(1865-1911) Magiting na Heneral ng himagsikan
Si Malvar ay isinilang noong Setyembre 27, 1865 sa Barrio ng San Miguel, Sto. Tomas Batangas. Panganay siya sa tatlong anak nina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio.
Kapos siya sa mataas na pinag-aralan kaya nagpatuloy siya sa pagsasaka at pangangalakal. Nagsimula ang rebuluyon taong 1896. siya ang namuno sa paghihimagsik laban sa mga Kastila sa Batangas. Nag-alok ng malaking halaga ang mga ito para madakip siya, buhay o patay, subalit nagtago siya sa bundok ng Makiling. Lalong nagalit ang mga Kastila ng hindi siya mahuli. Bilang ganti hinuli ng mga Kastila ang kanyang ama, ngunit nailigtas niya ito.
Hinirang siya ni Aguinaldo bilang Tenyente Heneral noong Marso 31, 1897. Inutusan siyang sakupin ang San Pablo Laguna, sagupain ang batalyong sundalo ng mga Kastila. Ang madugong labanan ay naganap sa baryo ng Bilong-bilong sa Tanawan.
Kasama siyang ipinatapon sa HongKong nang malagdaan ang "Kasunduan ng Biak na Bato." Hinirang siyang tagapayo ni Aguinaldo sa mga bagay na pang militar.
Sa digmaang Filipino-Amerikano tinanghal siyang bayani ng Zapote. Nang madakip si Aguinaldo noong 1901, patuloy na nakipaglaban si Malvar. Noong Abril 16, 1902 sumuko si Malvar kay Hen. Bell at nanatili siya sa bansa hanggang sa kaniyang kamatayan noong Oktubre 13, 1911