(1812-1919) Ina ng Himagsikan
Siya ay kilala sa tawag na Tandang Sora noong kanyang katandaan. Ipinanganak siya sa Gulod Banilad Balintawak noong Enero 6, 1812. Ang mga magulang niya ay sina Juan Aquino at Valentina de Aquino.
Sa kagubatan ng Balintawak siya nanirahan. Hindi siya nakapag-aral dahilan sa kahirapan, subalit taglay niya ang kabaitan at mabuting ugali ng pakikipagkapwa. Napangasawa niya si Fulgencio Ramos subalit nabiyuda siya nang maaga.
Nang sumiklab ang himagsikan, si Tandang Sora ay 84 na taong gulang. Taong 1896 ng magpakita ng labis na kalupitan ang mga Kastila nahigingan ng mga ito na malapit nang maghimagsik ang mga tauhan ni Bonifacio.
Maraming kalalakihan ang hinuli at pinarusahan, pilit na pinaaamin tungkol sa lihim na samahan ng Katipunan at kapag hindi umamin ay kanilang pinapatay sa pamamagitan ng pagbaaril o di kaya ay pagbitay. Ang ibang nakatakas ay nagtago sa Balintawak sa lugar ni Tandang Sora.
Lahat ng taong dumulog kay Tandang Sora ay kanyang tinutulungan. Pinakakain niya ang mga rebulusyunaryong nagugutom, ginagamot ang mga sugatan. Subalit hindi niya pinababayaang magtagal sa poder niya ang mga ito. Binibigyan niya ang mga ito ng baong pera at pagkain at saka pinatatakas patungo sa ligtas na lugar na maaaring pagtaguan ng mga ito.
Nakarating sa kaalaman ng mga kastila ang ginagawang pagtulong ni Tandang Sora sa mga miyembro ng Katipunan. Hinuli siya ng mga kawal Kastila at dinala sa Maynila. Ipinatapon siya sa pulo ng Marianas.
Bumalik lamang si Tandang Sora sa Pilipinas noong 1903 ng mapasailalim ito sa kamay ng mga Amerikano. Matandang-matanda na siya noon at wala na siyang natitirang ari-arian.
Namatay siya noong Marso 2, 1919 sa edad na 107.