga Kastila subalit nag-aalangan pa rin sila. Alam nilang wala silang panalo sa mga makabagong sandata na gamit ng mga kastila. Maliit ang tsansang manalo sila.

Sa pagkakataong iyon ay ginamit ni Purmassuri ang kanyang kakayahan. Nakipag-ugnayan muna siya sa mga mrong mandirigma bago nagsadya sa kuwartel ng mga sundalong Kastila. Sadyang pinaghandaan niya ang pagkakataong iyon. At tulad ng kanyang inaasahan nabighani at naakit sa kanyang kagandahan ang mga kawal na Kastila. Nilibang niya ng husto ang mga ito.

Sinamantala ng mga morong mandirigma ang magandang pagkakataon, sinalakay nila ang kuwartel ng mga sundalong Kastila. Sandaling labanan lamang ang naganap at napatay lahat ang mga kawal na puti.

Pinatunayan ng kuwento ni Purmassuri na ang mga babaing Pilipina ay handa ring magpakasakit alang-alang sa ikalalaya ng kanyang lupang sinilangan.