Hindi maaaring sulatin ang kasaysayan ng Pilipinas nang di mababanggit ang pinagpalang pangalan ng Paring Tagalog na ito, yayamang sapol pa ng himagsikan tungkol sa mga lupain niyaong taong 1822, ang pangalan niya ay sinambisambitla at naging parang ugat ng sasakyang nagpapanuto sa mabuting landasin.
Sa kanya utang ang pagkalutas ng himagsikang yaon na kanilang linagdaan ni Luis Parang, at ang malaking usapin ng mga paring Tagalog, na kanyang ipinagtanggol ng ubos kaya at pinaggugulan ng di kakaunting salapi upang ipagtagumpay sa Espanya, yayamang sa mga Hukuman dito sa Pilipinas nang mga panahong yaon, ang katuwiran ay isang balita lamang na di tinatamasa ng mga tubo sa sinawing lupain natin.
Tunay at ipinagtanggol niya at ipinagtagumpay sa Pangulong bayang nakasasakop sa atin, ang usapin ng mga paring Tagalog; subalit gaya ng lahat ng tagumpay ng mga bayang nasasakupan, ay naging tagumpay na panandalian na di man lamang nasamantala, ang panunumbalik ni Heneral Garcia Camba at ni Matias Vizmanos, sapagka't sa loob lamang ng isang taon at kalahati na itinigil dito sa Pilipinas ni Heneral Camba, ay nagawa na ng mga kaaway ng Clero na yaon ay palitan ni Heneral Ora, na may mga simulaing tiwali at di makapagtutulot na ang pagunlad ay manatili sa Pilipinas. Buhat noon maging si Vizmanos at maging si Pari Mariano Gomez, na pinaguukulan namin nitong ulat, ay nangapilitang manumbalik sa pagpapahinga muna, yayamang ang lupa ay hindi handa sa mga mithi ng bayan.
Buhat sa isang mariwasang angkan, si Pari Gomez ay kumita ng unang liwanag sa bayang Sta Cruz, Maynila, at umano ay buhatan sa isang angkang Hapon na napilitang pumanaw sa Pilipinas at dito ay naiwan ang kanilang asaasawa at mga anak niyaong daanang taong XVII.
Sa pagka Pari, si Gomez ay napabantog ng gayon na lamang sa pagkamabuting magpasunod, at anang mga pinagsanggunian namin, umano ay nang siya'y dakpin sa Bakood at ilulan sa isang palangkin, ay ninasa ng kanyang mga kapanalig na siya ay agawin sa mga kawal, nguni't napakalaki ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga tao, kaya't sukat ang kanyang pagkakasungaw sa sasakyan at sabihing Babalik ako agad sa inyong piling ay mapayapang nangagihimpil ang talagang mangagsisiagaw sa kanya sa kuko niyaong mga ganid.
Sa imbakan ng mga mungkahi sa Katedral, ay naiingatan pa hangga ngayon ang kanyang mga bungang isip sa kanyang mga pasya, na pinakapuri ng lubhang maraming dalubhasang kapanahon at anang iba, ay sa tatlong binitay niyaong Pebrero ng 1872, ay si P. Gomez ang pinaka paham.
Tungkol sa katampalasanan ng sa kanila ay pagkakabitay ang ating Kahangahangang Lumpo ay nagukol sa kanila ng gayaring kataga: Ang bayang ito na nahimbing na daanang taong at di man lamang nagpapamalay na may buhay, at lubhang marami ang naniwalang patay na nga, ay sinugatan ng sugat na pampatay; at sa pagdamdam ng sugat na ito ay nagulangtang, nagising, at natahong siya ay buhay pa pala ay may karamdaman. Bakit siya buhay, paano nabubuhay at sa ano nabubuhay?
Mga suliraning hininog at boong kataimtimang ginunamgunam nang di natiyak na tugunin, nguni't ang mga bayan ay di lumulutas ng mga suliranin nang agaran, at ang sandali ng paglutas ay sumapit, ang paghihimagsik ay sumupling; sapagka't ang binhing kanilang dinilig ng kanilang mahalagang dugo ay nahulog sa mabuting lupa, ang marubdob na pagsamba sa kalayaan ay muling dinamdam ng bayan natin.
Bilang parangal sa Tatlong Pareng binitay niyaong 1872 ang mga Katipunan, niyaong 1896, sa kanilang pagpapakilalanan ay binabanggit ng mga taga ikalawang hanay ang gayari: Gom-Bur-Za, banal na palitang salita na nagpapaningas ng puso, na nagbabansag ng mga unang pantig ng tatlong dakilang pangalan.
Isang Bantayog ang nitong mga huling kilusan ay itinayo sa bayan ng Bakood, bilang parangal sa kanyang pangalang di nalilimot ng kanyang mga kababayan.
Maging diwa nawa ng bayan nating pinagsusungitan ng palad ang tilamsik ng iyong diwa oh dakilang Martir ng mga usaping bayan!
Tatapusin namin ang ulat na ito sa ilang kataga ni Dr. Rizal sa Filibusterismo na anya:
Ang pananampalataya sa pagtangging kayo'y dustain, ay naglagay sa alinglangan ng kabuhungang sa inyo'y ibinubuhat.
Ang Pamahalaan sa pangsisikap na ligirin ng himala ang inyong usapin, ay nagpapatunay ng ano mang kamaliang kanilang nagawa sa usaping yaon sa mapanganib na sandali, at ang boong bayanang Pilipinas, sa pagtingkala sa inyong alaala at pagtawag sa inyong Martir, ay tahasang di naniniwala na kayo'y may bahid mang kasalanan.