Sa isang maliit na bayan, sa Badok, Ilocos Norte, isang bayang halos di kilala dahil sa kaliitan, ay naging bantog at kapuripuri dahilan sa pinalad na sibulan ng isang taong dakila, na walang alinlangan masasasabing siyang pinakadakila at bantog sa lahat ng pintor na pilipino, siya ay si Juan Luna.
Ipinaganak siya niyaong ika 23 ng Octubre ng taong 1857, isa sa mga anak ni G. Joaquin Luna at Laureana Novicio, mapalad na magasawang naghandog sa Inang Pilipinas ng mga anak na bayani. Si Antonio ang dakilang Heneral, si Juan, ang dakilang Pintor, si Joaquin ang Gobernador, at si Jose Luna, ang bantog na manggagamot.
Ang kanyang pagaaral ay pinasimulan sa sariling bayan at kanyang ipinagpatuloy sa Ateneo Municipal, kung saan siya kinagiliwan ng gayon na lamang ng kanyang mga guro: ang unang nagturo sa kanya ng pagguhit ay si G. Agustin Saez. Dito siya nagpasimula ng pagibig sa sining, na kanyang ikinapabantog ng gayon na lamang.
Buhat sa Ateneo ay lumipat siya sa Academia Naval, at nang matamo niya ang mga katibayan sa pagaaral ay siya'y sumakay upang ipagpatuloy ang pagsasanay ng kanyang pinagaralang pagkamandadagat. Lalabing anim na taon siya noon. Tinahak niya ang katimugan ng dagat China at India, dinalaw ang Singapore at Colombo, mga bayan at lunsod na kanyang dinalaw, na nakapukaw sa kanyang puso ng marubdob na nais na dumakila.
Niyaong 1874, nang siya'y lalabingpitohing taon pa lamang ay tinanggap niya ang katibayang makapaghawak na ng ugit (piloto) ng sasakyan sa matataas na dagat. Siya'y lubhang kilala sa kanyang pagkamandaragat, nguni't hindi ito ang tunay niyang hilig, at baga mang siya'y hinangaan sa kanyang katungkulang yaon na ginagampanan, ay tila may bumubulong sa kanyang diwa na hindi yaon ang kanyang dapat na pamalagian.
Samantalang siya'y naglalayag, sa Luok ng Maynila ay nagaral siya ng pintura, at ang kanyang naging Guro ay si G. Guerrero isang bantog na pintor ng kapanahunan. Iniwan niya ang pagkamandaragat at ipinasok siya sa Academia de Bellas Artes sa Maynila. Dito niya nakilala ang tunay na pagibig sa sining, sumigla nang sumigla ang kanyang sigasig at niyaong 1877 ay lumayag siyang patungo sa España.
Pagdating na pagdating niya sa lupaing ito ng mga Hari, ay ipinasok siya agad sa Academia de Bellas Artes de San Fernando, sa Madrid, at yayamang di nakasisiya sa kanyang hilig ang pagtuturo doon ay bumayad siya ng isang tanging Guro upang siya'y turuan sa sariling tahanan at kanyang nahirang si G. Alejo Vera, isa sa mga lalong dakila at bantog na pintor sa España.
Naging matalik silang magkaibigan ng bago niyang Guro at sila ay naglakbay sa Italia niyaong 1878, doon sa pinagpasikatan nina Rafael at Miguel Angel at doo'y magkatulong silang gumawa sa dakilang Bayan ng Sining. Niyaong magbukas ng Tanghalan sa Madrid, nang taong 1881, ang pangalan ni Juan Luna at nakapanggilalas sa mga lalong bantog na pintor na kastila at italiano. Ang kanyang cuadrong Ang kamatayan ni Cleopatra ay nagtamo ng pangalawang ganting pala at isang medallang ginto kalakip ng isang libong pisong salaping kastila. Buhat noon ang Tagalog ay nagkaroon ng mabuting pangalan sa Daigdig ng Sining at di na ipinalagay na mga maninipi.
Nang lumipas ang tatlong taon, niyaong 1884 ang walang kamatayang Spolarium ay lumabas sa maliwanag, at ang gawang ito ni Luna ay nagtagumpay sa daigdigan ng sining, at ang mga papuri ay nagsikip halos sa Sansinukob. Sa kanyang karangalan ay piniging siya ng mga pilipinong nananahanan sa España. Lubhang maraming papuri ang kanyang tinanggap sa nangagsipanalumpati at isa rito ay ang ating dakilang bayaning Dr. Rizal na nagsabi ng gayari: Paghawi ng tabing at makita natin ang Spolarium, ay mariringig na natin, ang tangisan ng mga alipin, ng kakilakilabot na takot sa digmaan, at ang taghoy ng mga ulila.
Ang tanawing iyan ay siyang tunay na damdamin ng lumikha at tagabadha ng ating kasalukuyan sa ating tinubuang lupa. Oo, ang mga kuadrong ganyan ay di lamang umaliw sa ating mga mata, kundi nakikipagusap na banayad sa ating puso.
Lumipat siya sa Paris at doo'y nakipagisang puso sa isang anak ng kastila sa pilipina na pinangarapan niya ng isang kaligayahan sa buhay, at pinaghandugan ng lahat niyang tagumpay. Hindi siya naglikat ng paglilinang ng kanyang sining at niyaong 1887 ay napa sa España siyang muli upang itanghal sa Madrid ang kanyang Batalla de Lepanto at ang Rendicion de Granada na pawang nagtagumpay at nagtamo ng ganting pala sa nasabing Tanghalan. Isang piging na naman ng mga kalahi ang nasaksihan sa Madrid na idinaos sa karangalan ni Juan Luna, ang dakilang Pintor. Si Lopez Jaena ay isa sa nangagtalumpati.
Ang katahimikan sa nagtatagumpay niyang buhay, ay hindi nasiyahan mandin at sa loob ng tahanan ay nanuluyan ang ligalig, ang kanyang katahimikan ay nahalinhan ng isang infiernong napakainit, dinarang ang kanyang puso at sa harap ng di dapat talimahing pagupasala ay nagkahalaga ng isang buhay, at buhay ng kanyang pinakamamahal pa naman: ang sa kanyang minamahal na kabyak ng puso. Isang usapin ang naging buntot ng sigalot na yaon; nguni't pinawalang sala si Juan Luna ng Hukumang humatol.
Nang muling bumalik dito sa Pilipinas ang ating kalahing ito ay pinaghinalaang kinaalam ng nangaghihimagsik at niyaong 1896, siya ay ipinadakip at ibinilanggo. Ang mga dakilang diwa ay hindi napipiit kahi't na sa loob ng piitan, at sa gitna ng gayong kalagayan ay gumawa siya ng isang mainam na Exce Homo na kanyang ipinagkaloob kay Pare Rossell nang siya'y dalawin sa bilangguan.
Nang tamuhin niyang pamuli ang kalayaan, ay nanumbalik siyang agad sa Europa, nguni't ang pagibig sa sariling lupa ay hindi magpatahimik sa kanya roon, kaya't muli siyang nanglayag niyaong Disyembre ng 1899 upang bumalik sa sariling bayan at siya'y nadaan sa India, sa Java at sa Sumatra, naglagos ng China at Hapon, nguni't nang siya'y na sa Hongkong at papauwi na sa sarili ay nagkasakit siya at nasagupa niya roon ang kamatayan.
Namatay si Juan Luna at nalibing sa ibang Lupa, nguni't ang mga dakilang tao saan man mamatay at saan mang dako ng daigdig malibing, ang karangalang kanilang tinuklas at ikinabantog sa daigdigan, ay hindi nakukuha ng alin mang bayang hindi nila sarili, sapagka't ito'y manang hindi maaagaw ng alin mang lahi at bayan.
Karangalan nga ng Pilipinas ang siya'y magkaanak ng isang kahangahangang maninining, at kahit hindi siya nahandugan ng bahaging libingan sa sariling Langit, ay nagliliwanag din duon ang kapitapitagang pangalan ng anak na nagpakatangi.
Luwalhati sa iyo, dakilang maninining!