Ang paguukulan ko ngayon nitong maigsing ulat, giliw na bumabasa ay isang babaing hindi man lamang nakasapit ng mga pintuan ng Paaralan, kaya't tahas na masasabing di lamang sa mga Paaralan natututuhan ang pagibig sa Tinubuang Lupa.
Si aling Sora ay isang likas na mapagmasakit sa alin mang bagay na ukol sa sarili.
Si aling Sora, gaya ng tuwi na'y itinawag sa kanya ng mga Katipunan ay naging isang tunay na inang takbuhan niyaong nangaghimagsik at nagtaya ng buhay sa ikalalaya natin.
Ang kanyang dulang ay laging may hain, at ang mahigit na isang libong Katipunan na naglisaw sa Balintawak na naghihintay ng isang hudyat upang ang talibong ay ipakipagpingkian sa mga remington at mauser, upang sa pamamagitan noon ay lutasin ang usapin ng ating bayang nasusukuban at inaalipin ng kapuwa bayan, ay nakatagpo kay aling Sora ng isang inang mapagkupkop. Sumilang si Tandang Sora sa Balintawak niyaong taong 1812.
Ang ganitong gawang kapuripuri ay pinarurusahan noon ng parusang kamatayan, kaya't lubhang kagilagilalas na ang isang hangal na gaya ni tandang Sora, ay huwag sagian ng takot at bagkus nagibayo ang tapang at pangatawanan at walang pangiming winaldas ang kanyang kaunting natitipong palay sa kanyang mga bangan, gayon din ng salaping pati na sa ikapitong buhol halos ng taguan ay pawang tinunaw.
Ang ganitong gawa ni tandang Sora ay hindi nalihim sa mga tiktik ng Pamahalaang kastila, kaya't siya'y ipinadakip pagdaka at sa bisa ng isang utos ni Heneral Polavieja niyaong 1897, siya ay ipinatapon sa Monjuich. Di man lamang iginalang ang kanyang katandaan at pagkababai.
Pinalad pa rin siyang makabalik digmaan at matahimik siyang namatay sa kanyang tahanan sa Balintawak, Kalookan, pook na nakasaksi ng lalong pinaka maningning na dahon ng ating kasaysayan.
Kung si Gat Bonifacio ay nabubuhay at makapagsasalita ng nauukol kay tandang Sora, disin ay nakabasa tayo ng isang magandang halimbawa sa kanyang iuulat na disapala ay pawang papuri sa babaing ito na siyang tunay na Ina ng mga Katipunan.
Ang mga salitang kumain ka na ba kapatid at isang ngiting namamalaylay sa kanyang mga labi ay tila nakikinita ko pa hanggang ngayon. Ang mga salitang yaon ay siya niyang bati at panalubong sa walang patlang na mga katipunang sa maghapon halos at sa loob ng mahigit na dalawang buwan ay kanyang kinailangang parang mga tunay na anak.
Tinawag sa sinapupunan ni Bathala niyaong ika 2 ng Marzo ng taong 1919, sa gulang na isang daan at pitong taon.
Ang kanyang bankay ay iniwi ng mga Labi ng Himagsikan na siyang nangasiwa sa paghahatid sa kanyang huling tahanan.