Ang paguukulan natin ngayon nitong ilang kataga ay anak ng makasaysayang Naic, lalawigan ng Kabite, niyang lalawigang nagiingat ng mga kilusang pawang tungo sa ikauunlad at ikatitimawa ng bayan natin sa kapangyarihang banyagang nakasasakop.
Ipinanganak si mang Pascual, gaya ng karaniwang tawag sa kanya, niyaong ika 17 ng Mayo ng taong 1857. Buan ng mga bulaklak palibhasa ang kanyang isinilang, kaya't ang kanyang diwa ay namumulaklak din naman sa saganang mga likha na pawang ngayo'y pinakikinabangan na ng kanyang mga kababayan.
Wala ng taong gaya niya marahil anang Taliba niyaong ika 7 ng Pebrero ng 1921 saganangsagana sa isip ng sarisaring akala at balak. Ang Monumento kay Rizal sa Luneta, ang pagtatatag ng pangkating independista, ang pagkakaroon ng sariling Bangko, ang pagpapadala ng mga pensionado sa America at marami pang balak diyang ngayo'y isa nang katotohanan, pati na nitong Pagdiriwang sa ikaapat na raang taong pagkakatuklas sa Pilipinas ay pawang galing sa kanyang utak. At walang kilusang nababago nang di siya kahalo.
Isang katotohanang hindi matatawaran na ang lahat halos ng malalaking kilusan sa pagunlad ng Pilipinas ay may kinalaman ang ating si mang Pascual, maging sa mga kilusan sa kapamayanan at maging sa nauukol sa sariling wika, lalo na sa ating Pamahayagan na maituturing na si Poblete ay ama nito sa paglalaganap rito sa ating lupian.
Ang kanyang unang tudling na pambukas sa puso ng ating bayan ay ilinathala niya sa La Oceania Española niyaong taong 1879 nang kasalukuyan pa lamang siyang tumatahak sa gulang na 22 taon, at sa Pahayagang ito ay naglingkod siya hanggang sumapit ang taong 1889; sampuong taong sinkad.
Buhat sa Pahayagang yaon niya binuko ang pagkakaroon dito sa Pilipinas ng isang Pahayagang dalawang wika: Kastila at Tagalog at salamat sa pasisimuno ng dakilang Marcelo H. del Pilar ay itinatag ang Pahayagang Diariong Tagalog niyaong 1882, ika 2 ng Mayo, na kung saan nagpasimula ng paghahasik ng mga binhing mapapakinabang na baga mang di kinalugdan ng mga kastila ng panahong yaon ay nagtamo naman ng pagkakaliga ng mga kababayan natin.
Ang Diariong Tagalog ay siyang tanging tagapamansag ng mga mithiin sa isang bagong pangaraping kahilihili at sa Pahayagang ito ilinathala ng Dakilang Tagalog, si Gat Rizal, ang kanyang Amor Patrio, at dito rin naman nangagsilapi ng pagtataguyod ng dakilang adhika, ang pinakamaraming mairugin sa sariling kalayaan, at sa dahong Tagalog nito sumulat at naglaganap ng mga bagong tanawin sa ating bukas noon, na ngayo'y tinatamasa na, ang marilag na si Pascual H. Poblete.
Naging tagapangasiwa ng Revista Popular at manunulat din naman dito, na kanyang pinaglathalaan ng lalo niyang mapapakinabang na mga tudling tungkol sa mga karaniwang karunungan na dagliang naisasagawa sa bahay, at sa katotohanan, ang Pahayagang yaon ay munakala niya, kaya't ang ating Plaridel ay kinatulong din naman niya rito sa paglalathala ng mga tudling na may kinalaman sa mga babae at sa mga Paaralang bayan.
Naging manunulat at tagapaghulog sa ibang wika ng Pahayagang Revista Catolica de Filipinas at ng Patnubay ng Catolico at isa rin sa nangagtatag nito at masugid na tagapaglaganap ng mga karunungan, sining at hanap buhay.
At pinapalad mandin sa anyayang yaon ng mabuting Tala, kaya't sa kaunting naiimpok na salapi sa kanyang mga Pahayagan ay panibago na namang minunakala ang isang malayang Pahayagan na pinamagatang El Resumen, sa Pahayagang ito naipakilala ni Poblete ang kanyang katusuhang manlinlang sa mga nakaabang na taliba ng Censura, sapagka't nagawa niyang makapaghandog ng mga kalugodlugod na tudling na tumatawag sa pintuan ng diwa ng kanyang mga kalahi, nang di man siya napansin ng mga kaaway ng ating kasarinlan.
Walang alinlangang matitiyak na ang El Resumen ay siyang naglagay ng matibay na saligan ng ating paghihimagsik, gaya ng pinatutunayan ng mga katagang ito na kanyang ilinathala niyong ika 12 ng Hunyo ng 1892: Maganglalapi tayong nagangkakaisa sa usaping sarili at bakahin natin ang mga kabalbalan at paghihinala niyaong mga nagnanasang ang lalawigang kastilang ito ay maging kutang luma ng matandang kaugalian, at di man nila nagugunita na ang di mapigilang pagunlad, sa kanyang banayad na kilos ay nagbubukas ng landas sa lahat ng dako at ginigipo ang sino mang sa kanyang paglakad ay sumagabal.
Itinatag din naman niya ang El Bello Sexo niyaong Enero ng 1891, at niyaong ika 11 ng gayon ding buan ng 1893 ay lumuwal sa maliwanag ang isa pang Pahayagang kanya ring likha na pinamagatang El Hogar at naging katulong ng balitang Pliegong Tagalog na nagbabansag ng lalong mahahalagang pagbaka sa ating mga kaaway.
Nang siya ay ipatapon sa Espanya, ay naging manunulat ng El Progreso naging katulong sa El Pais at sa Pahayagang pilipino roon na may pamagat na Revista de Ultramar na ilinathala sa kakastilaan ng kilalang bibliografo na si G. Manuel Artigas y Cuerva.
Napakamahimala ang pagunlad ng ating bayan ng mga panahong ito na sa isang iglap lamang halos, ay nagipo ang tatlong daanang taong kaalipinan at niyaong 1889 na muling magbalik sa lupang sarili, si mang Pascual, ay naglathala ng isang bagong Pahayagang pinamagatang El Grito del Pueblo at Ang Kapatid ng Bayan na tumagal hanggang taong 1907 at sunodsunod na itinatag ang Rizal, Aurora at Filipinas mga lingguhang napabansag din, at pagkatapos ay ang revista Cervantes.
Sa pagkamandudula, si mang Pascual ay naging isang tala na lubhang maningning, siya ang may akda ng Dr. Jose Rizal El Concejo de los Dioses, na kanyang ipinalimbag at linagdaan ng pamagat na Lopez Blas Hucapte (Pascual H. Poblete); at sa pagtatanghal ng kanyang Ang Pagibig sa Tinubuang Lupa (El amor Patrio) ay sinagasa sa tanghalan ng nasirang si kapitang Lara ng Policia dito sa Maynila ang tagpo na pinagtatanghalan ng ating kaakitakit at pinagpalang watawat, at hinandulong ang maningning (artista) na may hawak noon, at sinambilat na walang patumangga ang tatlong kulay na kumatawan sa ating kabansaan, at si mang Pascual ay dinakip na gaya ng isang salarin dahilan sa kanyang Pagibig sa Tinubuang Lupa na itinatanghal at kinagiliwan ng madla.
Talagang ang magigiting ay di natatahimik at kayakap na lagi ng mga katiisan; niyaong gabing yaon ay tinahak na naglalakad ang mga lansangan dito sa Maynila, na naaakibatan ng mga pulis at ihinarap siya sa tanggapan ng Heneral Otis.
Kinakailangan ang isang katigasan ng loob na di karaniwan upang ang mabuting gawa ay maipatuloy nang mga panahong yaon, at si Poblete ay di nabalino muntik man, laging patuloy na animo ay walang panganib.
Hindi pa mandin nanghihinawa ang diwang yaon na mapaglikha at niyaong ika 30 ng Disyembre ng taong 1913 ay pinaluwal sa maliwanag ang Dia Filipino na kung saan napalathala ang mga walang kamatayang bunga ng panitik ng ating dakilang Rizal. At di pa sukat ang lahat ng nabanggit, ay ilinathala pa rin ng kanyang mayamang diwa ang La Exposicion Oriental de Filipinas, ang Credito Agricola at El Oriente mga Pahayagang kinalulanan ng kanyang mga walang pagal na pagwawari hanggang sa ang kamatayan na di man nagugunita ay dumalaw sa kanyang tahanan upang ulilahin ang labingdalawang anak at isang banyagang aliw at kasayahan.
Ito'y nangyari isang tanghaling mainit ng Pebrero, ikalimang araw ng taong 1921, sanhing ang lahat halos ng Pahayagan ay parang ginimbal sa di inaantabayanang pangyayari, nangagputos ng luksa ang boong bayanang matalino at sampuo ng mga kastilang dating mga kaaway ay nangagsiluha rin gaya ng lathala ng El Mercantil na anya: Era un gran talento y un enorme trabajador, y ha hecho por su Patria obra fecunda con el pensamiento y con la pluma, con la voluntad y con la accion. Si la justicia fuese moneda corriente en el mundo esta desgracia promoveria un duelo nacional.
Sa lubhang maraming Pahayagang kanyang linikha, itinatag at pinaglaganapan ng kanyang mga kaisipan ay maidaragdag ang mga kathang sumusunod:
Pagsisiyam sa Nuestra Señora de Loreto, Buhay ni San Vicente de Ferrer (hango sa Flos sanctorum ni P. Rivadeneira) Uliran ng Kabaitan o Buhay ni Patricio Horacio, Buhay ni San Isidro Labrador; tinagalog ang Noli Me tangere at Filibusterismo ni Dr. Rizal; sinulat ang Patnubay ng Pagsinta ... Lucrecia Triciptino at iba pang lubhang maraming matutukoy.
Gaya ng dapat mangyari si Poblete ay hindi tumakwil sa pagnanasang magsarili ang ating bayan gaya ng pinatutunayan ng lahat niyang lathala, kaya't di rin naman naligtaan ng mga kaaway natin, nang ang unang hiyaw ng laya ay saliwan na ng mga hagunot ng punglo sa Balintawak, at si Poblete ay kagyat ipinadakip at ilinulan sa bapor Manila upang ibilanggo sa Seuta, hanggang sa mga unang araw ng Enero ng 1897.
Sa kanyang pangarawaraw na tala ay nababasa ang gayari: Sa loob ng 37 araw na aming ipinaglayag ay natatalian ako ng abot siko.
Pinaguukulan nga namin ng munting ulat na ito ang ama ng Pahayagan sa Pilipinas, ang walang pagal na manlilikha at diwang walang sawa sa pagmumunukala ng agarang ikatutubos ng Bayang Tinubuan.
Nariyan ang isang maningning na huwaran ng mga nagsisisibol.
Kung isang araw ay makasapit kayo sa Libingan sa Hilaga at ang bantayog kay Poblete ay inyong makita, ay alalahaning ang mga labing doo'y nalilibing ay ang labi ng isang tapat na anak ng Tinubuang Lupa.
Sa kanyang alabok nawa, na muling nanunumbalik sa pinanggalingan, ay sumibol ang lalong kawiliwiling simoy na makayayakag sa inyo na siya ay uliranin tuwi na.
Siya ay isang mabuting ama, tapat na asawa at mabuting anak, at higit sa lahat ng ito, siya ay isang mamamayang kahilihili.