Noong unang panahon, ang Pilipinas ay binubuo ng maraming kaharian. Bago pa man dumating ang mga Kastila ay may isang bantog na kaharian na kilala sa tawag na Pangasinan.
Ang kaharian ay pinamumunuan ng isang babae na nagngangalang Prinsesa Urduja. Siya ay isang prinsesang may kahangahangang talino. Malawak ang sakop ng kanyang kaalaman. Magaling siyang sumulat at magsalita sa iba't ibang wika. Matapang din siya at magaling mamuno. Lumulutang ang likas niyang talino pagdating sa aktuwal na labanan.
Marami ang humahanga sa ganda ng kanyang palasyo. Napapaligiran ito ng iba't ibang magaganda at walang katulad na palamuti. Maibigin siya sa magagandang bagay, kaya naman maging siya ay nakabihis ng maganda at nagsusuot din siya ng iba't ibang mamahaling palamuti. Maging ang kanyang mga tauhan ay magaganda rin ang bihis. Isang araw ay may naging panauhin ang kanyang kaharian, isang manlalakbay na Arabo. Tinanggap niya ito ng buong lugod at pinakiharapan.
Hindi maitago ng panauhin ang paghanga sa mga mamahaling palamuti sa loob ng palasyo. Nagsasalita ito sa sariling wika, hindi inakalang mauunawaan siya ng kaharap na prinsesa, subalit ganon na lamang ang pagkagulat ng bigla siyang sagutin ni Prinsesa Urduja sa wikang Arabo. Lalong naragdagan ang paghanga ng panauhin. Maraming lalaking may dugong mahal ang naghandog ng pag-ibig sa kanya. Sinabi ng Prinsesa Urduja makakamtan lamang ang kanyang pag-ibig kung may tatalo sa kanya sa isang labanan.
Walang sinumang nangahas lumaban sa takot na baka matalo, isang napakalaking kahihiyan para sa isang lalake kung madadaig ng isang babae lang. Lahat na naghangad sa kanyang pag-ibig ay nagsibalik sa kanilang pinanggalingan.
Hindi na nag-asawa pa ang prinsesa, iniukol na lamang ang buong panahon sa pamamalakad sa kanyang kaharian. Lalo naman siyang napamahal sa kanyang mga nasasakupan.
Namatay siyang isang dalaga.