Niyaong Agosto ika 14 ng taong 1835, sa kalapit na bayan ng Pandakan, Maynila, ay sumilang sa Maliwanag ang isang sanggol na tinawag na Jacinto Zamora.
Sa kabataan pa ay nagpakita na ng kabaitan at pagsisigasig sa pagaaral, hanggang sa naging Pare.
Hindi magagawa ng sino mang pilipino ang sumambit ng mga biyaya ng Himagsikan, nang di makikita sa pagsuysoy ng sanhi noon ang dakilang binhi na dinilig ng sariling dugo niyaong 1872 ng tatlong banal na paring Tagalog, si Pari Burgos, si Pari Gomez at si Pari Zamora.
Ika 15 ng Pebrero ng taong 1872 ng basahin ang kalaitlait na hatol kina Jose Burgos, Mariano Gomez Jacinto Zamora (mga Pare) at sina Maximo Inocencio, Crisanto de los Reyes, Francisco Saldua at Enrique Paraiso, na nagasakdal na manguupat at mga may kinalaman sa aklasang kawal na nangyari sa Liwasan ng Kabite niyaong ika 20 ng Enero ng 1872.
At ika 18 ng Pebrero ng nasabing taon ay nakyat sa bibitayan ang nangahatulan, upang pagpalain ng kanilang malilinis na buhay ang kamatayang kalaitlait.
Sa karangalan ng Tatlong Pari ay ihinandog ni Rizal ang pangalawang bahagi ng Noli na pinamagatang El Filibusterismo.
Ang pagaani sa punla na ihinasik ng Tatlong Pare ay kasalukuyang tinatamasa ng kanilang mga kabaro sa Pilipinas.
Niyaon, ay hindi man lamang makapamahala ng isang Simbahan ang mga Paring Tagalog, at ngayon ay hindi lamang nakapamamahala ng simbahan o nagiging Kura, kundi marami pa ring sumapit na sa mataas na katungkulang Obispo, at ano ang malay natin kung sa hinaharap ay makapag Arsobispo na rin at Kardenal ang mga Paring Tagalog.
Isa sa mga walang patawad na kamaliang nagawa ng iginuhong Pamahalaan ng mga kastila, ang pagkakapabitay sa marilag na si Pari Jacinto Zamora.
Anang mga kasulatang nauukol sa bagay na ito, na may kinalaman sa aklasang kawal niyaong 1872, ang utos na pagpapadakip ay hindi sa Paring itong binitay nalalagda, kundi sa isang nagngangalang Jose Zamora, Pari rin, nguni't hindi nga lamang nakatulong sa hindi malilimot na kilusang ginampanan ng tatlong dakilang Paring Tagalog na sina Burgos, Gomez at Zamora, at dahil sa bagay na ito ang kautusan sa pagdakip ay nabago sa pamamagitan ng mahiwagang pakana ng mga kaaway ng tatlong kawani sa Lupon ng Pagbabago (Comite Reformador) at si Pari Jacinto ang ipinadakip, at nang halungkatin ang kanyang sulatan ay natuklas ang isang liham na ipinadala sa kanya ni Pari Duran, Kura sa San Anton, na nagsasabi ng gayari:
Dakilang pagkakatipon. Dumalo kayo nang walang pagkukulang. Ang mga kaibigan ay pawang may taglay na maraming pulbura at punglo.
Ang sulat na ito ang tanging pinanghawakan, upang igawad sa kanya ang kalaitlait na hatol na bitayin.
Nang panahong yaon na ang mga konbento ay siyang pinagtitipunan ng mga manunugal kung pintakasi, ang pulbura at punglo ay nangangahulugang salapi, at ang panyayang ito kay Pari Zamora ng Kura sa San Anton ay sa isang pagtitipon ng magkakaibigan.
Kung si Pari Jacinto Zamora ay di kinatulong ng pagtatanggol sa usapin ng Clero Filipino disin di nabitay ang kababayang ito.
Nang panahong yaon ang pagibig sa Tinubuang Lupa ay daang patungo sa mga balaho at kamatayan, samantalang sa kapanahunan natin gayon, ang mga tagapagtaguyod ng gayon ding simulain ay tumatahak sa mga sampaga, sinusuob ng kamanyang na nagbabanguhan, nagsisihimlay sa malulundog hihigan at pawang awit ng papuri ang naringig.
Mapanuto kaya tayo sa ganitong kiyas ng kapanahunan?
Ang panahon na siyang saksi ng lahat ng pangyayari, ay siyang maguulat sa araw ng bukas ng ipamamana sa atin ng walang tutong katuturan ng mga ngayo'y nagsisiibig at naglilingkod sa ating Tinubuang Lupa.
May isang kasabihan dito sa atin, na: ang mga una raw tao rito sa Kapuluan ay pinamamahalaan ng mga patay sa malinaw na sabi, ang mga halimbawa ng nangagsiyao, ay siyang pinapatnubay iginagalang at linalandas.
Subalit sa ngayon, na, ang mga patay ay pinamamahalaan ng mga buhay na tao ang pagkamakabayan ay napakaginhawa, ang waldasan ay naging isang karaniwang bagay, ang pagibig sa bayan ay ipinagtitimpalakan sa apat na sulok ng daigdig, nguni't ang katotohanan ay di mababago, at ang tanikalang ginto na ibinibigti sa ating kalayaan bilang bunga ng maginhawang pagibig sa bayan ay sumisibol; ang agos ng kayamanan na lumulunod sa ating kalayaan ay bumabalong, bumubukal, bumbabaha, at..... oh! kung magkalupitlupit, bigyan man tayo ng laya, ang layang iyon marahil ay magiging isang sagabal sa atin, sa pagka't di tayo makagigitaw sa nakatabong ginto na winaldas na ng mga walang patumanggang umibig sa bayan, ng boong ginhawa.