Isa sa mga lalong paham na tao niyaong nagsasapol ang daanang taong lumipas, si Pare Pedro Pelaez, Doctor en Teologia, na, paguukulan ngayon nitong sapyaw na ulat, bilang pabunyi sa kanyang kadakilaan at mga paglilingkod sa Tinubuang Lupa, sa abot ng galawan ng kanyang pagka Pare.
Sa matulang lalawigan ng Laguna ay dito sumilang ang marilag na si Pare Pedro Pablo Pelaez, at anak ng mga litaw na tao. Ang kanyang ama ay kasalukuyang Alkalde mayor niyaong ika 12 ng Hunio ng taong 1812, na siya'y iluwal sa maliwanag. Inalo nga si Pare Pedro Pelaez sa duyan ng kaginhawahan; nguni't sa buhay na ito ng mga pagbabago ay kanyang dinanas ang lahat ng mga dapat danasin ng mga laruan ng palad at siya'y naulila sa maagang panahon ng kanyang kabataan at, wala namang gaanong naiwan sa kanyang pamana, ang amang pumanaw, kaya't sa panahon ng kanyang pag-aaral ay di gagaanong pagsasakit ang kanyang tinawid bago namulat ang kanyang kutad na muni sa malawak na galawan ng karunungan.
Maglalabing isang taon pa lamang siya ng masok sa Paaralang Santo Tomas sa pamamagitan ng beca dahil sa karangalan ng kanyang mga magulang at ang panahon ng kanyang ipinagaral, ay siyang naging saligan ng pamagat sa kanyang Pantas at Dalubhasang Pare, na iginawad sa kanya sa panahon ng kanyang pamamayani sa buhay na ito ng mga dalamhati.
Boong kasyahang loob na tinamo niya ang katibayang Bachiller en Fiosofia, Bachiller en Teologia, at Licenciado en Teologia; Kaparahunan noon ng balitang Pantas na Paring kastila na si R. P. Francisco Ayala, di nalaunan at tinanggap ang katibayan sa pagka Doctor en Teologia, kataastaasang karunungang mahihintay na kamtin ng isang Pare.
Dahil sa di niya karaniwang kapahaman ay nakasapit siya sa Koro ng Katedral at tinanggap siyang Canonigo de Gracia, nguni't hindi niya naaming siya'y mamalagi sa gayong parang limos na katungkulan at siya'y lumaban ng paligsahan, at tinamo niya ang pamagat na Canonigo Magistral.
Siya'y may mga kalilihiling mga sermon na lubhang hinangaan at kanyang ipinalimbag sa Madrid niyaong 1860, sa kahilingan ng kanyang mga kasamahan na nagnanasang magingat ng kayamanang yaon ng kanyang diwa.
Sa pagka Predicador ay napabantog ng gayon na lamang si Pare Pelaez, at sa kanyang walang tilang pagaaral ay tinamo niya ang mga katungkulang Juez Apostolico, Comisario Subdelegado de la Santa Cruzada at Vicario Capitular en Sede Vacante sa Siudad ng Maynila. Anang isang pahayag ng La Patria tungkol sa Pareng ito: Ang mga karapatdapat na mga Prelado na sina Ecmo. SeƱor D. Jose Segui at Jose Arangoren ay nagpahalata tuwi na ng pagtatangi sa kakayahang hindi karaniwan ng mga hiyas na ito ni Pare Pedro Pelaez, at itinangi siyang pinangsanggunian tuwi na, lalong lalo na ng Preladong si G. Arangoren at siya ang kalihim nito.
Yaong dakilang utak na napabantog at nagtaas ng gayon na lamang sa kanyang lipi, ay pininsala niyaong lindol ng taong 1863 nang gumuho ang Katedral. Namatay siyang gaya ng isang bayani sa kapanahunang ang kanyang karilagan ay sumisikat, nguni't ang kanyang alaala ay laging sariwa tuwi na sa kanyang mga kababayan. At sa Universidad de Santo Tomas bilang alaala sa kanyang kadakilaan ay ginawang pahiyas ang isa niyang malaking larawan, sa kanilang Galeria de Ilustres personalidades na iniingatan sa bulwagan ng nasabing Paaralan, bilang tanglaw marahil sa nangagsisipagaral doon.