Sa Pilipinas ay maraming dakilang Bayani at sa mga ito ay kabilang ang huwaran ng mga Paring pilipino na si Dr. Jose Apolonio Burgos.
Niyaong ika 9 ng Febrero ng taong 1837, ay sumilang sa maliwanag ang aming pinaguukulan ngayon nitong halaw na dahon ng mga Dakilang Pilipino. Siya'y anak ng Teniente ng Milisya na si G. Jose Burgos at ni Ginang Florencia ni Burgos, sa bayan ng Vigan, Ilokos Sur.
Si Dr. Jose A. Burgos ay naulila sa kamusmusan, at sa marubdob na nasa ng kanyang mairuging ina na ang kanyang muni ay mamulat sa mga dakilang aral, ay sinikap ni aling Florencia na ang kanyang anak ay maipadala sa Maynila, at palibhasa'y anak siya ng isang Pamunuang Hukbo, ang gayong nasa ay naging isang pangyayari sa tulong ng mga makapangyarihan ng panahong yaon. Siya'y tinanggap ng walang gugol sa Paaralang San Juan de Letran.
Ang katalinuhan niyang di karaniwan ay nabunyang at sa tanglaw noon ay kanyang napansin bata pa man ang mga kahidwaan ng pamamalakad sa loob ng Paaralan. Pangulo siya palibhasa ng tanang nagaaral na kanyang kapanahon kaya't kanyang tinutulan ang gayong di niya minabuting napansin, nguni't sa halip na dingin ang kanyang tutol, ay siya'y itinawalag sa Paaralan. Ang unang binhi ng kaapihan ay napapunla sa kanyang puso.
Sa gitna ng gayong kapinsalaan ay naipagpatuloy din niya ang pagaaral sa marunong na Paring si G. Mariano Garcia hanggang siya'y maihandang tanggapin sa Paaralang-madla ni Sto. Tomas. Napatangi siya ng gayon na lamang at sa kanyang mga sikap ay napagkilalang tunay na alagad siya ng Kardenal Ceferino Gonzales, sa karunungan ng Teologia. Sa Paaralang ito niya tinamo ang mga katibayang pagka Bachiller en Filosofia, Doctor en Derecho Canonico at Doctor en Teologia.
Nang matapos ang kanyang pag-aaral sa Paaralang-madla ni Santo Tomas ay nahirang siyang maging Patnugot ng Paaralang San Juan de Letran at guro sa wikang latin, wikang ayon sa mga manunulat ng panahong yaon ay ginagamit niya nang gaya ng paggamit ng sariling wika.
Nang siya'y yumakap ng katungkulang pagka Pare at ang kaunaunahan niyang Misa ay kanyang nganapin ay napilitan niyang bitiwan ang tungkulin niya sa San Juan de Letran, nguni't siya'y ilinipat na Patnugot ng mga nagaaral sa Sto. Tomas, tungkuling hindi niya pinagtagalan at ang hinarap ay ang kanyang pagka Pare.
Si Dr. Jose A. Burgos ay naging pangalawang Kura sa Katedral nitong Maynila, naging Mahistrado at Puno sa Katedral, Tagausig ng Hukumang Eklesiastiko at Pangulong Puno ng pagdiriwang sa Paaralang-madla ni Sto. Tomas.
Nang taong 1767, nang ang mga Paring Hesuita ay palayasin dito sa Pilipinas, noon, ang dako ng Mindanaw ay nasa kamay ng mga Rekoletano, at sa kalagitnaan ng Luson, ay sa mga Paring tubo rito sa Kapuluan; nguni't ng pabalikin sa Kapuluan ang mga Hesuitas niyaong taong 1859 ay siyang isinugo sa Mindanaw at ang mga Rekoletano ay ilinipat sa gitna ng Luson na siyang nasa kapamahalaan ng mga Clerigo o mga Paring tagarito sa ating lupain, ang ganitong panibagong pagkawala ng karapatan ng mga Paring pilipino ay tinanggap ng mga ito na parang isang malaking paglait o paglapastangan sa kanilang karapatan, at ang gayon ay naging simula ng isang pagtutol na pinamatnugutan ng bantog na si Dr. Jose A. Burgos.
Isang kasulatan ang pinasapit sa EspaƱa na humihingi ng katarungan para sa mga Paring napinsala, nguni't gaya ng mga lalong dakilang gawa na di tuwi na'y nagtagumpay ang kanilang kahilingan ay nalupig ng kapangyarihan ng kanilang mga katunggali, at ang gayong pangyayari ay naging simula na ng isang piping paghahamok ng mga Paring pilipino at ng mga Paring kastila. Ika 14 ng Hulyo ng taong 1870 nang sina Pari Burgos at Jose Guevarra ay nagpadala ng isang kasulatan sa Kapitan Heneral G. Carlos Ma. Latorre, sa mga paratang na sa kanila'y ibinuhat ng mga regulares at nagmumungkahing litisin kung mayroon nga o walang filibusterismo dito sa Pilipinas.
Sa gitna ng alimpuyong ito ng paglalaban ng isa't isa, sa kabilang dako, ang mga Paring tubo rito sa atin, at sa kabilang dako ay ang mga Paring banyaga, ay napataon sa Himagsikang kawal sa Kabite niyaong 1872, pangyayaring nagamit ng mga kaaway ni Dr. Jose A. Burgos, upang ang nasabing Pare at sampu ni Pari Mariano Gomez at Jacinto Zamora ay makasangkot sa nasabing himagsikan.
At gaya ng lahat ng pangyayari sa mga bayang nasusukuban ng kapangyarihan ng ibang Bansa, ang mga pakana ay nagtagumpay; sa malinaw na sabi ang tatlong dakilang Pare, ay umakyat sa bibitayan upang diligin ng kanilang dugo, upang pagalayan ng kanilang maagang pagpanaw ang kalaitlait na kamatayang dapat lamang sa mga salarin. Sila'y binitay niyaong ika 17 ng Pebrero ng taong 1872.
Bago binitay si Dr. Jose A. Burgos ay nagsabi ng:
Ako'y walang sala, at tinugon ng Verdugo:
Among, ako'y patawarin mo at ang pagbitay kong ito sa iyo ay laban sa aking kalooban, nguni't nanunupad ako ng isang utos.
Ang gayon ay pinaklihan ni Dr. Burgos ng gayari:
Pinatatawad kita, at nasa kong ang utos ay iyong tuparin.
Noon ay nagdilim ang langit, humagunot ang kulog, ang lintik ay nagsiguhit ng boong tatalim at ang ulan ay bumuhos.
Ang mga taong karamiha'y luksa na dumalo sa Bagumbayan ay parang ipinagtabuyan ng mga elemento, at ang tatlong Pari ay binitay.
Ang kamatayan ni Dr. Jose Apolonio Burgos ay maituturing nating: Binhi ng Himagsikan. At ang diwa ng kanyang ipinagtanggol na katuwiran ng mga Pare ay nagtagumpay sa ating pinagpalang Himagsikan niyaong taong 1896, na ang unang tagumpay na maituturing na hangga gayon ay nananatili sa ibabaw ng kasakiman ng mga banyaga ay ang pagkakilala sa karapatan ng mga Pareng tubo rito sa atin na karamihan ay nangaghahawak gayon ng mga katungkulan at Karangalang Obispo.
Naging gawi tuwi na, na ang mga Paring nahatulan sa mga kalaitlait na kasalanan ay hinuhubaran ng pagka Pare, at ang gayon ay hiniling sa Mngl. na Arzobispo ng Maynila; nguni't walang makitang matuwid ang nasabing Arzobispo kaya't di sila hinubaran ng pagka Pare sa oras ng kamatayan.
Si Gat Rizal, sa kanyang paglalathala ng pangalawang bahagi ng Noli, ang kanyang Filibusterismo ay ihinandog sa tatlong dakilang Pare bilang pangbawi, sa mga upasalang sa kanila'y iginawad:
Sa ganang amin ang tatlong dakilang Pare ay di nagkasala kahit babahagya na dapat lapatan ng gayong kalupit na hatol; nguni't sila'y naging kasangkapan ng mga pangyayari, upang ang binhi ng paghihimagsik ay payabungin ng kanilang dugo.
Tatapusin namin ang ulat na ito sa mga salita ni P. Gomez: Yaong nangagsisiibig sa Inang Bayan ay di nangamamatay sa kanilang hihigang sarili.