Anak ng makasaysayang lalawigan ng Batangan, si Malvar ay namulat sa kapanahunang ang pangaapi ay naghahari at ang katuwiran ng bayan ay kasalukuyang tumatangis, kaya't ang kanyang diwa ay nahikayat na magngalit ng gayon na lamang sa pamamalakad na mapaniil; at ang gayong pagpupuyos ng kalooban ay nagkaroon ng pagbubuntuhan, nang ang unang hiyaw ng laya ay pasimulan sa Balintawak ng ating Bayaning si Gat Bonifacio, niyaong Agosto ng taong 1896, kilusang karakaraka niyang inaniban ng ubos kaya.
Ipinamalas ni Malvar sa Himagsikan ang isang katangitanging pakikibaka, at sa ulunan ng isang pulutong na mga piling taga Batangan ay linusob nila ang mga himpilan ng mga kastila sa Tanawan, at doo'y nakilala ang kanyang isa sa malalaking pahayag at tutol sa larangan ng digmaan, na pinasimulan sa nganap na ika 9 ng gabi at tumagal hanggang ika 6 ng umaga ng araw na kasunod, panahong ikinalipol ng tanang nagtatanggol na kawal na mga kastila sa himpilang yaon; at sa katapangan niyang ipinamalas ay minarapat siyang gawing Puno ng kanyang mga kasamahan.
Nang idaos ang Pacto sa Biyak na Bato, niyaong Disyembre ng taong 1897, buhat sa Bulakan ay nanumbalik siya sa sariling lalawigan upang pagmasdan kung ang mga dako ng nasabing kasunduan ay magaganap.
Hindi sumama si Malvar sa Lupon ng Himagsikan na lumipat sa Hongkong; nguni't naparoon siyang kasama ang tauang kaanak at tumulong sa mga punyagi ng kanyang mga kababayan sa ikalulusog ng Bayang Tinubuan. Nang makaraan ang mangiisang taon na ipinanahanan niya sa Hongkong, niyaong Hunyo ika 15 ng taong 1898, ay bumalik siya sa Kapuluang Pilipinas, at noon na nga siya ginawang Heneral, upang pangasiwaan niya ang mga kawal sa mga lalawigan ng Tayabas at Laguna, at sa panahon ng kanyang ipinamuno ay nagkaroon siyang lagi ng mabuting palad na magtagumpay tuwi na at makabihag ng maraming kawal ng mga kastila. Siya'y isang Heneral na laging pinatnubayan ng Mabuting Tala.
Niyaong Pebrero, ika 4 ng taong 1899, ang pagkakaibigan ng mga kawal ng Pilipinas at ng mga kawal ng Amerika ay nasira, at si Heneral Malvar ay naatasang maging Pamunuan ng mga kawal ng Maynila at Laguna. Ang Pagsanhan at Sta. Cruz sa Laguna ay ipinagtanggol ng magkaayaw na Pangkat ni Ricarte, Malvar at Agueda Kahabagan, itong huli ay isang babaing nagpakita ng lalong malalaking kagitingan na ikinamangha ng kanyang mga nakasama. Ang mga bayang binangit ay kung makailang lusubin ng mga amerikano, nguni't tuwi na'y napipilan.
Si Heneral Malvar ay naglamay at nagpunyagi gabi at araw upang magtipon ng tao, magsanay sa mga ito sa pakikibaka at magpa sigla ng mga kalooban, upang ang pagdidigmaan at pagtatanggol ng ating katuwiran at kalayaan ay magtagumpay.
Sa masamang sandali niyaong Marso ika 23 ng 1901, ang Presidente Aguinaldo ay nahulog sa kamay ng mga kalaban, sa Palanan, Isabela; gayon man si Heneral Malvar ay nagpatuloy pa rin sa pakikibaka at sa kanyang mga nasasakupan ay nagpadala siya ng gayaring pahayag: Ang ating sandata ay dapat na magpahayag na di natin ginagamit upang ipuksa sa mga kawal na amerikano, sapagka't gaya rin natin, sila ay may mga ina, asawa, kapatid at mga anak na tumatangis kung sila'y mangapatay.
Nguni't tayo'y gumagamit ng sandata upang ipagtanggol ang katutubong katuwiran, katuwirang magkaroon ng sariling Pamahalaan, Kalayaan at Kasarinlan.
Sa bahaging ito ng pamahayag ni Malvar ay makikilala ang kanyang pagkalinang na tao, mairugin sa Tinubuang Lupa at matarong na Punong kawal.
Sa pagkilala sa malalaking sikap at mahalagang gawa ni Heneral Malvar, ang Lupon Pambansa sa Hongkong, niyaong unang araw ng Abril ng taong 1901, ay nagpasyang iatas sa kanya ang Tungkuling pagka Pangulong kawal sa Pilipinas, nguni't sa kanyang mga pamahayag na ilinagda ay ipinamalas niyang hindi lamang ang sikap ng mga kawal ang kanyang pinagbatayan, at ang bulag na pagsunod sa mga kautusang kawal, kundi lalo na ang tulong ng mga taong bayan na siyang lalong mabisa at mapakinabang sa mga mithiing ipinakikipaglaban.
Samantalang si Heneral Malvar ay boong tapang na nagtatanggol ng ating Kalayaan, ang Lupon naman sa Kapayapaan ay kasalukuyang naghahanda ng isang mabuting paraan upang ang digmaan ay maihatid sa isang pagkakasundong kapuripuri, at niyaong Abril ng taong 1901 ay nakipanayam kay Heneral Malvar ang isang Lupon tungkol sa bagay na ito, ngunit nabigo.
Napansin ni Heneral Cailles, ang pagkakatuwas ng ating kalagayan, ang kalakasan at kapangyarihan sa dami ng mga kadigma at dahil dito, upang maampat ang dugo na dumadaloy na walang taros ay hiningi nito kay Heneral Malvar na sumuko na; ang kahilingan ng kaibigan ay iginalang, nguni't nagpatuloy din ng pakikidigma sa paniwalang sa gayong paraan lamang mapatutunayan ang marubdob na pagnanasa ng Kasarinlan.
Sa kanyang kublihan sa Bawang, ay kung magkailang lusubin siya ng mga amerikano, nguni't tuwi na'y ipinagtanggol niya ng boong tapang at kabayanihan, at tuwi na'y napipilan doon ang kawal na kalaban.
Subali't ang gutom ay isang kaaway na napakalupit, at sa tulong ng pakikiusap ng lubhang maraming kaibigan, sa talagang kadahupan ng kaya na magpatuloy pa sa pakikidigma, ay nakipanayam siya kay Heneral Bell at bago niya ginawa ito ay gumawa muna siya ng gayaring pamahayag:
Patungo ako ngayon upang dalawin si Heneral Bell, at ano man ang kalabasan ng pakikipanayam sa kanya, ay hinihingi ko sa mga kababayan, na huwag lamang akong lilimutin. Tayo'y pawang magkakapatid. Kahit na nila ako dalhin sa Estados Unidos o sa alin mang dako ng Daigdigan, ay di ko malilimutan ang pinakaiibig kong Tinubuang Lupa.
Isinasalong ko ang sandata, sapagka't ang aking mga kaanak at mga kaibigang sumasama sa akin ay nangagkakasakit sa tinitiis na kagutuman. Ang aking pitong anak at ang aking giliw na asawa ay laging nasa piling ko at tiniis nila ang lahat ng kahirapan.
Niyaong ika 16 ng Abril ng taong 1902, ay natapos ang mga panayam ni Heneral Malvar, at di siya ipinadala sa labas ng Pilipinas. Nanirahan siya sa Sto. Tomas, Batangan, at ang pagsasaka ay siya niyang hinara~p sa paniwalang sa ganitong paraan lamang maitatatag ang mga kailangan ng nasirang bansa.
Mataliimik siyang namuhay sa bukid hanggang sa napilitang lumuwas ng Maynila dahilan sa sakit sa atay na kanyang dinanas, at niyaong ika 13 ng Oktubre ng 1911, ng kanyang hirap sa buhay na ito ay winakasan, upang masok sa buhay na walang hanggan ng mga Bayani na walang kamatayan.
Dinala ang kanyang bangkay sa Sto. Tomas at doon binigyan ng kanyang sariling pitak na pamamahingahan ng mga labi ng isang buhay na mauuliran sa katapangan at katapatang loob sa Lupang Tinubuan: