Isang dakilang bayani na sa pagtatanggol ng katuwiran ng bayan ay linisan ang tanang kariwasaan at kaginhawahan sa sariling lupa at tumiwalang sa mga kapilas ng buhay upang mahikap sa silong ng ibang Langit ang ikatitimawa ng ating Inang Pilipinas.
Si Marcelo H. del Pilar ay sumilang sa maliwanag niyaong ika 29 ng Agosto ng 1850, sa matikmang bayan ng Bulakan. Bayan ng magagandang diwatang nakayayayang umawit sa may mga hilig sa tulain.
Ang kanyang ama ay si G. Juan H. del Pilar at ang kanyang ina ay si Gng. Blasa Gatmaitan. Talagang lahi ng mga Gat ang bayani nating ito at pagkapalibhasa ay may mga kaya rin naman ang kanyang mga magulang at ang kanyang ama ay maginoo sa bayan, kaya't namulat ng tingala ang noo may matataas na indayog at maibigin sa katuwiran.
Pagkapagaral niya ng mga unang titik sa sariling bahay ay ipinasok siya sa Paaralan ng San Jose at pagkatapos dito ay lumipat siya sa Paaralang-madla ni Sto. Tomas upang dito magtapos, at boong ningning niyang ipinakita ang di karaniwan niyang talino hanggang sa ang katibayan ng pagka Licenciado en Jurisprudencia ay kanyang kamtin, noong taong 1888.
Ang sigasig niya sa pagibig sa lupang sarili, na noo'y lubhang sinisiil ng masamang pamamalakad, ay palagi niyang ipinakilala sa kanyang mga pamamahayag; na ang pagkahilig niya sa pagtiwalang at paglaya, ay lubos baga mang ang gayon ay talagang kasalanang pinag-uusig at ikinabibitay ng panahong yaon ng kalupitan.
At ang talagang maaasahang bungang hinog ng gayon gawi ay sumapit at niyaong 1888 na rin ay ipinagsakdal siya sa kasalanang Filibusterismo; nang kanyang matunugan, kapagkaraka at yayamang ang kanyang ulo sa gayong kasalanan ay nagaamoy bangkay ay tumakas siyang agad at sa Espanya na rin nagtungo, upang doon pasimulan ng ubos kaya ang pakikibaka sa mga kaaway ng ating pagtiwalang sa kapangyarihang kastila.
Asawa at dalawang anak, kaginhawahan at angkan ay linisan niyang walang balino at umasang ang kanyang hangarin ay banal sa gayong pagyao. Sa Espanya ay itinatag niya ang kanyang kapisanan ng Solidaridad Filipina sa Barselona niyaong 1889. Ang kapisanang yaon ay magmimithi ng mga kabaguhan ng pamamalakad dito sa Pilipinas.
Pinamatnugutan niya ang kapuripuring pahayagang La Solidaridad na itinatag doon ni G. Graciano Lopez Jaena, at siya'y kinatulong nina Dominador Gomez, Fernando Canon, Antonio Luna, Jose Rizal, Mariano Ponce at iba pang mga bayaning pilipino noon, na sa pamamagitan ng utak at panitik ay bumuwag niyaong matandang kapangyarihan ng mga hari dito sa Pilipinas.
Ang kalakhan ng kanyang puso, katapangang maglahad ng katuwiran niyang inaakalang api, at ang katayugan ng kanyang palaisipan ay naging sanhi ng lubusang paghanga sa kanya ng kapanalig at kaaway man sa paghihimagsik na yaon na lubhang kasakitsakit.
Ang salapi ng kanyang angkan ay nahughog, ang kanyang mga anak ay hindi na muli pang nakita at nagdanas ng lalong kakilakilabot na kahirapan sa silong ng ibang langit, upang ang katuwiran ng bayan ay patuluyan at walang sagwil na maipagtanggol.
Sumakabilang buhay si G. Marcelo H. del Pilar niyaong ika 4 ng Hunyo ng taong 1896 sa gitna ng isang karalitaang hindi madalumat.
Bilang pagkilala ng Bayang Pilipinas sa kanyang walang kamatayang mga gawa, ay ipinasya na ang kanyang labi ay kunin sa libingang kanyang pinagpapahingalayan ng ganap, at ngayon ay nasa libingan na ng mga Bayani dito sa Maynila, upang ang mabuting alala noon ay maging isang mabuting halimbawa sa ating mga bagong sibol.
Kapuripuring halimbawa na gaya ng pamana ni Marcelo H. del Pilar ay hindi dapat maparam sa alin mang pusong Tagalog, yayamang ang lahat niyang punyagi ay iniukol lamang sa ikalalaya ng Bayan at hindi sa kaginhawahang sarili.
Talagang ang mga tunay na Bayani ay hindi naghihintay ng gantingpala sa kanyang mga gawa at sikap, at sukat na yaong kasiyahang loob na dinadanas ng taong gumagawa ng tunay na udyok ng budhi ang siya niyang naging katulong sa mahabang panahon niyang ipinakibaka; nguni't ang mga taong bihasa ay nasisiyahan namang magaral sa kanilang mga kadakilaan, sapagka't ang mga diwang gaya ng kanila ay talagang maliwanag na sulo na nagpapanuto sa mga liping sumisipot sa isang lalong maginhawang kabuhayan.
Mapalad ang mga bayan na baga mang walang gaanong maipagmalaki sa kanyang likas na pagkabayan matangi sa kasikapan ng kanyang mga anak, ay sibulan ng bayani ng katauhan na nakagigimbal at nakapangguguho ng kalupitan at pangaaliping nakapipigil sa tahasang ikauunlad ng mga bayan at mga tao.
At gaya ng sabi ni Dr. Dominador Gomez, si Marcelo H. del Pilar anya ay isang mabuting tao at sa kanyang diwa ay di nagkakapuwang ang ano mang masamang adhika, sapagka't sa kanyang puso ay nagsisikip ang wagas na pag-ibig sa Tinubuang Lupa.