Niyaong ika 22 ng Marso ng taong 1863, sa silong ng masayang Langit ng Baliwag, sa bayan ng magaganda at mabibining dalaga na napabalita ng gayon na lamang, ay doon nakakita ng unang liwanag ang kababayang Mariano Ponce, isa sa tatlong tungko ng mithing kalayaan nitong lupaing pinaggugulan nila ng lahat ng punyagi at pagsasakit.
Ang kabataan niya ay maagang iminulat sa pagaaral sa bayang sarili at nang makatapos siya ng mga pangunahing pagaaral ay lumipat siya sa San Juan de Letran hangga sa niyaong 1885, ay kanyang tinanggap ang katibayan ng pagka Bachiller en Artes: Nagpatuloy siya ng pagaaral ng pagka Manggagamot sa Paaralang madla ni Sto. Tomas sa loob ng dalawang taon at sa Universidad Central de Madrid niya tinapos ang nasabing karunungan, kun saan niya natamo ang katibayang pagka Doctor en Medicina.
Naging maginhawa sana ang kanyang buhay kung ang kanyang pagka Manggagamot ay iniukol niya sa sarili nguni't ang gayon at hindi niya ginawa, at ang hirap at sakit na kasalukuyan ng bayan na nangangailangan ng lalong mabibisang lunas ay siyang pinagubusan ng punyagi.
Si Mariano Ponce ay nahilig ng gayon na lamang sa paglilinang ng mga kabaguhang hinihingi ng panahong yaon at siya ay umanib sa mga kababayang nangananahanan sa Madrid; upang doon ay himagsikin ang Pamahalaan sa puso ng kanyang Pangulong Bayan, sa loob ng kapisanang kanilang bininyagang Asociacion Hispano-Filipino. Si Mariano Ponce ang siyang nanungkulang kulang kalihim noon hanggang sa sumapit ang taong 1896, taon ng malaking mga pagbabago sa Kapuluang Pilipinas at simula ng mga bagong tudling ng kanyang kasaysayan sa pagkabansa.
Naging tagabansag ng Kapisanang Hispano-Filipino ang La Solidaridad at si Ponce ang naging tagapangasiwa noon, samantalang si Graciano Lopez Jaena ang siyang Namatnugot. Ang pamagat na Naning kanyang mga tudling.
Nang ang Himagsikan ay mabunyag na sa ating Kapuluan, sapagka't si Ponce ay kilalang isang tanyag na pilipino at mahilig sa mga kabaguhang kanilang tuwi na'y lininang ay dinakip siya pagdaka at ibinilanggo, nguni't di siya nagtagal at pagkalipas ng dalawang araw ay pinalaya siya at ang kanyang minainam ay ang lumayong agad at lumipat na nga sa Hongkong. Pagdating niya roon at ilang araw pa lamang ang kararaan, ay nagtatag sila roon ng isang Lupon na ang layunin ay magsumikap ng ikapagtatagumpay ng Himagsikan; si Ponce ay naging isang masugid na kagalawad noon.
Nang ang Presidente Aguinaldo ay sumapit sa Hongkong dahilan sa Pacto de Biak na Bato si Ponce ay siyang naging Kalihim at ang tungkuling ito ay kanyang ginampanan hanggang sa si Aguinaldo ay muling manumbalik sa Pilipinas niyaong 1898, upang ipagpatuloy ang Paghihimagsik.
Nang mga panahong yaon ay si Ponce rin ang Kinatawang panlabas magsikan sa Pilipinas.
Sa pagnanasang mapagaralan ang mga kanugnog na lupain ay naglayag si Ponce at dinalaw ang Indo-China, Cabodhe, Canton, Shanghai, at kanyang sinikap na makilala ang mga kaugalian at ang mga katangian ng nangasabing bayan. Naging kaibigan siya ng mga litaw na tao roon at ng mga tanyag na kawani ng kanikaniyang Pamahalaan.
At kahit siya malayo sa sariling lupa ay hindi niya iwinalay kahit saglit man lamang ang marubdob niyang pagibig sa sariling bayan, kaya't pagkaraan ng mahigit na dalawampuo't anim na taong pagkakawalay at pakikipamayan sa mga iba't ibang lipi at kaugaliang tao ay muli siyang umuwi sa sarili at sa kanyang pagbalik na ito ay naging Patnugot siya sa Pahayagang El Renacimiento at buhat sa mga tudling ng nasabing pahayagan ay kanyang ipinagpatuloy ang kanyang nasimulan nang pagsisikap ng ikaliligaya ng kanyang iniibig na Pilipinas.
Niyaong 1909, ang kanyang mga kalalawigan sa Bulukan bilang tumbas sa kanyang pagsasakit ay tulad pa iisang taong tinangkilik ang kanyang pagnanasang maglingkod sa tinubuang lupa sa loob ng Kapulungang Bayan at siya'y ihinalal na Sugo roon upang kumatawan sa Lalawigang Bulakan sa Gusali ng mga Batas.
Naging Kalihim na Pangkalahatan si Ponce ng Pangkating Nasiyonalista at kasangguni ng Lupon tagaganap. Si Ponce ay isa sa mga nagtatag ng Pahayagang El Ideal, na siyang tagapamansag ng Lapian niyang kinaaaniban.
Sa kabila ng pakikipamiyapis na mahigit na limampuong taon at pagkatapos na maipakilala ang lalong malaking pagtatapat sa mga mahahalagang simulain ng pagkamanghihimagsik, ang kaibigan at kinatukatulong ni Dr. Rizal at ni Gat Marcelo H. del Pilar, niyaong Mayo ng taong 1918, ay namatay sa Hongkong nguni't ang kanyang bangkay ay itinawid dito sa Pilipinas at siya'y ilinibing sa Libingang Hilaga.
Tangi sa lubhang marami niyang nasulat sa mga Pahayagan ay kumatha rin naman siya ng isang aklat na pinamagatang Sun Yat Sen, na kinapapalooban ng kasaysayan ng nagtatag ng Pamahalaang Republikano sa Kainsikan. Si Ponce ay isang matalik na kaibigan ni Dr. Sun Yat Sen, niyaong dakilang insik na nagguho ng kapangyarihan ng mga Hari sa kanilang lupain.
Kung isang araw ay mapasa Baliwag kayo at makaisip magmalas ng mga katagitanging tikma ng mga tagaroon, na nagbabadha ng sipang, tiyaga at punyagi, na tuwi na'y kanilang ikinatangi sa mga ibang lalawigan, ay gunamgunamin ninyong sa lupaing yaon ay doon sumilang ang isa sa tatlong tungko na kinasasaligan ng lahat ng biyayang ating tinatamasa ngayon.
Si Ponce ay tunay na kabilang sa mga kawal ng sandaigdigan.