Inalo sa duyan ng kariwasaan at tunay na Maginoo, sa lawak ng katuturan ng karangalang ito, maging sa sariling bahay, at maging sa kapamayanan, kaya't lahat ng sinulat ng mga banyaga tungkol sa karangalan at katangian ng kababayang ito, ay nagbabansag ng walang patumanggang pagpaparilag sa kanya dahil sa pagwawaldas ng kanyang kayamanan, sa ikatatagpo ng mga kaibigang makakatulong, sa minana niyang katutubong ugali na mahalin at ipagtanggol ang karapatan ng Bayan Tinubuan.
Ani Retana, ang Prinsipeng Tagalog na ito, sa kanyang mga piging na walang katulad, ang mga kasangkapang pawang gintong lantay ay paubaya niyang ihinahandog sa mga panaohin niyang nagsasamantala ng mga gayong mga pagtitipon, upang bilang pabalutan ay mataglay ng bawa't may ibig ang kanyang mga gintong gamit.
Ang kanyang kagalanggalang na ama sa pangyayari, niyaong 1872 na ang kabantugan at karangalan ng Tatlong Pare, na pawang kababayan natin ay napasangkot at nabitay, ay naghandog ng dalawang puo't limang libong piso upang maligtas lamang sa bibitayan ang tatlong banal na pawang walang sala.
Nang mga panahong yaon ang libong piso ay lubhang malaking bagay, at ang handong na yaon ay sukat upang ang mga Gobernador na hindi lubhang maingat sa karangalan, ay madalas mapagalaw ng salapi, nguni't ang naging bunga ng gayong banal na handog ay ang sampuo ng kanyang kalayaan ay sumapanganib at mabilang siya sa mga ipinatapon sa naging mahabang buntot ng himagsikang kawal na yaon na nangyari sa Kabite niyaong 1872.
Lulan ng Sasakyang Flores de Maria ay ipinatapon sa Marianas ang mga Gg. Agustin Mendoza Jose de Guevarra, Miguel Laza, Feliciano Gomez, Anacleto Desiderio, Vicente del Rosario, Toribio H. del Pilar, Mariano Sevilla, Justo Guazon, Pedro Dandan, Antonio Ma. Regidor, Joaquin Pardo de Tavera, Mauricio de Leon, Jose Basa Enriquez, Pedro Carrillo, Gervacio Sanchez, Balbino Mauricio, Jose Basa, Ramon Maurente, Pio Basa at Maximo Paterno.
Tungkol kay G. Pedro Paterno ay sinabi ng kaunaunahang Gobernador Civil dito sa Pilipinas na naging Pangulo ng Estados Unidos na si Mr. William H. Taft at kasalukuyan ngayong Pangulo ng Pinakamataas na Hukuman sa Amerika, na: Si G. Pedro A. Paterno, anya, ay isang politikong pilipino na sa aking mga nakilala ay bugtong sa lahat na hindi ko kinaringgang magsabi nang ano mang masama na ukol sa iba.
Nang kasalukuyan siyang nabibilanggo sa makasaysayang kalle Anda, loob ng Maynila, at nang ang mga pulutong ng mga kawal ng Himagsikang ay nagpapahirap ng gayon na lamang sa mga kawal na amerikano na naglagak na ng isang mahalagang buhay ng isa sa matatapang niya at napabantog na Heneral na si Mr. Lawton, sa mga lawak ng San Mateo, Rizal, ay inakala ng Heneral McCartur na gamitin ang kapangyarihan ni G. Pedro Paterno, upang ang kapayapaan ay lubusan nang maghari, nguni't ang gayong nasa ay walang sinapit, at ang mga pulutong ng naghihimagsik ay nagpatuloy ng kapupuksa sa mga kalaban ng kanyang kalayaan.
Si G. Pedro A. Paterno ay sumilang sa mayamang bayan ng Santa Cruz, Maynila, liping Tagalog ng mga Lakan, na buhat sa kaugatugatan ng kanyang lipi ay likas na mairugin sa ikagagaling ng Bayang Tinubuan.
Isang anak nitong Maynila na sumilang niyaong taong 1858, ika 27 ng Abril, ang aming pinaguukulan gayon nitong munting halaw ng kanyang pagkatao, bilang putong sa kanyang mga punyagi na ang liping Tagalog ay malagay sa isang kalagayang karapatdapat sa kanyang pagkabansa.
Ang una niyang pagaaral ay sinimulan sa Ateneo Municipal magbuhat sa gulang na siyam na taon, at noong taong 1871 ay natapos ang kanyang pagaaral doon; lumipat siya sa Paaralang-madla sa Salamanca at nagaral ng Filosofia, Teologia at Leyes Canonicas at kanyang tinapos sa Universidad Central de Madrid na kanyang tinanggapan ng katibayang Doctor.
Sa pagkamanunulat si G. Pedro A. Paterno ay napatangi rin at dahil doon ay ginawaran siya ng Gran Cruz de Isabel la Catolica isang tuson na di madaling tamuhin at nagbubukas sa may taglay noon ng Gusali ng dakilang Hari sa España.
Nang manumbalik na muli rito sa bayang sarili, at sapagka't siya'y matalik na kaibigan ng dakilang Tagalog, niyaong bayaning taga Kalamba, ay pinagtangkaan siyang isangkot sa mga kilusang tungo sa pagtiwalag, nguni't sa mabuting sandali ay hindi nagtagumpay ang gayong nais at ang kanyang kaya ay nangkapanahong maihandog niya sa mga kapakanan ng Bayan.
Nang ang nagiinapoy na Himagsikan niyong 1896, ay kasalukuyang lumalaganap, at ang kapangyarihang tagaganap ng Gobernador Heneral na si G. Fernando Primo de Rivera, ay di makaapula, si G. Pedro A. Paterno ay inatasan ni Heneral Primo de Rivera, niyaong Disyembre ika 15 ng taong 1897, na maging sugo ng Pamahalaang kastila, upang makipagkasundo sa nangaghihimagsik, at ang Pacto de Biak na Bato ay tinamo niya sa mga Pamunuan ng Himagsikan niyaong ika 9 ng Agosto ng taong 1897.
Sa gayong bunga ng kanyang sikap ay nakapaglingkod siya sa dalawang kapangyarihan, sa Inang España at sa Inang Pilipinas.
Ang kasaysayan ay magtataan sa kanya ng mga ginintuang dahon tungkol sa bagay na ito.
Niyaong ika 15 ng Septiembre ng taong 1898 ang Kapulungang Pilipino ay nagdaos sa Barasoain, Bulakan, ng isang Sangguniang binubuo ng siyam na puong kasanguni, pili sa lahat ng pook, maging sa karunungan at katangian. Binubuo ang Sanguniang yaon ng apat na puong abogado, labing anim na medico, limang farmaceutico, dalawang ingeniero, isang pare, mga mangangalakal at mga tanging hugot sa mga tanyag na taong bayan; sa kapulungang yaon ay nahirang si G. Pedro A. Paterno na Pangulo ng Sangunian.
Nang ang mga kastila ay talunin ng mga amerikano sa dagat, at ng mga manghihimagsik sa katihan, sa isang di maiiwasang pangyayari, ang magkalutong na ito sa pagguguho ng kapangyarihang maka hari ay siyang nagkalaban. Sa pulong na idinaos sa Bagong Ecija, ay nahirang, si G. Pedro A. Paterno na sugo ng Pamahalaang Pilipino, upang makipulong kay General Otis, at doo'y tamuhin ang autonomia, nguni't hindi niya inabot na makapulong ang Punong Hukbo ng mga amerikano. Ihinalal siyang pamuli sa pangalawang Lupon sa gayon ding layon, at siya ay nakarating rito sa Maynila na sinalasa ang hangahan ng kamatayan; nguni't di niya ipinagtagumpay ang layuning kanyang sinadya sa mga Pamunuang amerikano.
Umurong siya na kasama ng mga naghihimagsik hanggang Trinidad, Benget, na kinabihagan sa kanya ng mga kaaway.
Bunga ng walang pagal niyang panitik ang mga sumusunod: Ang Dating Kabihasnan Ng Mga Pilipino, Ang mga Tagalog Sa Kasaysayan ng Sandaigdigan, Ang mga Salaysay ni Pare Placencia tungkol sa Kapakanakan ng mga Kristiyano, at mga iba pang di mabilang na mga babasahing bayan.
Niyaong Agosto, ika 16 ng taong 1902, ang Dulaang Tagalog ay dinalaw ng isa niyang mainam na opereta na pinamagatang: Sandugong Panaginip. Ang tugtugin ng marikit na tanghal na ito ay utang sa Gurong si G. Bonus. Kun saan mapagkikitang sa gitna ng kanyang mga tagumpay ay di niya nalimutan ang sariling wika.
Niyaong 1900 na ipahayag ni General Mc. Artur, ang amnistia, ay sumailalim siya noon, at naging masugid na tagapamayapa, matapos tamuhin ang kanyang kalayaan.
Naging Guro si G. Pedro A. Paterno sa Paaralang Liceo de Manila at kanyang inihayag ang kanyang Ang Bagong Ayos ng Municipio sa Pilipinas at ang Pamahalaang Bayan.
Si G. Pedro A. Paterno ay naging Sugo sa Unang Kapulungang Bayan at naging masugid na katulong ng ating mga mambabatas. Namatay siya niyaong Abril ng taong 1911 nang di man napahiwalay sa pagka Guro sa kaunaunahang Paaralang Pilipino na nakilala sa tawag na Liceo de Manila.
Ang salaping tinamo niya sa mga kastila dahil sa kasunduang ito, ay siyang ipinamili ng sandatang ginamit sa pangalawang bugso ng Himagsikan niyaong 1898.